"Apollo, I'm not kidding. Wait for me in Chiang Mai." ang sabi ni Jan sa kanya.
Nagising si Apollo at halos napaatras sa upuan nang magulat sa malakas na ugong ng tren. Napanaginipan niya si Jan at ang kanilang huling pagkikita bago siya umalis ng Bangkok. Bahagya niyang inilabas ang ulo sa bintana habang ang hangin ay malakas na humahampas sa kanyang mukha. Pumikit siya at ilang segundong hinayaang matangay ng hangin ang kanyang mga iniisip.
Pasado alas-dose ng tanghali nang tumigil ang tren sa Phitsanulok. Pagbaba ni Apollo sa tren ay naghanap muna siya ng makakainan dahil matindi na ang nararamdamang gutom. Halo ang mga lahi ng kanyang kasabay sa paglalakad - mga lokal at mga turista mula sa iba't ibang panig ng mundo.
Sa isang maliit na kainan nananghalian si Apollo. Um-order siya ng pad kra pao.
Hinugot niya mula sa bag ang isang sando, shorts, tsinelas at sumbrero. Nagpalit siya ng damit habang hinihintay ang pagkain. Tirik na tirik ang araw at pinagpapawisan siya sa suot na kagabi niya pang saplot.
Nasa mesa na niya ang pagkain nang makabalik siya roon. Nginitian niya ang nagluto nito bago simulan ang tanghalian. Halos wala pang sampung minuto ay nasimot na niya ang laman ng pinggan. Bago magbayad, um-order siya ng nom yen at nagtanong kung saan ang bus station. Itinuro sa kanya ng tindera ang pinakamalapit na sakayan ng tuk tuk na magdadala sa kanya sa sakayan ng bus.
"Just tell tuk tuk driver - bus station to Sukothai." ang sabi sa kanya ng tindera habang itinuturo ang daan.
"Khob khun mak krub." ang pagpapasalamat ni Apollo.
Isang beses pa siyang kumaway dito bilang paalam. Mas magaan ang kanyang pakiramdam ngayong manipis na ang telang suot. Nakapaloob sa sumbrero ang mahaba't kulot na buhok. Mabilis silang nagkaintindihan ng tuk tuk driver nang sabihin dito ang destinasyon.
Isang oras ang itinagal ng kanyang biyahe mula Phitsanulok papuntang Sukothai. Pagkababa niya ng bus ay muli siyang sumakay ng tuk tuk papunta sa hostel. Ang kanyang napiling tirahan ay malapit sa lugar na gustong bisitahin sa probinsyang ito - ang Sukothai Historical Park. Nasa tapat ng isang police station ang hostel at may malapit pang convenience store dito.
Sinipat niya muna ang lugar pagbaba ng tuk tuk. Para itong isang luma at tradisyonal na bahay sa Thailand. Pawisan siyang pumasok sa malamig na lobby. Isang malakas na "Sawasdee ka!" ang kanyang natanggap mula sa nakangiting receptionist. Pinagdaop niya ang kanyang mga palad at yumuko bilang tugon.
Ibinaba ni Apollo ang bag at ipinakita sa receptionist ang booking confirmation at passport. Mabilis ang proseso at agad siya nitong inihatid sa kanyang kwarto na nasa ikalawang palapag. Umingit ang kahoy na hagdan nang umapak siya rito paakyat.
Sa halagang 400 baht o around 600 pesos ay nakakuha siya ng isang solo room na may air-con. Meron siyang maliit na veranda kung saan tanaw niya ang kalye sa harap ng hostel. Nahaharangan lang ang kanyang view ng makakapal na cable wires at poste. Pero maluwag ang kwarto at malambot ang kama.
BINABASA MO ANG
Wait for Me in Chiang Mai
RomantikHe gave up his seat in exchange for an upgrade in the next flight. What comes next is a chance he never saw coming.