TAHIMIK lang si Luna habang nilalapatan ng yelo na nakabalot sa tela ang bahagi ng mukha ni Randy na may pasa. Nilagyan na rin niya ng gamot ang sugat nito. Tinotoo nga ng lalaki ang sinabing sasaktan si Zairo. Lumaban ang huli kaya nagkasakitan ang dalawa.
Paglabas niya, inaawat na ni Rigor ang mga ito. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin kay Randy na nasaktan dahil sa kanya.
Nanahimik na lang si Luna, dinaan na lang sa paglapat ng lunas sa pasa at sugat nito ang pagpapasalamat niya.
"Ako na," si Randy sa mababang tono kasunod ang pagkuha sa yelo.
Umiling si Luna, hindi ibinigay ang yelo.
"Hayaan mo na ako," sabi niya sa mahinang boses. "Ito lang ang magagawa ko para sa 'yo," nginitian niya ng tipid si Randy. "Salamat, ah?"
"Tigilan mo nga ang kakangiti diyan," asik ni Randy. Awtomatikong nabura ang ngiti ni Luna. Nasa anyo nito na naiinis sa ngiti niya pero napapansin naman niyang sinasulyapan siya lagi. Naguguluhan siya rito kaya hindi na lang niya pinapansin.
"Pati pagngiti, bawal na rin?" iyon ang unang reklamo na narinig nito mula sa kanya. Sa tingin ni Luna ay maari na niyang gawin iyon matapos niyang mapatunayan na hindi naman talaga masamang tao si Randy tulad ng ipinapakita nito sa kanya.
"Oo!" singhal nito. "Kung hind mo alam 'yan ang nagpapahamak sa 'yo! 'Yang ngiti mong 'yan, Luna!" Ang lakas ng pagkakasabi nito, sa anyo ay para bang dudukutin ang ngiti niya kung posible lang. "Kaya ka nahahalikan nang wala sa oras eh..."
Natigilan siya at napakurap-kurap. "Ano'ng sinasabi mo? Na dahil sa ngiti ko kaya...kaya ginawa ni Zairo ang kapangahasang iyon?" Anong kasalanan niya do'n? Kailan pa naging masama ang ngumiti sa kapwa?
Hindi umimik si Randy. Umisod siya rito at hinila ang manggas ng T-shirt nito. "Sagutin mo ako," pilit niya. Hindi pa rin siya nito tinitingnan. "Sige na oh? Randy!" Patuloy siya sa paghila sa manggas nito-sa manggas dahil hindi niya alam kung saan niya ito dapat hawakan.
Nagulat si Luna nang bigla nitong pinigilan ang mga braso niya, at sa isang iglap lang, magkalapat na ang mga labi nila.
Bumagsak sa pagitan nila ang yelong hawak niya. Hindi man lang nila naramdaman. Nakatuon ang buong atensiyon ni Luna sa mga labi nitong lumilikha ng masarap na sensasyon sa kanyang sistema.
Wala sa loob na napapikit siya nang magpatuloy si Randy sa banayad at maingat na paghalik sa mga labi niya.
Bakit ganoon? Sa halik ni Zairo ay hindi bumilis ang pintig ng puso niya? Hindi rin siya nakaramdam na tila nalulunod siya at lumulutang nang sabay-hindi niya maipaliwanag.
Kakaiba ang pakiramdam na iyon.Bagong pakiramdam na nagugustuhan na ni Luna.
Naramdaman niya ang paglayo ng mga labi ni Randy. Unti-unti siyang nagmulat. Mahigpit pa rin ang sapo nito sa mga braso niya at hindi rin pantay ang paghinga.
Nagtama ang mga mata nila.
"'Yan ang ibig kong sabihin na nagagawa ng ngiti mo," paos na sabi ni Randy, halos bulong na lang. "Kaya huwag mo na akong ngingitian uli, naiintindihan mo?"
Hindi siya nakasagot dahil mabilis pa rin ang pintig ng kanyang puso. At hindi pa nagbabalik sa normal ang pakiramdam niya.
"Tumingin ka sa mga mata ko, Luna, 'wag sa mga labi ko," mas malakas nang sabi ni Randy na pumukaw sa kanya. Saka niya napagtanto na nakatitig nga siya sa labi nito!
Napapalunok na nagbawi si Luna nv tingin. Nag-init ang buong mukha niya.
"B-Bitawan mo na ako," nauutal na sabi niya. "Nahulog 'yong yelo para sa pasa mo-" hindi na niya natapos ang pangungusap. Sa halip kasi na bitawan ang mga braso niya, hinila siya ni Randy palapit at idinikit nito sa sariling dibdib ang mga bisig niya.
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft