11 - Not Crying
"Yuan! Yuan!"
Halos maibuga ni Kevin ang kapeng iniinom niya dahil sa malakas na sigaw ng humahangos na si Gibo noong pumasok sa bahay nilang mga kabataan. Maging si Mariz ay napakunot ang noo at sinenyasan itong hinaan ang boses.
"Natutulog pa." Isinenyas ni Kevin ang katabing dalaga na nakasandal pa din ang ulo sa lamesa.
Napatayo ang dalawa noong hindi sila pinansin ni Gibo. Dire-diretso itong lumapit kay Yuan at walang ano-anong niyugyog ang natutulog na dalaga.
"Yuan, gising! Yuan!"
"What the hell is your problem?" Namamaos pa ang boses, kunot-noong umayos ng upo si Yuan. Bahagya pa siyang tumingala dahil hindi maimulat ng maayos ang inaantok na mga mata.
"Yuan, ang lolo mo!"
Nagkatinginan na lamang sina Kevin at Mariz noong biglang nawala si Yuan sa kanilang paningin. Nauna pa ito kay Gibo na lumabas ng kanilang bahay. Awtomatikong napasunod din silang dalawa.
Ang lahat ng matatanda sa ikalawang bahay ay nasa loob ng kwarto na ginagamit nina Manong Jules. May iilan ding sundalo, kabilang na si Sergeant Soriano, ang naroon. Umiiyak na sina Lucia at Henry habang pinapanood si Dr. Vergara na pulsuhan ang tila natutulog lamang na si Antonio. Kahit ang mga kasamahang guro ni Leanne ay naroon katabi si Mara, pansamantalang iniwan ang mga batang natutulog pa. Maging si Fidel ay tahimik sa isang tabi.
"W-What happened?" nanginginig ang boses na tanong ni Yuan habang inililibot ang tingin sa kanyang nadatnan.
"Nauna pa siyang gumising sa akin. Pinupunasan niya pa nga 'yong baseball bat ni Warren," ani Manong Jules. Bakas ang matinding kalungkutan sa boses niya. "Bumaba lang ako saglit, pagbalik ko hindi na siya humihinga."
Napaawang ang mga labi ni Yuan. Dahan-dahan niyang ibinalik ang tingin sa kama at sakto namang bumuntong hininga ang matandang doktor na naroon. Pinanood niya itong tumingin sa mga magulang niya at dahan-dahang umiling.
"Sinasabi ko na nga ba." Naagaw ang atensyon ng lahat noong biglang damputin ni Fidel ang baseball bat ni Warren na nasa sahig. Tila nabitawan iyon ni Antonio noong mawalan na ito ng malay. "May sumpa ang bat na ito."
Agad na naikuyom ni Yuan ang magkabila niyang kamay. Alam niya ang ipinaparating ni Fidel. "At sinasabi ko ring ihahampas ko 'yan sayo kung hindi mo 'yan bibitawan."
"Yuan..." Tila nagulat pa si Lucia na noon lamang napansing naroon ang kanyang anak.
Malakas ang ginawang ingay ng bat noong bumagsak iyon sa sahig dahil sa sobrang taranta ni Fidel. Bagamat naniniwala pa din sa kanyang Panginoon, hindi na rin nawala sa kanya ang takot sa mga kabataang gustong gumanti sa kanya. Napapikit na lamang siya noong humakbang si Yuan patungo sa kanyang direksyon.
"Kukuhanin ko lang yung bat," walang emosyong sabi ni Yuan noong lingunin ang pinakamatalik na kaibigan na mahigpit ang kapit sa braso niya. Pakiramdam niya ay pinipigilan siya nito na sugurin si Fidel.
"Yuan..." Hindi na nakapagsalita si Mariz noong lumabas ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Wala siyang pakialam kung hampasin man nito o hindi si Fidel. Baka nga unahan niya pa itong saktan ang lalaki. Malayo ang issue na iyon sa dahilan kung bakit niya hinila ang kanyang bestfriend.
Napuno na ng iyakan ang silid ngunit hindi pa din inaalis ni Mariz ang tingin sa pinakamatalik niyang kaibigan. Lumaban din ito ng titig na para bang iyon lamang ang paraan para hindi nito makita ang dahilan ng kalungkutan ng lahat. Lumipas pa ang ilang segundo at hinila na ni Mariz ang dalaga pababa sa unang palapag ng bahay na iyon. Ni hindi niya pinansin ang pagtawag sa kanila ni Kevin.
BINABASA MO ANG
2025: The Second Half
Science Fiction⚠️TW: Violence, Depression, Suicide She's still Yuan Ignacio and she still cares. Already got more than enough of the thrill she had always sought for, the 20-year-old girl with the biggest heart continues to risk her life for everyone until the zom...