Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Inakbayan ni Grant si Apollo habang inaayos nito ang buhok pagkalabas nila sa coffee shop. Naglakad-lakad sila habang walang imik sa isa't isa. Pinipisil ni Grant ang balikat ni Apollo at idinidiin nito ang katawan palapit sa kanya.
"I feel so honored that you let me hear your story. You deserve to be happy, Apollo." ang sabi ni Grant sa kanya.
"Thanks, Grant."
"Do you mind if we just walk back to the hostel? I feel like enjoying the streets at night." ang sabi ni Apollo bago saglit na ihilig ang ulo sa dibdib ni Grant.
"That's what I was about to ask you. Let's go. I wanna try those butterfly pea mango sticky rice! I think they only have it here." ang sabi ni Grant.
Ipinagkatiwala ni Apollo kay Grant ang direksyon sa gabing iyon. Kasama niya itong tumawa at sumubok ng kung ano-anong pagkain mula sa maliliit na stalls sa Chiang Mai pero lumilipad ang utak niya sa nakaraan.
Binagtas nila ang kahabaan ng ilog na nagsisilbing border ng Old City hanggang sa makarating sila sa night market. Saglit na iniwan ni Grant si Apollo sa isang mesa habang ito ay nag-iikot para maghanap ng pagkaing gustong matikman.
Hinayaan niya ang sarili na bumalik saglit sa nakaraan:
La Union - 2014
Isang buwan na siya sa La Union. Nakatapos na siya sa film school at nakagawa na siya ng dalawang short films. Napagdesisyunan niyang manatili sa San Juan at mamasukan bilang isang barista sa isang coffee shop na dinudumog ng mga turista lalo na kapag weekends at holidays habang patuloy na nagsusulat ng script. Kumuha rin siya ng ilang online gigs para makatulong sa gastusin. Shaved ang buhok sa gilid ng kanyang ulo habang kulot naman ang makapal na buhok sa tuktok. Lagi siyang naka-manbun para hindi sagabal sa trabaho.
Hindi inasahan ni Apollo na magiging espesyal ang weekend na iyon. Masakit na ang kanyang mga paa dahil ilang oras na siyang nakatayo at gumagawa ng kape para sa mga turistang kakarating lang galing o babalik na ng Maynila.
"Apollo, pa-call out naman ng drinks, please. Banyo break lang ako saglit." ang sabi ng isang kasama.
Nakatalikod si Apollo sa mga tao dahil siya ang taga-pull ng espresso. Matapos magawa ang isang latte, humarap siya at tiningnan ang pagkakasunud-sunod ng mga orders na hindi pa nakukuha sa counter. Isa-isa niyang isinigaw ang order at pangalan ng mga tao.
"Two cappuccinos and one mocha for...!" ang sigaw niya. "...Erjan." Bigla siyang napabulong nang mabasa ang pamilyar na pangalan sa screen.
Biglang bumilis ang kabog ng kanyang dibdib. Nagpalinga-linga siya at hinanap niya si Jan sa loob ng kapehan. Siksikan at maraming mukha ang kanyang nakikita pero napatigil siya nang masilayan si Jan na nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan sa labas ng coffee shop.
Halos dalawang taon na simula nang magkakilala sila sa Thailand. Hindi siya nasundo ni Jan sa airport nang umuwi siya dahil may lipad ito nang araw na iyon. Hindi pa sila ulit nagkita sa Pilipinas pero naging tuluy-tuloy naman ang kanilang komunikasyon ilang buwan matapos silang makapaglibot sa Thailand. Pero unti-unting nababawasan ang oras nila sa isa't isa. Nawalan ng gana si Apollo dahil hindi magtugma ang kanilang mga schedule at hindi nila magawang magkita ulit. Ngayon lang niya ulit nakita si Jan matapos nilang maghiwalay sa labas ng Marriott Hotel sa Bangkok.