HINDI inaasahan ni Luna ang mga napasukan niya sa silid. Nasa ibabaw ng kama ang mga damit—kompleto hanggang panloob. Unang tingin pa lang niya sa mga iyon ay nahulaan na niyang nalabhan at puwede nang gamitin. Sa isang supot naman ay mga personal na panlinis sa katawan—sabon, tooth paste, tooth brush at iba pa. At sa isa pang supot, iba't ibang chocolates at candies naman. Hindi makapaniwalang sinipat niya uli ang mga iyon. Pero ang sabi ng lalaki, gagawin nitong miserable ang buhay niya?
Bakit may mga gamit? At may tsokolate pa?
Nalilitong napaupo si Luna sa gilid ng kama. Hindi niya maintindihan. Bakit hindi na lang siya itali ng lalaking iyon at ikulong sa isang madilim na silid habang ginagapangan siya ng mga ipis at daga? Nang sa ganoon ay maramdaman niyang talagang kinidnap siya para pahirapan, hindi ganitong pakiramdam niya ay bisita siya sa marangyang bahay.
Naguguluhan at nalilito na tuloy si Luna. Nakita niya naman sa kilos ng lalaki ang galit, pati sa mga mata nito kaya hindi niya maintindihan kung bakit kailangan siyang ituring na parang bisita?
Napatingin si Luna sa pinto nang biglang bumukas iyon.
"Lilinawin ko lang na hindi sa akin galing ang mga iyan," sabi ng lalaki, nakasilip ito sa kanya. "Kung ako lang ang masusunod, mas gusto kong sa labas ka matulog na nakahubad." Ang malupit na sinabi ng lalaki. "Pero hindi ko puwedeng gawin 'yon," tumingin ito sa itaas na para bang may hinanap. Ibinalik rin nito sa kanya ang mga mata. "Kung magpapalit ka ng damit, gawin mo nang mabilis. Marami akong ipapagawa sa 'yo." Kasunod na ibinalabag pasara ang pinto.
Napabuga ng hangin si Luna nang wala na ang lalaki. Kakayanin niya anuman ang gawin sa kanya. Susundin niya lahat ng gusto nito kung iyon ang kailangan para makabalik siya ng ligtas sa piling ng ama.
Mabilis siyang pumasok ng banyo at naligo. Mabilis rin ang ginawa niyang pagbibihis. Pagkatapos ay lumabas si Luna ng silid para hanapin ang lalaki—hindi pala niya kailangang hanapin ito dahil nakita niyang umaakyat na sa hagdan. Walang damit pang-itaas at pawis na pawis. Bitbit nito ang itim na bag.
Hindi siya pinansin ng lalaki. Dumeretso ito sa silid na pinanggalingan niya at ibinalibag pasara ang pinto.
Pagkalipas nang ilang minuto, lumabas rin ng silid ang lalaking galit sa mundo. Sa anyo nito ay mukhang nakaligo na. Naka-shorts na lang, wala pa ring damit pang-itaas. Bumaling ito sa kanya at umangat ang mga kilay. "Kung akala mo ikaw lang ang gagamit ng kuwartong 'yan, mali ka," walang emosyong sabi nito. "Naka-lock lahat ng ibang kuwarto sa bahay na ito. 'Yan lang ang bukas kaya 'yan din ang gagamitin ko."
Umawang ang bibig ni Luna. "Sa...Sa labas na lang ako—"
"Hindi puwede. Kailangang nababantayan ko ang mga kilos mo. Sa sahig ka matutulog, sa kama ako."
Hindi na umimik si Luna. Ano pa ba ang aasahan niya?
"Alipin kita mula sa gabing ito hanggang sa magdesisyon akong palayain ka. Ikaw ang magluluto ng pagkain ko, maglalaba ng damit ko, at mag-aayos ng mga gamit kong gusto kong ayusin mo. Ikaw rin ang maglilinis ng buong bahay. Hindi ka kakain hangga't hindi ko sinasabi. Hindi ka rin matutulog hangga't hindi kita pinapayagang matulog na. Naiintindihan mo?"
Tahimik siyang tumango.
"Umpisa na ng trabaho mo ngayong araw. Magluto ka ng hapunan. May presyo lahat ng gamit sa bahay na 'to kaya lahat ng masisira at mababasag mo, kailangan mong bayaran." Nilampasan na siya nito.
Kinakabahang tinawag ni Luna ang lalaki. Huminto ito at nilingon siya.
"Sanay akong magluto sa...sa kahoy eh, baka masunog ko ang bahay na kung...kung hindi mo ako tutulungan. Turuan mo muna akong gamitin ang mga gamit sa kusina." Lakas loob niyang pagde-demand.
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft