3. Unang Hakbang

563 39 102
                                    


NAG-AALALA na si Luna. Pasado alas once na ay wala pa ang kanyang ama. Nagpunta lang naman ito sa palengke sa bayan. Gusto niya sanang samahan pero ipinilit nito na sa bahay na lang siya. Ang sabi pa, makakabalik na bago mag-alas diyes.

Hindi sanay si Luna na nahuhuli sa oras na sinabi nito ang ama. Lagi na ay dumarating ang kanyang Papay bago pa man ang oras ng uwi nito na inaasahan niya. Ngayon lang nangyaring mahigit isang oras na siyang naghihintay.

Nagpalakad-lakad siya sa gitna ng sala. Nag-aalala na talaga siya. Biglang napatigil si Luna nang may kumatok sa pinto. "Papay..." Tinakbo niya ang pinto. Salamat naman at dumating na ito. Mabilis niyang hinila pabukas ang pinto—subalit dagling nabura ang ngiti niya nang hindi ang Papay niya ang nabungaran niyang naroon. Dalawang estranghero na matiim ang pagkakatitig sa kanya. Umatras siya kasabay nang sana ay pagsasara ng pinto. Maagap na napigilan ng isa sa dalawa ang paglapat niyon. Ang isa naman, mabilis na hinuli ang bisig niya.

Kinabahan si Luna. Nakaramdam siya ng panlalamig. Sa ginawa ng mga ito ay natiyak niyang siya ang pakay. Hindi naliligaw na dayo lang sa Marciana ang dalawang nagtatangkarang mga lalaki.

"Ikaw si Luna Mirabueno, tama?" tanong ng lalaking pumipigil sa bisig niya, pantay ang tono nito, walang emosyon, katulad rin ng blangkong mukha.

"A-Ako nga. Ano'ng kailangan n'yo sa akin?" Pilit tinatagan ni Luna ang boses. Nakasanayan na niya ang tahimik na buhay kasama ng mga bata kaya bago sa kanya ang nararamdamang panganib sa pagdating ng mga dayo.

"May kailangan sa 'yo ang isa sa mga kaibigan namin," anang isa naman. "Sumama ka na para makabalik rito nang ligtas ang ama mo."

Napasinghap si Luna. Nilukob ng takot ang puso niya. Kuhanin na ng mga ito lahat ng mayroon siya, isusuko niya lahat nang walang angal, huwag lang madamay ang mahal niyang ama. Ang pagmamahal niya sa kanyang Papay ang kahinaan ni Luna mula pa man. Bibitawan niya lahat kapalit ng kaligtasan nito. "Huwag n'yo siyang sasaktan, pakiusap..." Pagsamo niya, Namasa na ang sulok ng mga mata.

"Hawak ng isang kasama namin ang ama mo," ang lalaking may hawak sa bisig niya ang nagsalita. "Ibabalik lang namin dito nang ligtas kung sasama ka sa amin ng maayos."

Sunod-sunod ang pagtango niya. "Sasama ako. Sasama ako! Huwag n'yong sasaktan si Papay, nakikiusap ako..." Napapaiyak nang pagsamo ni Luna. Nagtinginan ang dalawang lalaki bago kumilos ang may hawak sa kanya. Hinila siya nito palabas ng bahay. Isinara naman ng isa ang pinto at saka humabol sa kanila. Dinala siya ng dalawa sa nakaparadang motorsiklo ilang metro ang layo sa bahay nila. Sinuotan siya ng helmet. Pagkatapos ay sapilitan siyang pinaangkas. Umupo sa likuran niya ang isa. Pinaharurot ng driver ang motorsiklo. Sa makipot na daan patawid sa kabilang bayan ang direksiyong tinahak nila. Paulit-ulit siyang umusal ng panalangin sa isip para sa kaligtasan nilang mag-ama.

Pagkalipas ng halos beinte minutos na biyahe ay nasa kabilang bayan na sila. Isang van naman ang naghihintay sa kanila. Doon siya inilipat ng mga kidnapper. Pinaharurot ng driver ang van. Hindi na alam ni Luna kung ano ang mangyayari sa kanya sa mga susunod na sandali pero pinilit niyang supilin ang takot. Inisip na lang niya na makakaligtas siya. Hindi siya maaano. O kung maging malas man siya, sapat na sa kanyang ligtas ang ama.

Paano nga pala siya nakakasiguro na hindi sasaktan ang Papay niya? Kailangang may pruweba siya!

"Gusto kong makausap si Papay," sabi ni Luna sa matatag na boses. "Gusto kong makasiguro na ligtas siya. Na wala kayong ginawang masama sa kanya."

"Kailangan mong magtiwala sa salita namin."

"Ano'ng ginawa kong kasalanan sa inyo? Saan...saan n'yo ako dadalhin?"

Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon