1. Prologue

1.2K 66 121
                                    

Note: 

This novel was published years ago. For VA readers who've been following her, you'll definitely notice a change in her prose. Enjoy reading an old novel! :) 

SA HALIP na tumuloy si Randy sa elevator para umakyat sa opisina ay nanatili siyang nasa labas ng lobby at humihitit ng sigarilyo. Mabigat ang dibdib at bad mood siya nang araw na iyon Ang hiwalayan pa rin ng mag-iisang taon na niyang girlfriend na si Mindy ang rason.

Bakit nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila? Hindi lang naman siya nakauwi ng Maynila dahil nakidnap siya ng kulto!

Marahas siyang nagbuga ng hangin sa ere bago nakuyom ang mga palad. Ipinagpalit siya ni Mindy sa ibang lalaki dahil sa ilang linggo niyang pagkawala—na inisip nitong sinadya niyang gawin para takasan ang responsibilidad sa sanggol na dinadala nito. Bago siya umalis sa bahay ng girlfriend, nalaman ni Randy ang tungkol sa magiging baby nila. Naglalambing ito, payakap-yakap sa kanya habang tinatanong siya kung kailan sila magpapakasal. Kailangan raw nilang makasal bago pa man matuklasan ng pamilya nito ang ipinagbubuntis. Siguradong hindi raw magugustuhan ng ama nito ang balita. Nangako siyang pag-uusapan nila ang tungkol sa kasal pagkabalik niya galing sa Bicol.

Sa Camarines Norte ang assignment ni Randy—sa liblib at puno umano ng kababalaghang lugar, ang Marciana. Dumaan lang siya sa bahay ni Mindy para magpaalam. Nagulat siya sa balitang buntis ito dahil nag-iingat naman sila pareho. Wala pa sa plano ang baby. Hindi na siya nagtanong pa, masasaktan lang ang babae sa pagdududa niya. Wala man iyon sa plano, sa ngayon ay gusto na niya ang baby. Ilang linggo lang naman ang pag-iimbestigang gagawin niya sa Marciana. Pagkabalik na pagkabalik niya ng Maynila ay ang kasal nila ni Mindy ang kaagad niyang haharapin.

Subalit ang isa o dalawang linggo na plinano niyang tapusin ang trabaho ay hindi nangyari. Mga pangyayaring hindi niya nagawang kontrolin ang sumunod. Hindi gaanong malinaw sa isip ni Randy ang eksaktong nangyari sa kanya. Basta ang natatandaan niya, nag-iimbestiga siya sa baryo at hinahanap si Mervin—ang estudyante na subject niya sa lugar, na ayon sa pamilya nito ay hindi na gustong bumalik pa ng Maynila sa hindi malinaw na dahilan.

Sa pag-iikot ni Randy para kumalap ng impormasyon, may mga babae siyang nakilala. Mga kakaibang babae na laging may mga dalang puting rosas tuwing nakakasalubong niya. Isa sa mga babaeng iyon—si Aliya—na binigyan siya ng rosas. Nakangiting tinanggap ni Randy ang bulaklak. Sweet gesture iyon para sa kanya.

Kinabukasan, ginusto na niyang makita uli ang babae. Hindi alam ni Randy kung bakit malakas ang urge niyang makita uli ito. Hinanap niya ang babae sa paligid. Hindi siya mapakali hanggang hindi niya ito nakikita. Hindi rin niya mabitawan ang bulaklak na mula sa babae. Ang nakikita ni Randy, ang magandang ngiti nito at kakaibang titig. Hindi na niya namalayan na sa halip na si Mervin ang hinahanap ay ang babae na—at natagpuan niya ito sa grupo ng mga kababaihan sa isang bahagi ng nayon.

Lahat ng mga babae ay magaganda, pero para kay Randy, ang babaeng nagbigay sa kanya ng bulaklak ang pinakamaganda.

Galak siyang sinalubong ng yakap ni Aliya nang naroon na siya. At nang hinagkan siya nito sa mga labi, mas tumindi ang naramdaman niyang epekto sa kanya. Hindi na niya gustong lumayo rito. Gusto niya laging magkalapit sila, na niyayakap at hinahagkan siya nito. Wala nang mas mahalaga pa para kay Randy kundi si Aliya.

Nang mga sumunod na araw ay ipinakilala na siya nito sa mga kaibigan. Ikinuwento ni Aliya sa kanya lahat ng kabutihang dulot ng samahan, at kung gaano binago ng pagiging miyembro ng umano ay espesyal na samahang iyon ang buhay nito. Lahat ng mga kuwento ng babae ay maganda. Lahat ay positibo. Naniwala si Randy. Nakita naman talaga niya kung paano nagtutulungan ang mga babae sa grupo. At sa pagtatapos ng bawat masayang pagtitipon, habang nag-uusap-usap sa ilalim ng maaliwalas na sinag ng buwan ay babalik si Aliya sa kubo nila, yayakapin siya at ibibigay ang halik na hinahanap-hanap niya.

Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon