= THE ALPHA =July 17
Sigrid's P.O.V.
"RAON! PAGSISISIHAN MO ANG GINAWA MO!!" Halos mapaos na ang binata sa kasisigaw ngunit tila wala na itong pakialam kahit na maubusan pa siya ng boses. Hindi na niya alam ang gagawin matapos mawala ang nag-iisang babaeng minahal at mamahalin niya ng panghabang-buhay.
Wala sa sariling pinagmasdan niya ang bughaw na langit na nasa kanyang harapan, mababakas ang kalungkutan mula sa mga mata nito. Maging ang kanyang luha ay tila nagtaksil sa kanya dahil hindi na tumigil ang mga ito sa pagbuhos.
Dinig na dinig ang malakas na hampas ng alon sa ilalim ng malaking tipak ng lupa na kanyang tinatapakan. Tila hindi nito alintana ang nakalululang tanawin dahil sa sakit na nararamdaman.
Papalubog na ang haring araw at nananatiling kalmado ang paligid, taliwas sa nararamdaman ng binata.
"Patawarin mo ako... Patawad kung hindi kita... nailigtas," bulong niya sa sarili.
Saglit siyang napangiti matapos masilayan ang tuluyang paglubog ng araw at ang unti-unting pagdilim ng paligid, hudyat na may darating na ulit na panibagong bukas. Isang panibagong araw kung saan wala na ang babaeng naging inspirasyon niya sa nakalipas na siyam na taon, ang mga taon na utang niya sa dalaga.
Bigla ay naalala niya ang pangarap niya noon na mamasdan ang nakabibighaning senaryong ito kasama ang nag-iisang dalaga na kanyang sinisinta. Hindi pa rin tumitigil ang kanyang malakas na paghikbi.
Napatahimik siya at dahan-dahang napayuko matapos makaisip ng isang ideya. Ideyang nagmumula lamang sa isang desperadong tao na katulad niya.
"S-sa palagay ko ay mas m-makabubuti pa para sa akin na..." Tila may bumara sa kanyang lalamunan at hindi na kinaya pang bigkasin ang bagay na nasa kanyang isip.
Dahan-dahan niyang binunot ang kanyang tabak mula sa lagayan nito na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang lubos ang panginginig ng kanyang mga palad. Tuluyan na siyang hindi nakapagsalita nang mapagtanto na ito ang tanging alaala ng sinisinta sa kanya.
"Mahal ko, nakatatawang isipin na ang mismong sandata na iyong ibinigay sa akin ang siya ring aking gagamitin upang paslangin ang aking sarili," pahayag niya makaraan ang ilang minuto.
Mapait ang kanyang naging ngiti nang mapansin ang simbolong nakaukit sa talim ng kanyang tabak, isang espada na tila nakatusok sa isang buwan. Malinaw sa kanyang nga mata ang simbolong iyon kahit na lubos pa rin ang panginginig ng kanyang mga kamay. Maging ang kanyang tuhod ay tila nais nang bumagsak senyales na hindi na rin nito nanaisin pang lumaban sa mundo kasama niya.
"Kung hindi na kita makakasama pa..." Hinugot na niya ang natitirang lakas upang sambitin ang nais niyang turan.
"Ika'y akin na lamang susundan... Magkikita na tayo..." Saglit niyang inilibot sa paligid ang mga mata na tila kinakabisado ang mundong minsang kumupkop sa isang ulila na kagaya niya.
Ilang sandali pa ay dahan-dahan na niyang ipinikit ang mga matang babad sa luha at sa huling saglit ay inalala ang mukha ng kanyang minamahal. Buong-buo na ang pasya ng binata kaya't inipon na nito ang lahat ng kanyang lakas upang itarak sa sarili ang sandatang nasa mga kamay. Nawalan ng balanse ang kanyang katawan at bumulusok ito patungo sa nagwawala na ngayong karagatan.
BINABASA MO ANG
The Tale of Astro
Mystery / ThrillerJoin Sigrid Canary Von Scottz, a girl who's born as a magnet of tragedies, as she unveils the secrets of the past in order to find the true meaning of life. Given her experiences, will she be able to finish narrating Astro's tale until the end? T...