Two months later...
NAKANGITING nilingon ni Luna ang ama niyang si Papay Selmo. Nakaupo ito sa paboritong tumba-tumba sa balkonahe ng lumang bahay nila. Naroon ang ama lagi kapag ganoong oras-alas kuwatro ng hapon, ang oras ng 'meeting' niya sa mga paboritong bata sa nayon-para pagmasdan ang masayang kuwentuhan nila ng mga bata.
Pababa na ang araw nang ganoong oras kaya naman, masarap nang manatili sa ilalim ng mayayabong na puno sa bakuran nila. May mga benches sa bawat puno pero hindi nila ginagamit. Nakaupo si Luna sa kanyang tsinelas at napapaligiran ng mga bata. Tatlo hanggang limang taon ang edad ng mga batang kasama niya. Kusa siyang pinupuntahan ng mga bata para makinig sa mga kuwento. Bukod sa masayang story telling, tinuturuan rin ni Luna ang mga ito na kumanta ng alphabet, kilalanin ang mga shapes at color at isulat ang pangalan. Dalawang oras silang nananatili roon. Bago mag-ala sais ay sinusundo ng mga magulang ang mga batang 'bisita' niya.
Ang buhay kasama ng mga inosenteng bata ang bagong buhay ni Luna.
Kinawayan niya ang ama na ngumiti naman nang malapad. Nasa anyo nito na sinusuportahan ang bago niyang pinagkakaabalahan. Masaya si Luna na nakikita niyang masaya ang amang puti na lahat ng buhok pero bakas pa rin sa anyo ang kakaibang gaan ng aura, ang katibayan na tumanda ito nang walang anumang bigat na baon sa dibdib. Tumanda si Papay Selmo na kontento at masaya.
"Kumaway kayo kay Lolo Selmo, mga bata," nakangiting utos ni Luna sa mga batang nakapalibot na sa kanya at naghihintay ng bago niyang kuwento. Sabay-sabay na ngumiti ang mga ito at malakas na isinigaw ang "Hi, Lolo Selmo!" Sabay ang pagkaway sa ama niyang ngiting-ngiti naman, agad gumanti ng kaway.
Lumapad ang ngiti ni Luna. Hindi man nagsasalita ang ama ay alam niyang masayang-masaya ito na mga inosenteng bata na ang nakapaligid sa kanya. Hindi niya pinilit ang mga bata na lumapit. Noong una ay dalawa lang ang kakuwentuhan niya sa lilim ng puno sa bakuran nila, ang anak ng bagong lipat nilang kapitbahay. Pabalik-balik ang dalawang bata kapag ganoong oras at hinahanap siya para magpakuwento. Nang sumunod na araw ay naragdagan ng dalawa pa, naging lima, naging walo hanggang naging mahigit sampu na ang mga ito. Kahapon ay dumagdag ang ikalabing-pitong bisita niya, mag-aapat na taong gulang pa lamang ito at gustong-gustong nagpapakarga sa kanya.
Ayon sa ama, taglay niya raw ang malakas na charisma na wala ang ibang babaeng tulad niya. Kahit wala siyang gawin, talagang lapitin siya ng mga tao sa kanyang paligid. Napangiti si Luna nang sabihin ng ama na pati mga hayop raw ay gusto rin siya. Tama naman ito, hindi lang iisang ligaw na pusa at aso ang umuuwi sa lumang bahay. At kapag hinayaan niyang kumain ng isang beses, hindi na umaalis pa sa bakuran nila. Kaya naman ang resulta, pito na ang pusa nila, dalawa ang aso na hindi naman sa kanila.
Natutuwa si Luna sa mga dalaw niyang hayop. Hinahayaan lang niyang nasa paligid ang mga ito. Kapag naman nasa bakuran siya habang papasikat pa lang ang araw, habang nagdidilig siya ng mga bulaklak, nilalapitan siya ng mga paru-paru, naglalaro ang mga ibon sa itaas niya na para bang nagkakasiyahan. Hindi na siya umaalis. Pinapanood na niya ang mga ito hanggang lumakas ang sinag ng araw.
Napapansin ni Luna na kapag umalis na siya sa lugar, umaalis na rin ang mga ibon at paru-paru. Tinawanan lang niya ang ama nang sabihin nitong nasa kanya ang isang uri ng mahika.
"Wala na sa akin ang medalyon, Papay," naalala ni Luna na sagot niya minsang nasa balkonahe silang mag-ama at nagkukuwentuhan tungkol sa medalyon, sa sumpa ng ina niya at sa naging epekto noon sa kanya. Lahat ng impormasyon na malinaw sa kanya ay mula na sa bibig ng kanyang ama-sa isang detalyadong kuwento tungkol sa nakaraan nito at ng ina niyang si Iluminada. Sa La luna-ang samahan ng kababaihan na ayon rito ay itinatag niya, at ang mga aktibidades nila. Ang mga taong nadamay at maaring may galit raw sa kanya sa kasalukuyan, hanggang sa kung paano nito inilibing ang medalyon kasama ng mga pilak na batong iningatan nito. Ang paglilibing raw sa mga iyon sa burol kung saan nasunog ang bahay ng mga magulang niya at nagpakamatay ang kanyang ina ay para selyuhan ang sumpa nito-ang tumapos sa itim na sumpang nakabalot sa medalyon at umalipin sa kanya ng ilang taon.
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft