ANGELICA POV
Dahan-dahan akong naglalakad at sinusundan sina papa. Nakababa na ang aming sasakyan sa lupa at hangga't maari ay pilit kong binabagalan ang aking paglakad habang hinihiling na sana lumipad na ang sasakyang ito at bumalik sa mundo ng mga tao.
"Angelica" tawag sa akin ni papa kung kaya't tuliro akong lumingon sa kanya at binilisan ang pagkilos sapagkat binigyan na ako nito ng makahulugang tingin.
"Mukhang hindi komportable ang iyong anak sa akin rama" natatawang saad ni Lucas na ngayon ay nakatingin sa akin na naging dahilan upang ayosin ko ang aking tindig at pilit na ginagawang normal ang aking mga kilos. Hindi ko maintindihan kung bakit pagkatapos ng nangyari kanina ay may mukha pa rin itong naihaharap sa akin habang ako ay nais ng magpalamon sa lupa sa tuwing nakikita ko ang presensya niya. Marahil ay sanay na siya na may humahalik sa kanyang mga labi, hindi na kataka-taka.
"Pagpasensyahan mo na lang ang anak ko Lucas, mahaba-haba rin ang panahon ang pagtira namin sa mundo ng mga tao kaya siguro naninibago pa" nakangiting saad ni papa kung kaya't tumango-tango si Lucas habang binibigyan ako ng nanunuksong tingin na naging dahilan upang taasan ko ito ng kilay.
"Nanibago? Wala bang ganito kagwapo sa mundo ng mga tao rama?" tango-tangong saad nito habang nakangising nakatitig sa akin na ikinatawa ni papa.
"Hindi ka pa rin nagbabago Lucas hahaha hangin pa rin ang nasa bibig mo hahaha" natatawang saad ni papa habang tinatapik tapik ang balikat na Lucas. Taas noo na lamang akong umiwas ng tingin, sasayangin ko lamang ang aking lakas kung pag-aaksayan ko pa ng panahon ang isang katulad niya tsk. Nang marating namin ang dulo ay napaayos ako na lamang ako ng tindig sapagkat unti-unting bumubukas ang pinto at bumungad sa akin ang paghaplos ng sariwang simoy ng hangin.
"Welcome home Angelica" nakangiti ngunit seryosong usal ni papa ngunit hindi ko na lamang ito pinansin sapagkat hindi ako nasisiyahan sa aking pagbabalik. Bumungad sa akin ang malaparaisong tanawin, nasa isang malawak na lupain kami na natataniman ng kulay berdeng damo na may maliliit na bulaklak. Ilang hektarya ang lawak ng lupaing kinatatayuan namin, sa hindi kalayuan natanaw ko ang mga kulay asul at kulay puti na puno na nakapalibot sa kapatagan at nang iangat ko ang aking paningin ay doon ko natanaw ang palasyo ng iba't ibang kaharian. Sa kanan ay nangibabaw ang malatoreng kaharian ng Armania, sa kaliwa naman ay ang kulay puti na kaharian ng Siemen habang ang nagigibabaw ay ang palasyo ng Xeria na may kulay puti na hinaluan ng ginto. Pinangunahan ni Lucas ang paglalakad pababa sa sasakyan na agad na sinundan ni papa na naging dahilan upang sundan ko rin ito. Taas noo kong iginala ang aking paningin at doon ko napagtanto ang pinagbago ng Sedus. Mas dumami ang mga puno. Hindi katulad sa mundo ng mga tao ang aming planeta, di hamak na mas maunlad ang kanilang pamumuhay kaysa sa Sedus. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi pa nila pinapaunlad ito.
"Anong pakiramdam mahal na haleya? Nakita mo ang ganda ng Sedus hindi ba? Lalo na kapag mukha ko ang— Mahal na haleya!" Tawag nito sa akin nang taas noo ko itong iniwan at sinabayan na lamang sa paglakad si papa sapagkat wala akong panahon para pakinggan ang mga kahanginan niya.
"Magbigay galang ka sa mama mo Angelica" dinig kong utos ni papa na naging dahilan upang kumunot ang aking noo.
"At bakit ko naman gagawin 'yon?" Nagtatakang tanong ko kung kaya't huminto ito sa paglalakad at deretso akong tinitigan.
"Dahil magulang mo siya" saad nito at halata sa kanyang tono na nauubusan na ito ng pasensya kung kaya't bumuntong hininga na lamang ako. Taas noo kaming nagpatuloy sa paglalakad, wala na sa amin ang nagtangkang magsalita hanggang sa marating namin ang nakahelirang kawal. Matikas ang mga tindig nito, diretso lamang ang kanilang mata at wala sa kahit na sino sa kanila ang nag-abalang tapunan kami ng tingin. Tulad ni Lucas ay nakasuot din ang mga ito ng long black coat at metal na boots habang nakasabit sa tagiliran nila ang espada na hawak ng kaliwang kamay nila.
