NAPANGITI si Luna nang makita niya ang pagkagulat na bumadha sa mukha ni Randy matapos niyang ilapag sa harapan nito ang tray ng pagkain.
"Bababa naman ako para kumain," sabi nito. "Hindi mo kailangang dalhin dito 'yan"
"Dinala ko na kaya kumain ka na," sabi ni Luna at naupo sa kabilang dulo ng kama. "Hayaan mo na akong gawin 'to. Hindi ko nga alam kung paano ako hihingi ng tawad sa 'yo, eh. Parusahan mo na lang ako."
"Masahehin mo ako ng sampung beses mamaya."
Hindi siya naniniwalang sapat iyon. "Paano ko ba mababayaran ang kasalanan namin sa 'yo?"
"Yakapin mo ako tuwing nalulungkot ako, tuwing gusto kong saktan ang sarili ko dahil nagi-guilty ako na nawala ang baby ko, tuwing masama ang pakiramdam ko dahil pakiramdam ko wala akong kuwentang lalaki," huminga ito ng malalim, naghahalo ang sakit, pait at pagsisisi sa mga mata nito nang tingnan siya. "Na-realize ko ngayon na hindi lang si Aliya ang may kasalanan sa nangyari, ako rin—una, tinanggap ko ang bulaklak na bigay niya tulad ng pagtanggap ko sa paglapit niya habang may ibang babae na sa buhay ko at dinadala pa ang anak ko. Ikalawa, ginusto ko rin ang lahat. Hindi tulad mo, naaalala ko lahat ng mga nangyari sa akin sa Marciana, at nasa katinuan ako habang hinahagkan ko siya, pero pakiramram ko hindi ko ma-kontrol ang sarili ko nang mga panahong iyon. Mas gusto kong maniwala ngayon na wala talaga siyang ginamit sa akin na kung anuman. Naging mahina ako, bumigay ako sa panunukso niya kahit alam kong hindi dapat."
Tumingin lang siya rito.
"Dahil sa kahinaan ko, nawala ang baby ko at iniwan ako ni Mindy. Tama lang na iniwan niya ako. Dapat lang na mangyari ang dinaranas ko ngayon," Lumipat ito sa tabi niya at ginagap ang kamay niya. "Pero heto ako ngayon, sa halip na tanggapin kong ako ang nagkasala, naghanap ako ng ibang mapagbubuntunan ng galit at sisi, idinamay pa kita..." Mas bumakas sa mga mata nito ang pagsisisi.
"May kinalaman naman talaga ako sa nangyari sa 'yo," sabi ni Luna. Gusto niyang haplusin ang pisngi nito, pawiin ang nakikita niyang paghihirap ng loob. "Wala ang La Luna kung wala ako."
"Ikaw ang nag-utos kina Aliya na ibigay kami ni Mervin kay Maxine."
"Pero sabi mo, ginawa ko 'yon dahil may kapalit—ang alay sa liwanag, 'di ba?" Hindi pa niya lubusang naiintindihan ang lahat pero itatanong niya iyon sa ama niya pagkabalik sa bahay nila. "Ibig sabihin, makasarili ako. May kapalit ang pagpapalaya ko sa inyo."
"Hindi ka masama," iyon ang sinabi ni Randy. "Mas pinili mong iligtas ang tatay mo nang araw na naghiwa-hiwalay tayo. Iniwan mo si Neish sa kubo, kaya nailigtas siya ni Third."
"Sana ay natatandaan ko nang malinaw ang lahat..." Wala sa loob na napahagod si Luna sa sariling buhok. "Puwede bang sa susunod na makita mo akong nasa isang sulok, hayaan mo lang ako? Kailangan ko lang maalala ang lahat..."
"Paano mong gagawin iyon?"
"May kakayahan ang isip ko na wala ka," sabi ni Luna, at nginitian si Randy. "Mas malakas nga lang ang kakayahan ng isip ni Papay kaya nalimot ko ang mga bagay na ayaw na niyang ipaalala sa akin," hinawakan niya ito sa balikat at ipinihit para mas magkaharap sila. Tinitigan niya ito sa mga mata nang ilang segundo.
"Pumikit ka," nang-eenganyong bulong niya. Sinunod siya nito. "Palayain mo sa kahit anong isipin ang utak mo. Ako lang ang isipin mo, kasama mo ako sa isang magandang lugar. Puno ng bulaklak ang paligid, mabango ang simoy ng hangin, at naririnig mo ang nagsasagutang huni ng mga ibon...iyon lang ang naririnig mo, at ang boses ko. Ang boses ko lang ang pakinggan mo, Randy...Ang boses ko lang..."
"Ang boses mo lang..." mababang ulit nito. Sa marahang kilos ay inilapit niya ang bibig siya sa tainga nito.
"Dumilat ka na, wala ako sa lugar na 'yan, nasa tabi mo ako at hawak ko ang kamay mo..." unti-unti siyang dumistansiya. Hinuli niya ang tingin nito. Kumukurap-kurap pa rin si Randy, nasa anyo na nalilito sa realidad at sa imahinasyong binuo niya sa isip nito. Mayamaya ay niyuko nito ang magkahawak nilang kamay.
"Ano'ng ginawa mo sa akin?"
"Wala," sagot ni Luna. "Gusto ko lang mapahinga ang isip mo."
"May kakayahan ka pa rin na mapasunod ako kahit wala na ang silver necklace mo?"
"Hindi kita mapapasunod kung hindi mo ako hahayaaan. Kung tutol ang isip mo sa ginagawa ko sa 'yo, walang magiging epekto iyon. Sumunod ka kanina, dinala mo ang sarili mo sa lugar na sinasabi ko dahil gusto mo akong makasama sa magandang lugar na iyon, tama?" Saka siya ngumiti.
Tumawa si Randy nang magaan at mariing pinisil ang pisngi niya. "Mangkukulam ka," akusa nito. "Inosente at napakagandang mangkukulam."
Tumawa lang si Luna. Alam niya sa sarili na hindi siya ganoon. Espesyal lang siya, tulad nang madalas sabihin ng kanyang ama. "Gawin mo lahat ng gusto mong gawin sa akin, basta hahayaan mo rin akong gawin ito," inangat nito ang baba niya at siniil ng halik ang mga labi niya.
Awtomatikong pumikit si Luna at nagpaubaya. Ilang segundo siya nitong hinagkan na para bang tinuturuan siyang tumugon.
Tumutugon na nga siya sa halik nito nang mga sumunod na sandali. Natagpuan na lang niyang nakayapos na siya sa leeg ni Randy.
Kung may kakayahan siyang pasunurin ito gamit ang isip niya, natiyak ni Luna nang mga sandaling iyon na may kakayahan rin si Randy na pasunurin niya sa pamamagitan ng halik nito. Mas kontrolado siya nito dahil ramdam niyang habang tumatagal ang halikan nila ay tila lalo siyang napapasailalim sa isang malakas na puwersa na hindi niya kayang labanan. Pati ang matalas niyang isip ay walang magawa para tutulan ang nangyayari sa kanya. Gusto niyang madarang sa init ng halik nito, at magpakalunod sa masarap na pakiramdam.
"Luna..." anas nito at itinulak siya palayo sa sariling katawan. "Dito ka lang," paos na dugtong nito at mariin siyang hinagkan sa ibabaw ng ulo. "Sa baba ako kakain," parang napasong bigla siya nitong binitawan, mabilis na dinampot ang tray at walang lingon na lumabas ng silid.
Nakapikit na ibinagsak niya sa kama ang sarili.
Bakit nagkakaganito siya ngayon? Bakit sa isang halik lang nito ay parang magagawa na niyang kalimutan lahat?
Hinagod ni Luna ang dibdib na kumakabog pa rin...
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft