Alas nuebe na ng gabi. Patingin-tingin lamang si Alvin sa gilid ng kalsada, nagbabakasakaling may maisakay na pasahero sa kanyang minamanehong traysikel.
Napangiti siya ng may makitang isang magandang binibini na may kasamang maleta, naka-taas ang kamay nito at pinapara siya.
"San po ang punta niyo miss?" tanong ni Alvin dito, naka-ngiti. Lumapit sa kanya ang dalaga at pinakita ang isang papel.
"Alam niyo po ba kung saan yan, kuya?" tanong nito kay Alvin.
"Oo naman. Medyo malayo nga lang 'yan!" sagot naman ng binata. Medyo nag-aalangan kung ihahatid ba niya ang dalaga.
"Pwede po bang ihatid niyo ako? Kahit magkano po, magbabayad ako." nahihiyang paki-usap ng dalaga. Gabi na rin kasi at malimit na ang mga dumadaang sasakyan.
Naawa naman sa kanya si Alvin kaya pumayag na rin ito.
"Sige Miss, sakay ka na." pagpayag nito. Tuwang-tuwa namang isinakay ng dalaga ang maleta sa loob ng traysikel atsaka pumasok.
"Salamat po, kuya!" masayang sabi nito at pinaandar na ni Alvin ang kanyang sasakyan.
Nakaramdam ng kilabot si Alvin nang malapit na sila sa kanilang pupuntahan. Napansin niya rin ang kakaibang paggalaw ng dalang maleta ng dalaga, na tila ba may gustong kumawala rito. Ipinagsawalang bahala niya na lamang ito at tumingin ng tuwid sa kalsada.
Isang apartment building ang ipinakitang address sa kanya ng dalaga. Kilala ito, dahil abandunado na ito ilang taon na rin ang lumipas. Bumaba ang dalaga at lumapit sa kanya.
"Kuya, pwede po bang patulong magbitbit ng maleta?" paki-usap nito ng naka-ngiti.
"S-sige." sagot na lamang ni Alvin at bumaba sa kanyang sinasakyan.
Kinuha niya ang maleta sa loob ng traysikel. Nagulat siya sa bigat nito at nagtataka kung papaanong nabuhat ito ng dalaga.
"Anong palapag ba ito, miss?" tanong ni Alvin.
"Sa 2nd floor po." sagot sa kanya ng dalaga na may matamis na ngiti.
Sumunod na lamang si Alvin sa dalaga na naunang naglalakad sa harapan niya. Hindi maipaliwanag ni Alvin ang kanyang nararamdamang kaba. Bukod sa pagtataka niya kung bakit dito nais magtungo ng dalaga, dumagdag pa ang ihip ng hangin na malamig.
Nang makarating sila sa ikalawang palapag ay huminto sila sa harap ng isang pinto, may nakasulat dito na numero.
"I'm home." saad ng dalaga.
Nanlaki ang mga mata ni Alvin at nangatog ang kanyang tuhod. Ang magandang binibini na may maaliwalas na ngiti kanina ay ngayo'y duguan na at nakangisi sa kanya.
"Naaalala mo pa ba ako!?"
Ang malambing na boses ng dalaga kanina ay napalitan na ng boses na tila ba nanggaling sa ilalim ng lupa at puno ng galit.
Namuo ang butil ng malamig na pawis sa noo ni Alvin, tikom ang kanyang bibig at hindi makapagsalita. Papaanong nangyari iyon, tanong niya sa kanyang sarili.
Napahawak siya sa kanyang ulo at napaluhod. Hindi ito maaaring mangyari, pinatay niya na ang dalaga, ilang taon na ang nakakalipas. Ginahasa niya ito at pinatay, isinilid niya ang katawan sa maletang dala-dala nito nung araw na iyon.
"H-hindi ka totoo!" sigaw ni Alvin. Ngunit huli na ang lahat.
---
"Natagpuan ang lasog-lasog na bangkay ng isang traysikel driver na nagngangalang Alvin Bacallan, dalawampu't walong taong gulang, sa loob ng isang maleta na palutang-lutang sa ilog. Inaalam na ngayon ng pulisya kung sino ang may gawa ng karumal-dumal na krimen..."
Pinatay ng naka-ngising dalaga ang telebisyon. Kinuha niya ang kanyang damit na may bahid ng dugo, ang kahoy na ginamit niyang pamukpok kay Alvin, ang kanyang gwantes at ang mga kasangkapang ginamit niya sa pagpatay kay Alvin at itinapon ito sa apoy.
"Justice is finally served, my sweet little sister..." saad niya habang may tumutulong luha sa kanyang mga mata, pinapanuod na masunog ang mga ebidensya sa krimen na kanyang ginawa.
![](https://img.wattpad.com/cover/233550752-288-k44780.jpg)