Tula Ko para sa Iyo

15 3 6
                                    

Nakatayo ako kasama ang aking mga kasamahan
Nang makita kita sa harap ng isang paaralan.
Paulit-ulit na isinisigaw ang inyong ipinaglalaban,
Habang may karatulang mahigpit na hinahawakan.

Unang beses pa lang kitang nakita,
Pero hindi ko maggawang pigilan ang sarili na titigan ka.
Kahit nakakunot ang noo mo, ikaw pa rin ay maganda,
Ano pa kaya kung ikaw ay ngingiti na?

Ang puso ko ay biglang tumibok nang malakas.
Hindi dahil sa aking nararamdaman na pilit umuusbong pataas,
Kundi dahil sa kaba nang may nagtapon ng bote nang walang-habas.
Kaya biglang nagkaroon ng malaking komosyon dito sa labas.

Sumuong ako sa gulo habang hawak ang isang riot shield,
Pinipigilan ang mga kasama mong nanlalaban sa gilid.
Nakita kong ika'y napahiga dahil sa bato na hindi mo batid.
Ikaw ay nadadaganan kaya hindi makatayo nang matuwid.

Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin
Para ikaw ay lapitan at harapin.
Inilahad ko ang aking kamay sa hangin,
Pero tinapunan mo lang ako nang isang masamang tingin.

Hindi ako nag-alinlangang hapitin ang iyong bewang,
Pinipilit na itayo kahit ang mga mata'y naging matapang.
Ito lang ang tanging paraan para ikaw ay mailigtas lamang,
Sa mga kasamahan kong tumatakbo na parang mga hunghang.

Dahil sa nangyari sa araw na iyon
Sa iyo na nakatuon ang aking atensyon.
Nagpakilala ako at sinubukan kang ligawan nang isang taon,
Pero ang puso ko ay palagi mo na lang ibinabaon.

Nangyari ang isang hindi inaasahang himala.
Binigyan mo ako nang pagkakataon para ikaw ay makilala.
Ang aking nararamdaman ay unti-unting lumalala
Nang malaman ko ang iyong pagmamahal sa ating bansa.

Ako ay lubusang naging masaya noong ikaw ay nagtapat.
Sinabi mo sa akin, "Mahal na kita, Matt."
Sa Diyos lubos ang aking pagpapasalamat.
Iniisip na ang swerte ko dahil nakuha ko ang perlas sa dagat.

Sa bisig ko, ikaw ay ikinulong,
Pero 'di ko inasahan na ang sasabihi'y may karugtong.
Nag-uunahan ang aking mga luha noong ikaw ay bumulong,
"Pero mas mahal ko ang ating bansa kaya ipaglalaban ko 'to kahit saanman hahantong."

Tungkulin ko ang protektahan ang gobyerno,
Dahil isa akong sundalo na may sinumpaang pangako.
Tungkulin mo ang ilabas ang baho nang mga pulitiko,
Dahil isa kang aktibista na may matapang na puso.

Mahal, ang sarili ko'y hindi ko na ipagpipilitan.
Hindi ko gustong ikaw ay nahihirapan.
Hindi rin naman ako mananalo sa ganitong labanan,
Na ang kaaway ko ay ang inang-bayan.

Kaya kong isuko ang sarili para sa iyo,
Pero alam kong hindi mo kayang isuko ang sarili para sa katulad ko.
Mahal kita, Malou,
Pero mas mahal mo ang bansang ito.

Sana tatandaan mo ang pangalan ko
Ang taong nagmahal sa'yo nang tapat at buo
Ang mandirigmang sa labanan ay hindi tumatakbo palayo
Pero para sa'yo, susuko ako sa digmaang ito.

Itatak mo sa iyong isip at puso
Iniibig kita, sinta ko.

-Matt

Ang kabalyero mong babantayan ka pa rin sa malayo, kahit walang tayo.

Kaleidoscope of Emotions Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt