"MASAHEHIN mo ang buong katawan ko," iyon ang walang emosyong utos ni Randy kay Luna. Pagkapasok nito ay dumeretso sa kama at ibinagsak ang sarili. Ilang segundo siyang hindi nakakilos sa puwesto niya sa dulo ng kama.
Halos treinta minutos na siyang naroon sa silid pagkatapos niyang iligpit lahat ng kalat sa labas at sa kusina. Ramdam na ni Luna ang pagod pero pinipilit niya ang sariling labanan ang antok. Hindi pa sinasabi ni Randy na matulog siya kaya kailangan niyang manatiling gising.
Salamat naman at pumasok na ang lalaki. Akala niya ay pupuyatin siya nito bilang dagdag sa mga parusa. Totoo ang sinabi ni Luna
kanina lang tungkol sa epekto ng yakap sa kanyang ama pero bukod doon, niyakap niya si Randy kanina dahil kakaiba ang nabasa niyang damdamin sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya.Galit ito, alam niya pero kung tingnan siya ng lalaki, parang gusto siyang hawakan, parang labag sa loob nito ang pagpapahirap sa kanya. Nang oras na iyon, natiyak ni Luna na imahinasyon lang niya ang nakita.
Gustong-gusto ni Randy na pahirapan siya!
"Kilos na!" untag nito, malakas ang boses kaya napapitlag siya. Sadista nga yata ito.
Sa takot na baka hambalusin na siya nito ng unan kapag wala pa siyang ginawa, lumipat si Luna sa may ulunan ni Randy. Hindi niya alam kung saan niya unang hahawakan ang lalaki. Nakadapa ito sa kama, walang suot pang-itaas at basa pa ang buhok. Nasasamyo niya rin ang preskong amoy na masarap sa ilong. Lalo tuloy siyang hindi naging komportable.
Nag-angat si Randy ng ulo at tiningnan siya. "Ano? Tutunganga ka na lang?" Inis na sabi nito, salubong ang mga kilay habang nakatingin sa kanya.
Atubiling kumilos si Luna. Sanay siyang minamasahe ang tatay niya bago matulog pero iba ang sitwasyon ngayon-hindi niya kaanu-ano ang lalaking ito na ang lapad lapad ng balikat at likod!
Kung magpapatumpik-tumpik pa si Luna, sigurado siyang sisigaw na naman si Randy. Kailangang kumilos na siya bago pa tuluyang uminit ang ulo nito.
Nawala na ang antok ni Luna dala ng tensiyong namumuo sa kanyang dibdib. Hiling siyang sana ay hindi nito maramdaman na bahagyang nanginginig ang kamay niya.
Sumagap siya ng hangin bago inilapat ang mga kamay sa balikat nito.
Umungol ang lalaki nang mahina."Ang lamig mo ah," kaswal na puna nito.
Hindi siya umimik. Sinimulan ni Luna ang pagmamasahe sa balikat nito, pababa sa likod.
"Hindi ba dapat simulan mo sa ulo ko?" Reklamo nito nang parang hindi niya narinig ang sinabi. Hindi na siya umimik, sinunod lang ang gusto nito.
Nagsimula si Luna sa ulo. Hinilot niya ang noo at sentido nito. Pagkatapos ay bumaba ang mga kamay niya sa balikat at likod. Isinunod niya ang mga braso, at pang-huli ang mga hita at binti ni Randy. Nang matapos ay tahimik na siyang umalis sa kama para ayusin ang tutulugan niya sa sahig.
"Hindi ka pa tapos," sabi ni Randy na nagpalingon sa kanya. "Ulitin mo ang ginawa mo."
"Uulitin ko pa?"
"Ulitin mo nang limang beses pa."
Nalaglag ang panga ni Luna.
SA PANG-APAT na beses na pagmamasahe ni Luna, naramdaman na ni Randy na wala nang lakas ang mga kamay nito. Sa halip na minamasahe siya ay halos haplos na lang ang nagagawa. Patuloy pa rin ang babae sa 'paghaplos'. Dinig rin niya ang sunod-sunod na paghikab nito. Pinigil ni Randy ang sariling mag-angat ng ulo at bumaling rito. Sigurado siyang kapag nakita niya ang inaantok nitong anyo, patitigilin na lang niya, aalalayang mahiga sa kama at kukumutan pa niya-bagay na hindi niya dapat gawin. Ang pakay niya sa isla ay pahirapan ito, hindi ang mag-alala sa babae at alagaan ito.
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft