ILANG kate-text na ni Andie kay Tara at sa ama nito, sumubok na din siyang tumawag, walang sagot.
"Jillian, bakit patatlong araw nang absent si Tara?" tanong ni Andie sa pagsisimula ng klase niya.
Umiling ang bata. "Hindi ko po alam, Ma'am Andie. Hindi pa po kami nagkakausap ni Tara, eh. Baka po nagkasakit."
"Nag-text ka na ba sa kanya simula nung isang araw?"
"Hindi pa po," sagot ng bata. "Pero bihira naman po yung mag-load, Ma'am. Lagi naman yung wala sa mood."
Malungkot niyang sinimulan ang discussion para sa araw na iyon.
"You will have to excuse me, class, if I get a bit distracted during our discussion, okay? Masakit lang ang ulo ko. Migraine."
Sumisingit sa isip niya ang mag-ama kahit sa kalagitnaan ng discussion ng klase. Hindi niya maiwasan na labis mag-alala na bigla na lang nag-missing in action ang dalawa.
Ang cellphone ni Ethan ay patay. Ang kay Tara naman, kahapon lang niya nataunan na naka-on.
Napapatulala siya sa harap ng buong klase.
"Ma'am, okay ka lang ba?" tanong ng isa niyang estudyante.
"Kanina pa po nakasagot ng mali si Tomas, hindi kayo nagre-react," sabi ng first honor niya.
"Sorry, sorry," tarantang saad niya. "Yes, you're wrong, Tomas. What's the correct answer, Paula?" Wala na uli siyang narinig pagkaimik.
"Ma'am Andie?" untag ng mga estudyante niya.
"Yes, yes, you're right, Paula," kahit wala siyang maalala kung ano ang pinag-aaralan nila.
Naaaning siya kaiisip kung ano ba ang nangyari sa kanila ni Ethan noong gabing iyon sa bahay niya. Ibinigay niya ang lahat dito, walang itinira. Ano ang kahulugan niyon para sa lalaki?
Maaaring wala.
Naiiyak siya. Dinurog nito nang mas durog pa ang puso niya kaysa noong break-up nila ni Raymart.
"Ma'am Andie!" bulalas ng ilan sa mga mag-aaral niya nang makita na dumadaloy na ang luha sa mga pisngi niya.
"S-Sorry, class." Nagpunas siya ng luha.
May tumayong isang lalaking estudyante at inabutan siya ng isang mini-pack ng Kleenex. "Ma'am, huwag ka na munang magturo. Umupo ka muna d'yan, magpahinga ka."
"Yes, Ma'am, oo nga," halos sabay-sabay na sabi ng buo niyang klase.
Nang mapaupo nga siya sa desk, sumubsob siya at tuluyan nang pinakawalan ang pagbuhos ng luha.
"Masama ang migraine ni Ma'am Andie ngayon," narinig niyang bulung-bulungan ng mga estudyante.
"PUNTAHAN mo kaya sa Maugat ang mag-ama," payo ni Diane. "Hindi 'yang nagkakaganyan ka."
Hindi na ito umuwi sa kanila, kundi ay nagpasyang samahan siya sa magdamag. Mahirap para kay Andie na magtapat sa matalik na kaibigan, pero alam niya na labis-labis na ang pag-aalala nito sa nangyayaring pagbabago sa kilos niya.
"May excuse ka naman," pagpapatuloy nito. "Three days nang absent si Tara, at hindi sila makontak. Responsibilidad mo as a teacher na kumustahin ang estudyante mo sa residence nila."
Bahagya nang gumaan ang pakiramdam ni Andie sa maghapong iyon. Mabuti at ang matalik na kaibigan niya ay palaging dumadamay sa kanya. Kahit noon pang college days, kung kailan nangyari ang mabibigat na trahedya sa buhay nia, karamay na niya ito.
"Salamat, Diane," aniya. "You're the best."
"I know that." Tinapik-tapik nito ang balikat niya. "Kaya cheer up. You have the best bestfriend."
Indeed she did.
"Sa tingin mo ba, kung may meaning man lang ang nangyari sa amin ni Ethan, iiwas na lang ba yun nang basta-basta lang?"
"Hello, Bes. Nung ilang araw mo siyang iniwasan, 'basta-basta' lang din ba yun? May malalim kang dahilan, diba? Malay mo, ganun din si Mr. Pogi."
"Aminin ko na lang kaya sa sarili ko na hindi yun big deal sa kanya, at kaya siya nag-sorry sa akin, eh, dahil hindi naman niya sinasadya ang nangyari."
Inalakbayan siya ng kaibigan. "Bes, pinahihirapan mo ang sarili mo sa kung anu-anong assumption, eh. Samantalang puwede naman kayong mag-usap. At para hindi kung anu-ano ring tukso 'yang pumasok sa isip mo 'pag kaharap siya, isipin mong hindi okay ang kondisyon niya ngayon, at ikaw, teacher ka, dapat extra-lawak ang pang-unawa mo. Issue din 'yang pinasok mo, ha. Baka nga sa mga oras na 'to pinagtsitsismisan ka ng mga co-teachers natin, eh."
"Naman..."
"Hello, Bes, tatay siya ng estudyante mo. Piyestang-piyesta sila sa landian n'yong 'yan 'pag nagkataon."
Napailing si Andie. "Ang hirap, Diane..."
"Ganun talaga." Hinagud-hagod nito ang likuran niya. "In love ka, eh."
Napasimangot si Andie.
"Ang hirap kasi sa 'yo, Bes, ang rupok mo, eh. Naalala ko, first week pa lang na nanliligaw sa 'yo si Raymart, in love ka na agad. Kaya next time, bagal-bagalan mo. Ang hina ng defenses mo sa pogi, Bes."
Gusto niyang sabihing ibang-iba ang naging damdamin niya kay Raymart noon, kaysa sa nararamdaman niya kay Ethan ngayon.Ni hindi maiikumpara.
Pero isang mapait na pagtawa na lang ang naisagot ni Andie sa kaibigan.
"Kung bukas at absent pa rin si Tara, puntahan mo na sa kanila," sabi ni Diane. "Baka nagkasakit si Tara, o kung ano man. Teacher ka, responsibilidad mong alamin 'yan."
BINABASA MO ANG
Oh, My Ma'am!
RomanceTara was Teacher Andie's favorite student. Nanghihinayang siya sa potensiyal ng bata dahil matalino man, mukhang hindi ito maayos na nasusubaybayan ng mga magulang. Then she met Tara's father, Ethan Rodriguez. She saw how broken a man he was, dahil...