MULA sa ilang oras na paglalakad sa gubat para maghanap ng ligaw na prutas at kumuha ng buko, nagtapos sina Randy at Luna sa dalampasigan. Pababa na ang araw nang mga oras na iyon kaya hindi na masakit sa balat ang init. Pareho silang pawisan pero hindi nila alintana ang pagod sa mahabang lakaran. Nag-enjoy siya ng husto. Pakiramdam niya ay nasa Marciana lang siya.
"O, inumin mo na 'to," si Randy. Inilapag nito sa isang tabi ang buko na tinapyasan at binutasan ng saktong laki para mainom niya ang sabaw. Bukod sa apat na buko na dala nito, nakakita rin sila ng ligaw na papaya na may nag-iisang hinog na bunga. Gamit ang kutsilyo na dala nito ay hinati sa apat ang papaya at tinanggal ang mga buto.
"Suwerte natin, hindi pa nakita ng mga bantay ang papayang 'to," marami nga silang nakitang mga ligaw na puno ng papaya na nagkalat sa gubat. Sa tingin ni Luna ay namumunga ang mga iyon. "Bago ako nalipat sa Maynila, dito ako naka-assign, paborito naming almusal 'to. Bago sumikat ang araw, nasa gubat na kami, naghahanap ng mga ligaw na papaya," nakangiting pagkukuwento ni Randy. "Si Ross, isa sa mga boss namin, mahilig sa papaya. Tatlong malalaking papaya, kaya niyang ubusin sa isang upuan lang."
"Malaking tao siguro siya," sabi ni Luna. Sinimulan na niyang uminom ng sabaw ng buko. Preskong-presko iyon. Matamis at masarap.
Tumango si Randy. "Pati girlfriend niya, nahawa sa kanya, papaya na rin ang paboritong prutas," inabot nito sa kanya ang dalawang hiwa ng papaya na wala nang buto.
"Salamat," sanay si Luna na kumain ng papaya na hindi gumagamit ng kahit ano kaya madali sa kanyang kainin iyon nang walang kutsara o kutsarita. Ilang segundo lang ay ubos na niya ang isang hiwa.
Nilingon siya ni Randy. Napangiti ito mayamaya. Lumapit hawak ang buko na iniinom nito. Umupo ang lalaki sa tabi niya at walang salitang nilinis ang sulok ng kanyang bibig gamit ang mga daliri.
Nagpapasalamat ang ngiti ni Luna. "Gusto mo pa?" ibinigay nito sa kanya ang natirang dalawang hiwa pa. Hindi niya tinanggihan iyon. Gutom na siya. Pero nang kakainin na ni Luna ang huling hiwa ay natigilan siya.
"Hindi ka ba nagugutom?" usisa niya kay Randy. Magkasabay silang kumain kaninang mga alas diyes. Hapon na ngayon kaya kung nagugutom siya, siguradong gutom na rin ito. Hindi birong pawis na rin ang inilabas ng katawan sa haba ng nilakad nila.
"Nabusog na ako," sagot nito at ngumiti. Parang sa kapapanood sa kanya nabusog. "Sige na, ubusin mo na 'yan."
"Ayoko namang gutumin ka," si Luna, dumikit siya rito at inilapit sa bibig ni Randy ang prutas. "Nganga na, dali!"
"Okay lang ako, Luna-"
Hindi na naituloy ni Randy ang sasabihin, hinawakan na niya ang baba nito at sapilitan niyang pinanganga. Natatawang pinagbigyan siya ng lalaki. Naubos nito ang isang hiwa ng papaya. Nilinis pa ni Luna ang sulok ng mga labi nito tulad ng ginawa sa kanya kanina.
Napapangiti naman si Randy habang ngumunguya at nakatitig sa kanya.
Hanggang sa lumubog na ang araw ay nasa dalampasigan pa rin sila. Wala silang partikular na pinagkuwentuhan pero hindi maubos-ubos ang pinag-uusapan na kung anu-ano lang. Nang ganap na lumiwanag ang buwan nang gabing iyon, tungkol na sa La Luna ang ikinukuwento ni Randy. Kung ano ang kaugnayan niya roon at kung paano ito napunta sa kalinga ng grupo.
Naging malinaw kay Luna ang ugat ng galit ni Randy...
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft