PUTING kulay ng kisame ang sumalubong sa mga mata ni Luna nang dumilat siya. Hindi siya kaagad kumilos. Nakiramdam muna habang nakatuon sa kisame ang mga mata. Nasaan siya? Ano'ng nangyari sa kanya? Nasaan na ang mga kidnaper niya?
Sa marahang kilos ay iginala niya ang tingin sa silid. Wala sa loob na napaupo si Luna nang pagbaling niya sa kanan ay makita ang sarili na nakahiga sa kama. Salamin ang nakapaligid sa kanya!
Anong lugar ba ang kinaroroonan niya?
Napahagod si Luna sa batok habang nakatitig sa sariling repleksiyon. Ilang oras ba siyang nakatulog matapos siyang turukan ng katabi ng kung anumang gamot iyon na nakapagpahimbing sa kanya?
Lumapit siya sa salamin, ilang segundong pinagmasdan ang sarili. Bahagyang magulo ang buhok niya kaya sinuklay niya iyon gamit ang mga daliri. Wala nang bakas ang baby powder. Hindi siya nagli-lipstick, natural na pinkish ang mga labi niya. Salamat naman at hindi pa halata sa anyo niya na nakidnap siya at sigurado siyang kalbaryo na ang mga susunod na oras para sa kanya-iyon ang alam niyang ginagawa sa mga taong nakikidnap.
Napabuntong-hininga si Luna. Wala namang kahit anong yaman ang Papay niya, bakit siya pag-iinteresang kidnapin ng mga dayong iyon? Alam niyang mga dayo ang bigla na lang sumulpot sa bahay nila dahil kilala niya kung hindi man sa pangalan ay sa mukha ang mga taga-Marciana. Sigurado siyang hindi taga-Marciana ang dalawang nagtatangkarang mga lalaking iyon. Sigurado rin si Luna na base sa istilo ng mga ito, hindi basta-bastang kidnaper ang 'sumundo' sa kanya.
Sa kinaroroonang silid ngayon, lalong tumindi ang hinala ni Luna na hindi dukha ang kung sinumang taong may pakana ng pagdukot sa kanya. Ang tanong: Ano ang kailangan sa kanya ng taong iyon?
Bigla siyang napabaling sa pinto nang bumukas iyon. Pumasok ang isa sa dalawang lalaking kasama niya sa van. May dalang tray ng pagkain ang lalaki.
"Kumain ka muna," sabi nito at inilapit sa tabi niya ang tray. "Fifteen minutes. Pagbalik ko, dapat tapos ka na."
"N-Nasaan ako?"
Hinagod nito ng tingin ang buong mukha niya bago sumagot. "Pribadong isla."
"Sasaktan n'yo ba ako o papatayin?"
Imposible naman na hihingi ang mga ito ng ransom sa Papay niya. Ang naiisip lang talaga ni Luna na gagawin ng mga ito sa kanya ay sasaktan o kaya ay papatayin. Ang mahirap lang, hindi niya alam ang dahilan ng mga ito para gawin iyon.
"Hindi ko alam. Hindi naman ako ang maniningil sa 'yo, eh."
"Maniningil?" Kinabahan si Luna. Kung ganoon, may kasalanan siya sa taong nagpakidnap sa kanya? Pero ano? "A-Anong kasalanan ko sa kanya?"
"Sa kanya mo na lang itanong," huling sabi ng lalaki bago lumabas ng silid. Pinilit na lang kumain ni Luna kahit hindi niya halos nalasahan ang pagkain dala ng kaba.
TAHIMIK na sumunod si Luna sa lalaking kumuha ng pinagkainan niya. Eksakto kinse minutos ang lumipas, binalikan nga siya nito. Kinuha ng lalaki ang tray at sinabihan siyang sumunod. Pagkalabas ni Luna, hindi niya napigilang balikan ng tingin ang silid. Namamangha pa rin siya.
"Umakyat ka sa taas," sabi ng lalaki sa kanya. "Pumasok ka sa ikalawang kuwarto. Magpakabait ka, Luna." Ang sinabi ng lalaki at tipid na ngumiti. Hindi siya nakapagsalita agad, napatitig lang sa lalaki. "Huwag kang masyadong magpapa-api, ha? Ingatan mo'ng sarili mo," at tumuloy na ito sa kusina.
Hanggang nakabalik na sa sala ang lalaki, hindi pa rin nagawang kumilos ni Luna. Ngumiti ito sa kanya at binitbit ang itim na bag na nasa sofa. Pagkatapos ay dinampot nito ang mga susi sa tabi ng bag nito. "Kailangan ko nang umalis-"
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft