2006
Sanay na ako sa presensya ni Keon simula kinder. Nagkakahiwalay lang yata kami tuwing matutulog na. Madalas kasi kahit sa pagkain, magkasama pa kami. Kaya hindi ko naisip na pwedeng magka-crush ako sa kanya.
We are close. Sobrang bait niya sa akin kahit madalas kaming mag-asaran. Hanggang sa lagyan na lang ng mga kaklase namin ng malisya ang simple naming relasyon.
Ang mga kaibigan ko mismo ang nagsabi na halatang may gusto daw kami ni Keon sa isa't sa.
Sa araw-araw na pambubuyo nila, ayan tuloy... natuluyan akong magkagusto sa kanya. Lahat ng dini-describe nilang signs na in love ako sa best friend ko, talagang tugma!
Una, hindi normal ang paghinga ko kapag malapit siya. Literal na parang kailangan ko ng oxygen tank kapag kasama siya. At napapansin iyon ni Keon kaya nga isang araw, bigla na lang niya akong niregaluhan ng inhaler. Akala niya, hinihika ako.
Pangalawa, palagi kong nahuhuli ang sarili kong nakatitig sa kanya. Madalas, pati siya nahuhuli kong nakatingin sa akin. At kapag nangyayari 'yon may nararamdaman akong maliliit na paru-paro sa sikmura ko.
At panghuli, naiinis ako sa mga babaeng tahasang nakikipaglandian sa kanya. Palibhasa hindi siya kagaya ng ibang mga lalaki sa school na malisyoso. Inosente ang best friend ko at hindi niya nakikita na may interes sa kanya ang mga babaeng nagbibigay sa kanya ng kung anu-ano. Kasi para sa kanya, these girls are just being nice.
Iyon ang madalas naming pag-awayan lately. Katulad ngayon.
"Galing na naman yan kay Riza?" nakataas ang kilay na puna ko habang nasa sala kami ng bahay nila. Kadarating ko lang dahil nagbihis pa ako ng pambahay. Kinakain na niya ngayon ang cake na binigay ni Riza.
"Oo. Kumain ka na." sabi niya saka itinulak ang isang platitong may cake.
"Ayoko nga n'yan. Baka mamaya may gayuma pala 'yan."
"Grabe naman 'yang imagination mo?! Bakit naman magkakagayuma 'to?"
"Hello??? Obvious kaya na gusto ka nu'n! Ikaw naman si tanga, tanggap ng tanggap ng bigay niya!"
Halatang nagulat siya sa sinabi ko. "Teka lang, tinawag mo ba akong tanga?"
"Oo. Bakit? Ikaw na lang hindi nakakaalam na crush ka ni Riza. Hindi lang ako sigurado kung wala ka talagang alam o kayo na!"
Bigla siyang napahalukipkip. Hindi man siya nagsasalita, halata sa mukha niyang napipikon na siya sa akin. At iyon ang isa sa mga bagay na gusto ko sa kanya. Kaya niya akong pagpasensyahan.
"Nakakaasar na kayong tingnan sa school. Hindi naman kayo bagay!"
"Alam mo, kung nireregla ka 'wag mo akong idamay sa init ng ulo mo! Bakit mo naman naisip na kami na ni Riza? May pruweba ka?"
"Kailangan pa ba nu'n? Halata kaya sa mukha mong enjoy na enjoy ka sa cake?!"
Napabuntong-hininga siya. "Kumalma ka. Imposibleng maging kami ni Riza dahil may gusto na akong iba."
Nang sabihin niya 'yun, biglang bumilis ang tibok ng puso ko. At ang lakas ng kutob kong ako ang babaeng tinutukoy niya na gusto niya. Lahat din kasi ng mga signs na gusto ako ni Keon, na sinabi ng mga kaibigan ko, sakto rin sa mga kilos ni Keon.
Madalas, nagkukunyari siyang nakatingin sa iba kahit huling-huli na siya sa akto. Hindi rin yata kumpleto ang araw niya kung hindi niya ako napipikon. May mga pagkakataon din na nakikita ng mga kaibigan ko kung paano ako alagaan ni Keon.
Kaya lahat kami, sigurado ng ako ang gusto niya.
So, I waited patiently. Ang sabi kasi nila, mas gusto ng mga lalaki na sila ang nanliligaw. Kaya tahimik kong inalagaan ang feelings ko hanggang sa mag-third year kami.
Mas lalo ko yata siyang minahal dahil duon.
Wala mang kumpirmasyon na gusto din niya ako katulad ng nararamdaman ko para sa kanya, naging sapat ang mga effort niya para manatiling siya ang gusto ko.
"Baka kasi naghihintay lang din siya ng tamang tiyempo." iyon ang palagi kong naririnig kay Maricel. Iyon pa rin ang kongklusyon niya sa paglipas ng tatlong taon.
"Three years na siyang naghihintay ng perfect timing. Hindi kaya, hindi talaga ikaw ang gusto niya?" gusto kong sakalin si Sandra dahil sa sinabi niya pero si Lily na ang gumawa no'n.
"Ano ka ba?! Obvious naman si Keon e. Sure akong may plano si Keon. Malay mo, ngayong JS Prom maging kayo na?"
Napahagikhik kami apat dahil sa ideya ni Sandra. Gusto talaga nilang maging kami na ni Keon, palibhasa ako na lang sa aming apat ang hindi pa nagkaka-boyfriend.
Palagi kasi nilang kinukwento ang mga nobyo nila at ako lang ang palaging hindi maka-relate. Pero mukhang dito na nagtatapos ang pagiging single ko dahil mas lalo naming nakumpirma na gusto din ako ni Keon nang ako ang yayain niyang maging kapareha sa prom. Wala siyang ideya kung gaano ako kasaya ng araw na iyon.
Isang buong araw, bago ang petsa ng prom, ang ginugol ko sa pagpa-practice kung paano ko siya sasagutin ng oo.
Dahil siya ang first boyfriend ko, at anong malay ko kung siya na rin ang last, kailangang maging memorable kung paano ko siya sasagutin para naman maganda ang maiku-kwento namin sa mga magiging anak at apo namin. hihihi...
Pinaghandaan ko din ang damit ko.
Alam ko namang bagay kami ni Keon sa isa't isa kaya hindi na ako nagulat nang makuha namin ang atensyon ng lahat sa pagpasok pa lang namin sa ballroom hall ng school.
Nagsimula na ang sayawan nang bigla akong dalhin ni Keon sa sulok ng hall. "Kaili, may sasabihin ako sa'yo."
Iyon pa lang ang sinasabi niya, nagwawala na ang puso ko. Tatanungin na ba niya ako kung gusto ko siyang maging boyfriend? "Ah..." napalunok ako. "Ano 'yun?"
He took a long pause. Nang ibubukas na niya ang bibig niya para magsalita, biglang inagaw ni Riza ang atensyon ng lahat. Nakakainis talaga ang babaeng 'yon!
"Excuse me everyone. Let me just make an important announcement." biglang tumahimik ang paligid at ang lahat nang mata namin, naka-focus sa kanya. "Okay, game." excited na sabi niya. "Gusto ko lang mag-ingat ang mga girls kay Keon Angeles. Hindi ako tumayo dito sa harap niyo para lang siraan siya. Ayoko lang talaga na may ibang babaeng iiyak na tulad ko dahil lang sa isang BAKLA."
Pagkarinig ng lahat sa sinabi ni Riza, kay Keon naman tumutok ang mata ng lahat.
May mga humusga, may mga tumawa. Iba-ibang reaksyon ang binigay ng lahat hanggang sa tumakbo na lang paalis si Keon.
Nakita ko pang tumawa si Riza bago siya napababa sa stage ng mga teacher. I hate her so much! Pero imbes na gantihan siya, inuna ko ang pagsunod sa best friend ko. Totoo man o hindi ang sinabi ni Riza, alam kong kailangan ako ni Keon.
BINABASA MO ANG
GayXGirl Series 4: It's Mine [COMPLETED] Published by PaperInk Publishing House
RomansaBe careful what you wish for, lest it come true! -Aesop Start: 27 May 2020 Finish: 22 June 2020 All rights reserved © 2020 It's Mine written by Suzie Kim