* * *
Dahil wala kaming review ngayon, nagpasya ako na ngayon i-set ang gala namin ng mommy nila Nile. Gusto kong bumawi sa 'di ko pagpunta noong nakaraan. Alam kong marami rin siyang ikukwento na tungkol sa magkakapatid.
Hinanap ko sa contacts ang kanyang number at tinawagan.
"Hello mommy. Sorry sa istorbo. Gusto ko lang itanong kung hindi ba kayo busy ngayon?" panimula ko. Wala namang maingay sa kabilang linya kaya mukhang may ibang pinagkakaabalahan sila Nico ngayon. Usually kasi maingay sila sa bahay.
"Hindi naman, ris. Free na free ako ngayon. Bakit?" tanong nito. Napangiti naman ako dahil wala siyang ginagawa.
"Aayain ko po sana na lumabas tayo, pambawi sana nung nakaraan." sambit ko.
"Ayan gusto ko 'yan! Teka lang at maghahanda muna ako. Itetext ko nalang sa'yo kung saan tayo magkikita or gusto mo sunduin nalang kita diyan?" si mommy.
"I-text niyo nalang, ho. Ako nalang po pupunta roon." sagot ko. Dali-dali akong pumunta sa aking drawer para maghanap ng masusuot.
"Sige, ija. Mag-iingat ka. Itetext ko nalang sa'yo. Bye!" huli nitong sinabi at pinatay ang tawag.
Nakahanap naman ako ng masusuot. Simple lang dahil si mommy lang naman ang kasama ko. Isang striped t-shirt at knee-length shorts. Dala ko rin ang isang pink na sling bag para lagyan ng cellphone at pang-retouch.
Pagkatapos ko magbihis ay sakto tinext na ni mommy kung saan kami pupunta. Tinext niya ay isang address kung saan may maliit na cafe. Lagpas ito sa school kaya kailangan ko bumyahe na hindi naman masyado matagal.
Nagpaalam ako sa aking nanay at agad na lumabas papuntang sakayan. Tinext ko kay mommy na papunta na ako sa sinabi niyang address. Nagreply siya na papunta na rin siya at magkita nalang kami sa entrance.
Fifteen minutes lang ang byahe at nakarating ako agad sa cafe. Nakita ko naman na nag-aantay sa glass door si mommy habang tumitingin-tingin sa paligid. Tinawag ko siya at kumaway. Pumunta naman ako kung saan siya naka pwesto.
Bumati ako sa kanya at sabay kaming pumasok sa cafe. Umupo naman kami sa pinakadulo. Umorder siya ng cappucino at isang slice ng blueberry cheesecake habang ako ay cafe latte frappe at chocolate cake. Dali-dali kong inabot ang bayad ko kay mommy para hindi na niya tanggihan.
"Kamusta ka na? Kamusta ang studies?" panimula niya.
"Okay naman po. Nagsimula kami nila Tyron magreview nung nakaraan para medyo alam na namin ang ilelesson," sagot ko. Ngumiti naman siya. Sa kanya namana ng magkakapatid ang ngiti habang ang mukha naman ay kay tito namana. Wala ang salitang 'kabaitan' sa kanila kaya walang nagmana sa kabaitan ng mommy nila.
"Oh sila Tyron? Ipaabot mo ang aking pagkamusta at sabihin mo na bumisita sila minsan sa bahay. Nakakasawa rin minsan makita ang mga nasa bahay kaya maganda ang mga bagong mukha minsan." sambit nito.
Kilala rin ni mommy sina Tyron, Phoebe, at Eliza. Minsan ay bumibisita kami sa bahay nila para makigulo. Ngayon ay hindi na namin nagagawa dahil masyado na kaming busy para sa paparating na pasukan.
Sakto naman dumating ang mga inorder namin. Uminom ako nang kaunti sa frappe. "Sige po, mommy. Ipapaabot ko po bukas dahil magrereview ulit kami." saad ko. Napangiti naman siya at biglang may naisip.
"What about sa bahay kayo magreview? Pwede ko kayong lutuan ng meryenda. Hayaan niyo na sila Nile, nasa kwarto naman nila magdamag iyon." sambit ni mommy habang kumakain ng kanyang blueberry cheesecake.
"Ay magandang idea po 'yan! Sasabihin ko mamaya sa kanila Tyron na sa bahay niyo po kami magrereview!" sambit ko. Kinain ko naman ang inorder kong chocolate cake.