11. Espesyal Na Huling Araw

1K 34 15
                                    

KUNG hindi ang natatakot si Randy na tuluyang tangayin ng alon patungo sa laot, itinuloy na niya ang paglangoy papunta sa malalim na bahagi ng dagat para mas pagurin ang sarili.

Hatinggabi na nang sandaling iyon. Pinili niyang maligo sa dagat sa ilalim ng magandang sinag ng buwan kaysa bumalik sa beach house dahil hindi niya gustong makita si Luna habang ganoon ang pakiramdam niya—mapapahamak ang babae sa mga kamay niya kaya kailangang kumalma muna siya. Kailangang humupa muna ang nagwawala niyang hormones. Malakas ang self-control ni Randy pero pagdating kay Luna, tinatangay ng hangin lahat. Ngiti lang nito ay bumibigay na siya. Hirap na siyang pigilan ang sarili mula noong unang naglapat ang mga labi nila.

Kanina ay tinugon ni Luna ang halik sa paraang gusto niya. Bumilis ng husto ang tibok ng kanyang puso.  Pakiramdam niya, nabuhay lahat ng sensitibong bahagi niya. Lahat ng bahagi niyang nadikitan ng balat nito ay tila magbabaga anumang sandali. Pakiramdam ni Randy ay magliliyab siya sa init kung hindi siya titigil. Salamat sa security camera na naisip niyang nasa silid na iyon, naitulak niya ito at napilit ang sariling lumabas ng silid.

Saan na ba patungo ang buhay niya pagkatapos ng isang linggo sa isla?

Bukas ay huling araw na nila roon pero wala pa rin ang tawag mula sa boss na si Rance. Napagtanto niya na hindi talaga siya nito bibigyan ng assignment—pinagbigyan lang ang paghihiganting binanggit niya. At ang napala ni Randy sa pagpapasa sa iba ng kasalanan niya, nahuhulog siya sa babaeng inisip niyang may kasalanan ng lahat.

Paano na?

Unstable ang emosyon niya ngayon dahil sa pinagdaanan. Alam niya sa sariling hindi pagmamahal ang nararamdaman niya kay Luna dahil hindi ganoon kadaling mabubura ang nararamdaman niya kay Mindy. Halos isang linggo pa lang silang magkasama ni Luna kaya hindi siya naniniwalang malilipat rito ang damdamin niya nang ganoon kadali. At ano ang nararamdaman niyang iyon?

Marahas siyang nagmura at lumangoy uli nang pabalik-balik. Sana ay alam niya kung ano ang namumuong damdamin para kay Luna, ngunit hindi. Nalilito at naguguluhan rin siya. Pisikal na atraksiyon lang ang kaya niyang bigyan ng pangalan. Pero pisikal na atraksiyon rin ba ang rason kaya nagririgodon ang puso niya tuwing ngingiti ito at tititigan siya? Pisikal na atraksiyon ba ang dahilan kung bakit walang paliwanag na warmth ang hatid sa kanya ng yakap at halik nito?

Kung oo, dapat ay puro sa kama ang laman ng isip niya tuwing maiisip niya ang babae. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon. Madalas ay gusto lang niyang titigan ito, masaya na siya roon—tulad nang ginawa niya noong nagdaang gabi na nakatulog na lang ito sa sofa dahil sa pagod. Binuhat niya ito at dinala sa silid nila. Hindi na siya nagawang umalis dahil napatitig na lang siya sa loob ng mahabang sandali. At paggising niya kinabukasan, si Luna pa rin ang unang hinanap ng mga mata niya.

"Good morning sa 'yo," nakangiting bati nito sa kanya, inaantok pa ang mga mata habang nakaharap sa puwesto niya sa sahig. Segundo ang lumipas bago niya nagawang tugunin ang pagbati dahil tila saglit na nagsikip ang kanyang paghinga. Gandang-ganda siya sa bagong gising nitong anyo. Napagtanto niya na tama sina Zairo at Rigorr sa pagtawag rito ng 'diyosa'.

Napatigil siya sa pag-iisip at sa paglangoy nang marinig niya ang boses ni Luna na tinawag ang pangalan niya. Paglingon ni Randy sa buhanginan kung saan naroon ang mga hinubad niyang damit ay naroon nga ito, kumakaway sa kanya habang nakabalot sa katawan ang kumot.

"Diyan ka lang!" sigaw niya at ipinagpatuloy ang paglangoy. Hindi niya gustong umahon at samahan ito dahil sigurado siyang hahalikan na naman niya. Baka bumigay na ang kontrol niya nang tuluyan. Hindi kasama sa masamang katangian ni Randy ang gamitin ang isang inosenteng babae na nagtitiwala sa kanya, para punan ang pisikal niyang pangangailangan. Aaminin niyang hindi iilang beses sa isang araw na nakikita niya sa isip ang eksenang iyon sa pagitan nila, pero hanggang sa makamundong isip na lang niya iyon. Kung gagawin man, gusto niyang kapag sigurado na siya sa nararamdaman. Hindi niya kayang gamitin ng ganoon si Luna 'tapos ay basta na lang sila maghihiwalay. Hindi niya kayang gawin iyon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 10, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon