Hilong hilo na ako kaya hindi ko na maintindihan ang sinasabi nang kausap ko.
Para na akong tangang tumatawa kahit hindi ko naiintindihan ang sinasabi niya.
Shit. Ano ba 'tong pinasok ko?
Hindi ko na kasi mahagilap sina Sam. Kanina ko pa sila hinahanap kaso iniwan nila ako rito sa table namin.
Niyaya nila akong sumama sa kanila kanina para sumayaw at maghanap ng lalaki kaysa daw magmukmok ako rito kaso wala akong gana.
Bakit ba kasi ang tagal mag-cr ni Iya?
Iniwan pa ako rito sa lalaking kausap niya kanina e, hindi ko naman naiintindihan ang sinasabi. Masyado na akong lasing para maintindihan pa ang sinasabi niya.
Nagulat ako na biglang may humablot sa akin patayo. Mas lalo tuloy akong nahilo sa ginawa ng kung sino mang demonyo ang humatak sa akin.
"Ano bang problema mo?" pagalit na sabi ko.
Inangat ko ang paningin ko at naaninag ko na si Ynex pala ang humatak sa akin.
Si Ynex ba or namamalikmata lang ako? Imposible namang pumunta 'yun dito.
"Tara na. Iuuwi na kita," may diing sabi niya.
"Ha? Hakdog ka. Mas may tama ka pa ata kaysa sa akin," sabi ko sa kaniya.
"Umuwi ka mag-isa, dito lang ako. Hihintayin ko sina Iya."
Paglingon ko sa inuupuan ko wala na 'yung lalaking kausap ni Iya kanina. Nagpupumiglas ako mula sa hawak ni Ynex ngunit mas humigpit pa ang pagkakapit niya sa akin.
"Tara na umuwi na tayo. Lasing na lasing ka na."
Sinamaan ko siya ng tingin.
"Sinong lasing? Baka ikaw. Tsaka bakit ka nandito? Doon ka sa babae mo."
Naalala ko na naman 'yung nangyari kaning tanghali. Ang kapal talaga ng mukha ni Ynex para paghintayin ako ng halos isang oras tapos makikita ko lang siyang kausap ang bruhang 'yun.
Narinig ko siyang bumubulong.
Nagulat na lang ako ng bigla niya akong binuhat. Hindi na ako nakapalag dahil sobra na talaga ang nararamdaman kong pagkahilo.
Pagmulat ko ay nasa labas na kami ng Skye. Papunta na ata kaming parking lot. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin nito ngunit masyado na akong lasing para alalahanin pa 'yun.
Hindi naman siguro ako ipapahamak nito, 'di ba?
Naramdaman ko na lang na inilapag na niya ako sa upuan ng kaniyang sasakyan. Hindi ko makita kung anong ginagawa niya dahil nakapikit ako pero narinig ko ang tunog ng pagkakalock ng seatbelt.
"Iinom inom kasi hindi naman pala kaya," rinig kong bulong niya kaya iminulat ko ang aking mata at sinamaan siya ng tingin.
Sinarado na niya ang pintuan ng sasakyan at umikot papunta sa driver seat.
Nagsimula nang umandar ang sasakyan at pumikit akong muli. Medyo nahihimasmasan na ako pero may nararamdaman pa rin akong pagkahilo.
Maya maya ay naramdaman kong huminto ang sasakyan. Minulat ko ang aking mata at nakita kong huminto kami sa tapat ng isang coffee shop.
Nagtataka akong tumingin kay Ynex,
"Anong ginagawa natin dito?"
"Magkakape para mahulasan ka."
Bumaba na siya at umikot papunta sa gilid ko upang buksan ang pintuan. Sabay kaming naglakas papasok ng coffee shop.
Sinabihan niya akong maghanap nang mauupuan at siya na lang daw ang oorder. Wala na namang masyadong tao at madaling araw na kaya hindi na rin ako nahirapan pang humanap ng mauupuan. Pinili ko 'yung nasa pinakadulo sa may tabi ng salamin.
