11. Talk

30K 1.4K 443
                                    

Lancer Trinidad

"Kamusta ang kompanya niyo, Raego? Rinig ko ay iniipit daw kayo ng mga Mendez," Ang pagsasalita ni Hexus sa galagitnaan ng aming agahan.

Naagaw ng boses niya ang atensyon naming lahat maliban sa mga bata na may sariling mundo at patuloy lang sa pag-uusap tungkol sa mga laruan. Tahimik kaming dalawa ni Aisen na naghihintay sa magiging sagot ni Raego.

Mendez. Sa pagkakaalam ko ay Mendez ang apelyido ni Camille.  Hindi kaya...

"Yeah. Kaya kailangan na naming umuwi bukas ng maaga. I have an urgent meeting with the board," ang sagot niya sa mahinahon na boses pero ramdam ko ang kaba niya.

Si Raego ang klase ng taong pursigido at seryoso sa kanyang trabaho. Hindi ko pinagsisihan ang pagtigil sa pag-aaral para lang mapagtapos ko siya ng kolehiyo. Kahit nanggaling siya sa isang maimpluwensyang pamilya, nagsimula siya sa pinakababa. Pinatunayan niya ang kanyang sarili na karapat-dapat sa kanyang posisyong kinauupuan.

Ngunit kapalit naman ng kanyang pag-angat ay ang pagkasira ng aming pamilya. Hindi ko aakalaing ang pagbabalik loob niya sa kanyang pamilya ay ang magiging dahilan para tuluyang mawasak ang pamilyang aming binuo. Kahit palihim akong binabato ng masasakit na salita ng mga magulang at kapamilya ni Raego, tinitiis ko dahil mahal ko siya at alam kong nangungulila rin siya sa tunay niyang pamilya.

Tiniis ko ang lahat para kay Raego at para sa anak namin, pero bakit humantong kami sa ganito? Saan ba ako nagkulang?

"Angelo, okay ka lang? Anong problema?"

Nabalik ako sa reyalidad nang marinig ko ang nag-aalalang boses ni Aisen. Inilibot ko ang aking paningin at napansing na sa akin na pala ang atensyon nilang lahat.

May kung anong dumamping mainit at magaspang sa aking pisnge. Paglingon ko sa aking katabi, nabasa ko ang pag-aalala sa mga mata ni Hexus. Pinupunasan rin niya ang mga luhang kumawala mula sa aking mga mata.

"A-Ano..o-okay lang ako. N-napuwing lang. Pasensya na."

Hindi ko alam kung namamalikmata lang ako pero parang saglit na dumaan ang selos sa kanyang mga mata.

Pero bakit? Bakit naman siya magseselos. Hindi naman niya alam na ako ang dati niyang asawa. At kahit alam pa niya, wala naman siyang pakialam sa akin. Iyon ang sinabi niya bago siya tuluyang lumisan sa buhay ko.

"Masakit kasi ang ulo ko, pwede bang magpahinga muna ako, Hexus? Mamaya ko na lang huhugasan ang pinagkainan natin." Ang paalam ko sa kanila bago nagmadaling tumayo.

"Ako na ang bahalang maghugas nito, Angelo 'wag kang mag-alala. Pahinga ka muna." Ang nakangiting sabi ni Aisen sa akin.

Alam kong hindi rin siya komportableng manatili sa iisang lugar na nandoon si Hexus pero dahil sa akin ay kinailangan pa niyang magtagal dito. "Hindi. Okay lang. Magpapahinga lang ako saglit."

Hindi na nagpumilit pa at tumango na lang sa akin. Iniligay ko muna sa lababo ang mga ginamit kong plato at kubyertos bago lumabas sa kusina.

Napahilot ako sa aking noo pagkapasok ko sa loob ng kwarto. Aalis na sila Regil bukas. Hindi pa ako handang sabihin. Hindi pa ako handang bumalik pero oras ang kalaban ko. Hindi ko alam kung dapat ko na bang sabihin ang totoo para sa anak ko.

Where To Find [√]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon