NAGNGINGITNGIT ng husto si Randy. Paano ba namang hindi? Sa dalawang araw na lumipas ay wala man lang siyang satisfaction na nakukuha sa mga pagpapahirap niya kay Luna. Inaalila na nga niya, parang nag-eenjoy pa na sundin ang lahat ng utos. Nakikita niyang nahihirapan, oo, pero hindi nagrereklamo ang babae. Sinusunod nito lahat ng utos niya na para bang gustong nagpapalipin sa kanya!Ipinaghahanda siya ni Luna ng pagkain tatlong beses sa isang araw. Pinaglilinis niya ng kuwarto at banyo na sinadya niyang dumihan. Pinaglaba niya ng damit at kung anu-ano pang kaliwa't kanang utos--na tinanggap nito lahat. Halos hindi na makaupo sa dami ng pinapagawa niya pero sige pa rin ito, hindi nagpapakita ng pagkapagod.
Sa kusina na nagluluto ang babae. Tinuruan niya si Luna—siyempre, paasik at pulos singhal ang bawat instructions, para hindi naman mahalatang gusto niyang matutunan nito ang paggamit sa mga iyon hindi para sa pagsisilbi sa kanya kundi para sa sarili rin nito.
Matamang nakinig si Luna sa mga sinasabi niya, napapapapitlag sa bawat pagtaas niya ng boses.
Kagabi, inutusan uli ni Randy si Luna na masahehin siya nang paulit-ulit. Tahimik nitong sinunod ang utos, hindi na siya tinulugan. Inutusan niyang matulog na lang nang siya na ang napagod sa pasinghal niyang pagpuna rito kahit tama naman ang ginagawa at nagiginhawahan siya. Mas nainis si Randy nang hindi na nito hinintay na kunin niya ang kumot. Ang babae na ang kusang nagbigay ng kumot sa kanya.
"O, 'yong kumot mo, baka lamigin ka," ang sinabi nito at kinumutan siya. Tahimik nang humiga sa sahig pagkatapos.
Pinigil ni Randy ang sariling humiyaw ng buong lakas. Inis na inis siya sa sarili na sa halip na si Luna ang nahihirapan, siya ang pinahihirapan nito sa sitwasyon nila.
Hayun, tulad ng naunang gabi ay ibinalik niya rin sa katawan ni Luna ang kumot dahil hindi siya mapakali sa puwesto habang iniisip na nilalamig ito buong gabi.
Marahas na bumalikwas siya ng bangon, lumabas ng silid na asar na naman mundo. Nayanig yata maging ang ibaba ng beach house sa lakas ng pagbalya niya sa pinto.
Ngayon, sa ikatlong araw ay hindi na niya alam kung anong pagpapahirap ang gagawin kay Luna para maging miserable man lang kahit kaunti ang mga natitirang araw nito sa isla. Nakakaasar talaga na nagagawa nitong hanapan ng positibong bagay ang bawat pagtatangka niyang pahirapan ito. Inaalila niya, nagpapasilbi siya—sa halip na mahirapan ay nasisiyahan pa, iyon ang narinig niyang sinasabi ni Luna kay Zairo habang magkausap ang dalawa sa bakuran kahapon.
Tinanong si Luna ng Amerikanong-hapones na iyon kung hindi ito nahihirapan sa mga ginagawa. Ngiting-ngiti pa nang sumagot, na masaya raw ito sa pagluluto ng pagkain nilang lahat.
Habang nagngingitngit siya sa labas ng silid matapos mag-walk out kagabi, nag-iisip na si Randy ng next set of punishment tasks na ipapagawa niya kay Luna. Pero inumaga na siyang gising ay wala pa rin siyang maisip. Kaya heto siya ngayon, nakaupo sa sahig ilang sentimetro ang layo mula sa pintuan ng silid nila.
"Good morning sa 'yo," bati ni Luna sa kanya paglabas nito ng silid at nakita siyang nakaupo sa sahig, parang talunang mandirigma. Kulang na lang ay sabunutan ni Randy ang sarili na hindi niya magawa ng tama ang lahat ng plinano niya. Tinapunan niya ng masamang tingin ang babae, nakatalikod na nga lang ito sa kanya. Patungo na sa hagdan. Nahulaan na niyang maghahanda na ng almusal.
"Bumalik ka nga rito, Luna!" marahas niyang sigaw. Awtomatiko namang napahinto ito sa paghakbang. Ang isa pa na ikinaiinis ni Randy, ngiti ito ng ngiti sa kanya na para bang mabuti ang trato niya rito.
Kung sana ay hindi maganda ang ngiti nito...
Pinigil niya ang sariling umungol nang malakas.
Binalikan siya nito sa marahang mga hakbang. "Ano'ng iuutos mo?" Hindi na ito nag-stammer kaya natiyak niyang hindi na nga natatakot sa kanya. Ang bilis naman nitong masanay sa mga singhal at sigaw niya. Nakakaasar talaga. Palpak talaga ang plano.
Natigilan si Randy mayamaya. May ideyang biglang naisip.
"I-shave mo ako."
"I-shave?" kumurap-kurap ito, tila hindi siya naintindihan.
"Shave," ulit niya, nakatutok ang tingin sa mukha nito. "Ahitan mo ako."
"Ahitan?" tila hindi ito makapaniwala na iyon ang iuutos niya. Lumapit pa ng isang hakbang sa kanya, yumuko at sinipat ang mukha niya. "Oo nga, may balbas at bigote ka na. Sige, aahitan kita," anito, at siya ang nagulat nang hawakan nito ang bisig niya at hinila siya pabalik ng silid. Sa tingin ni Randy, siya pa rin ang magkaka-problema sa second phase ng 'vengeance task' niya.
Pagdating nila sa banyo, pinigil niyang iuntog sa pader ang ulo sa inis. Sa tingin niya, wala talagang patutunguhan ang plano niyang pahirapan si Luna. Walang epekto rito ang mga ginagawa niya.
At nang simulan nitong ahitan siya, nasiguro ni Randy na siya na ang mas may problema—dahil habang tutok na tutok ang inosente nitong mga mata sa balbas at bigote niya, nakatitig naman siya sa bahagyang nakaawang na mga labi ni Luna. Papalakas ang urge niyang hagkan ito.
Awtomatikong tumigil si Luna nang mahigpit niyang sapuhin ang bisig nito.
Nagulat na napatingin sa kanya. "Hindi pa tapos—"
"Iwan mo na ako," mariing utos ni Randy sa mababang-mababang tono.
Napatitig sa kanya si Luna, halatang walang ideya sa nangyayari sa kanya. Tahimik na tumango ito at iniwan siya. Pagbaba ni Randy, naabutan niya sa kusina si Luna, kausap si Zairo at masaya ang kuwentuhan ng dalawa. Awtomatikong huminto ang mga paa niya nang makitang hinagkan ni Zairo ang babae. Nakaharap sa direksiyon niya si Luna kaya kitang-kita niya ang shock sa mukha nito matapos pakawalan ni Zairo.
Patakbong umalis ang babae sa kusina, halos mabangga siya nito pero hindi siya pinansin.
Nagtama ang mga mata nila ni Zairo. Tila nananadya pang nginisihan siya ng kasamahan bago ito naupo sa harap ng mesa at dinala sa bibig ang tasa ng kape. Pinigil niya ang sariling paliguan ito ng kapeng iniinom.
Pumihit si Randy para sundan si Luna. Nakalapat na ang pinto sa silid nila pero hindi iyon naka-lock kaya madali siyang nakapasok. Naabutan niyang nakasandal sa dingding ang babae at bakas sa anyo ang pagkabalisa. Nabasa niya ang pagkalito at takot sa mga mata nito nang biglang tumingin sa pinto nang buksan niya iyon.
"O, ano'ng problema mo ngayon? Hindi ba inaakit mo ang mga unggoy na iyon? Ayos na. Natikman mo na ang halik no'ng isa. Ano'ng drama mo ngayon?" Malupit siya, alam ni Randy. Kailangan niyang maging malupit kay Luna para mapigilan niya ang sarili, dahil nang mga sandaling iyon na parang lost child ito na nasa isang sulok, gustong-gusto niyang abutin at ikulong sa mahigpit niyang yakap. 'Tapos ay ibubulong niya rito na wala itong dapat ikatakot dahil hindi niya naman pababayaan.
"Hindi ako mababang uri ng babae," usal ni Luna sa halos basag na boses. Nang magtama ang mga mata nila ay nakita niyang nagbabadya ang mga luha nito. Parang may dumaklot sa puso ni Randy sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. Sa tatlong araw na nakalipas na inaalila niya ito at pinapahirapan, hindi niya nakitaan ng ganoong anyo, ni hindi ito naluha o umiyak. Kaya naman, hindi siya handa sa mga luha ni Luna. "Nakikipagkaibigan lang ako sa kanila..." Tumulo na ang mga luha nito. Kaagad na tinuyo iyon ni Luna na para bang nainis ito sa sarili na umiiyak. "Hindi pala ako dapat nagtitiwala ng...ng ganoon kabilis..." Sa mabilis na pagkilos ay nakapasok ito sa banyo. Isinara ni Luna ang pinto at narinig niya ang paglagaslas ng tubig. Nahulaan na ni Randy na umiyak ang babae sa loob. Para wala siyang marinig na tunog ay binuksan nito ang gripo sa loob.
Kinatok niya ito nang malakas. "Luna, buksan mo 'to!" Utos niya. "Luna!" Mayamaya ay marahang bumukas ang pinto—at tumambad sa kanya ang namumulang ilong at mga mata nito. Tumingala si Luna, pilit ngumiti sa kanya, halatang gustong itago ang pag-iyak. Bago pa niya napigil ang sarili, hinila na niya ang braso nito at niyakap an babae.
Ramdam ni Randy ang pagkabigla ni Luna sa ginawa niya pero mayamaya, naramdaman niyang umiiyak na ito sa dibdib niya.
"Shhh. Alam kong hindi ka mababang uri ng babae. Huwag ka nang umiyak," Natagpuan ni Randy ang sariling sinasabi iyon. "Tahan na. Sasapakin ko si Zairo para sa 'yo."
Nilukob ng init ang puso ni Randy nang hindi nagpakita ng resistance si Luna. Nag-relax ito sa yakap niya at mayamaya ay naramdaman niyang niyakap na rin siya nito habang sumisinghot-singhot pa.
Pagbaba niya pagkalipas ng ilang minuto, inupakan nga ni Randy si Zairo. Lumaban ang gago. Nasaktan na nila ang isa't isa bago umawat si Rigorr.
BINABASA MO ANG
Lovefinder Postscripts: Randy & Luna (Heart's Revenge)
RomanceUPDATED EVERY THURSDAY Lovefinder book 14 Randy & Luna story Unedited First draft