NAGTUTULAKAN pa sina Rafi, Maki, Charry, Dani at Kwini kung sino ang unang papasok sa loob ng bahay ng manghuhulang na-kontak nila. Hindi naman nakakatakot ang bahay, maluwag pa nga ito at may kalakihan dahil si Rafi ang may ideya at siya ring nagpa-hanap ng "magaling" na manghuhula para ikonsulta ang sumpa sa kanila. Nagpasama siya sa dalawang malapit na kaibigan dahil baka kailanganin niya ng sasalo sa kanya kung sakaling himatayin siya sa anumang maririnig.
"Anong maipag-lilingkod ko sa inyo?" Tanong ng matandang manghuhula sa kanila habang hindi tumitingin at patuloy sa pag-aayos ng mga baraha. Naabutan nilang nakaupo ito sa harap ng isang maliit at bilog na mesa na may bolang kristal sa gitna at may mga tarot naman sa gilid. Dinaig pa nito si Rafi sa dami ng burloloy sa katawan, may pula itong balabal at tila kakaiba ang haba ng mga kuko nito.
"May oras pa tayo para umurong dito...umalis na tayo!" Pigil na bulong ni Kwini sa mga kaibigan.
"Kung kelan nandito na tayo tsaka pa ba tayo uurong? Saglit lang 'to." Hikayat ni Rafi bago nagpatiunang maupo sa tapat ng manghuhula. Nagka-titigan sina Dani at Kwini bago tuluyang sumunod.
"Manang, may gusto lang akong itanong sa 'yo tungkol sa mga sumpa kasi-"
"Sumpa. Nandito kayo dahil isinumpa kayo, at masasabi kong hindi lang isang simpleng sumpa iyon." Naiusal ng matanda saka sila tinapunan ng makahulugang tingin.
"G-gusto ho naming malaman kung effective nga 'yong pagkaka-sumpa sa 'min." Sabi ni Maki.
"Kahit kaninong sumpa ay makapangyarihan, basta may sapat na lalim ng galit. Anong klase ba ng sumpa ang dumapo sa inyo?"
"Hindi daw kami liligaya kailanman!" Bulalas ni Kwini. Matamang nag-isip ang matanda, "Sino at bakit naman kayo susumpain ng ganoon? May ginawa kayong hindi maganda."
Nagtitigan ang lahat bago bago alangang nagsalita si Rafi, "Well, isang matandang hindi naming kilala ang nagbitaw ng sumpa pagkatapos naming masira ang kasalan sa isang simbahan."
"Pero hindi namin sinasadya, akala kasi namin ay kakilala namin ang mga ikakasal!" Depensa ni Charry.
"Sinadya man o hindi ay nanggulo pa rin kayo sa isang kasalan, sinira niyo ang seremonya kaya siguradong iyon din ang hihinging kabayaran sa inyo."
"Anong ibig mong sabihin?" Hindi napigilang tanong ni Dani.
Dinuro sila ng manghuhula, "Sa loob ng tatlong buwan, bago sumapit ang Super Moon, kailangang maikasal kayong lahat!"
"At anong mangyayari kung hindi kami maikasal?"
"Magaganap ang sumpa, hindi na kayo liligaya kailanman!" Naging malagom at matalim ang tono ng pagsasalita nito.
"Tatlong buwan?! Ni wala akong dyowa!" Bulalas ni Rafi.
Kinabig ni Maki si Rafi na nasa tabi nito, "Tara na, kailangan nating sabihin 'to kina Salve." Matapos noon ay nagsi-tayuan na sila, "Sige ho manang, mauuna na kami. Salamat." Nangangatal na paalam ni Kwini at saka lumabas ng bahay, nanguna si Dani kasunod ng iba pa.
"Sigurado ka ba sa mga pinag-sasabi mo kanina? O baka naman tinatakot mo lang kami?" Suspetsya ni Rafi sa manghuhula habang nasa may pintuan siya palabas. Ngumiti ang matanda, "Hindi ka naniniwala? Alam mo bang sa inyong lahat, ikaw ang dapat na magmadali? Hindi magiging madali sa 'yo ang lahat dahil sa mga pinag-sasabi mo sa sumumpa sa 'yo."
Namutla si Rafi, paanong nalaman nito ang pagtataray niya sa sumumpa sa kanila? Hindi niya ipinahalatang nagulat siya, mabilis siyang umalis papunta sa sasakyan niya kung saan naghihintay sina Kwini at Maki.
Sa pagkakataong iyon, kumbinsido na siya na totoong pagpapakasal ang magiging solusyon sa sumpa sa kanilang magkakaibigan.
BINABASA MO ANG
Cursed Brides Series: My Second-Option Groom (published under PHR)
RomantizmDahil sa katarayan, naisumpa si Rafi, kasama ang limang kaibigan. Ang tanging solusyon para mawala ang sumpa ay ang makasal sila bago sumapit ang phenominal Super Moon. Sa sobrang pagkadesperada, pati online dating site ay pinatos na ni Rafi. Pero l...