Agosto 10, 2016 ang petsa kung kailan nagsimula ang buhawi nang aking buhay, pero isa lang iyong patikim kumpara sa baril nang kamalasan na kumalabit sa gatilyo nang aking pagkatao noong Agosto 3, 2019. "People of the Philippines versus Cecilia," ani nung isang babae. At, nagtanong ang isang abogado, "Ikaw ba ang pumatay sa kanya?"
"Ma, may kailangan po kaming bayaran sa iskul. Pwede po bang manghingi ng pera?" rinig kong ani ng aking kapatid habang nagsusuklay ako sa maliit naming kwarto. Kaming tatlo na magkakapatid at si mama ang nagsisiksikan sa loob kapag gabi.
"Para saan naman 'yan?" problemadong tanong ni mama.
"Para daw po sa... ano... sa t-shirt namin para sa intrams."
"Hindi naman mahalaga ang ganyang bagay. Huwag ka na lang bumili. Gastos lang."
"Pero, ma, wala daw pong makukuhang dagdag na puntos kapag hindi bumili. Kapag ganoon, ma, baka bumaba po ang marka ko."
Lumabas ako sa kwarto at nagsuot ng sapatos para komportable akong maglakad papunta sa pinagtatrabahuan ko.
"Edi pag-igihan mo pa ang pag-aaral para kahit papaano ay malaki ang iskor mo kahit hindi bumili niyang t-shirt na iyan. Hindi naman 'yan importante."
"Ako na pong bahala, ma. Para sa pag-aaral niya naman 'yan," singit ko sa kanilang dalawa habang nakatingin kay mama. Alam kong hindi talaga matitibag ang desisyon niya. Bulag kasi ang nanay ko sa katotohanan na ang pag-aaral ang makatutulong para makaahon sa kahirapan. Kaya nga pinatigil niya ako noong hayskul pa lang ako. Wala akong magawa eh.
"Mabuti pa dahil ang dami ko pang utang na dapat bayaran." Hawak ni mama ang kanyang sentido habang nagluluto ng biko. Hindi ko maipagkakaila na pumapayat na si mama. Wala na si papa... sumakabilang-bahay. Mas pinili pa niyang pakainin ang ibang pamilya niya kaysa sa amin.
"Salamat, ate," sabi ni Jessy kaya nginitian ko na lang siya. Ipinagpatuloy niya ang ginagawang pagbabasa.
"Oo nga pala.. Nasaan ang Ate Linda mo? Anong oras na oh!?" tanong ko kay Jessy dahil iisa lang naman sila ng paaralan.
"Baka meron pa pong tinapos sa iskul." Nagkibit-balikat siya kaya tumango na lang ako.
"Alis na 'ko." Lumabas ako ng bahay at naglakad patungo sa aking pinagtatrabahuan. Hindi siya ganoon kalapit pero mas makakatipid kapag naglakad lang. Sayang naman ang otso pesos. Pwede na yung pandagdag para sa gastusin sa bahay. Gabi na rin naman kaya hindi ako mamamatay dahil sa init. Makalipas nang halos dalawampung minuto, nakarating na rin ako at dumiretso sa locker room para kumuha ng damit.
"Oh! Nandito ka na pala, Cecilia. Magbihis ka na. Marami nang customer sa labas. Aasikasuhin mo lang ang mga nasa table. May nagbayad na pala sa'yo para bukas! Mayaman!"
Hindi ko na pinahaba ang usapan. Nagpaalam na ako sa kanya at nagbihis sa loob ng banyo. Lumabas na rin ako para maglagay ng make-up. Nang handa na ako, pumasok na ako sa loob ng club at bumulaga sa akin ang malakas na dagundong ng mga speakers, iba't-ibang kulay ng ilaw, at mga taong nagsasayawan at nag-iinuman.
Pumupunta ako sa kahit kanino para magbigay serbisyo. Ang gagawin ko? Sa totoo lang, wala. Wala akong ginagawa kundi hayaan ang mga lalaki na haplusin at hawakan ang kahit saang parte ng aking katawan. Sa bawat halik na kanilang iginagawad ay ang pag-iyak ko sa aking kaloob-looban. Sa buhay, hindi pwede ang isang mahina. Kung naging mahina ka, unti-unti kang lalamunin sa mabagsik na apoy ng buhay.
Madaling-araw nang matapos ako sa aking trabaho. Pwede kaming maligo sa loob ng banyo kaya 'yun ang ginawa ko para maalis ko ang dumi sa aking katawan... kahit alam kong hindi na kailanman mawawala ang dumi na aking nararamdaman para sa sarili. Nang matapos, nagbihis na ako at umalis na para makauwi sa bahay. Naglakad na naman ako ulit. Mabuti naman at wala akong nakasalubong na mga lasenggo sa madidilim na eskinita.
ESTÁS LEYENDO
Kaleidoscope of Emotions
De TodoDifferent poems Different essays Different short stories Mixed with various emotions