ILANG buwan namin ginawa ang setup na gusto kong mangyari. Yung pinagkasunduan namin no'ng huli naming pag-uusap tungkol sa mangyayari sa aming dalawa, sa akin kung hindi namin 'to ititigil.
"May plano ako at sana okay lang sa 'yo 'to, Aaron. Naisip ko ito hindi lang para sa akin kundi para sa ating dalawa. Ang naisip ko ay kapag nasa university tayo hindi tayo magpapansinan, kahit sa harap ng mga kaibigan ko. Ipakita mong galit ka sa akin para masabi nilang nakipaghiwalay tayo. Puwede naman tayong mag-usao sa text at call. At kung may oras ako pupunta ako sa condo mo para magkita tayo. Hindi lang talaga tayo puwedeng magkita ng iba. I know na mahirap 'to, baby. Pero kakayanin naman natin ito hindi ba? Mahal na mahal kita kaya naisip at magagawa ko 'to dahil ayaw kong mas malayo sa 'yo." Paliwanag ko sa 'yo ng mga plano ko. Tinitigan niya ako na parang tinitimbang pa ang mga sinasabi ko. Hindi ako mapakali sa aking upuan dahil umabot ng minuto bago ka sumagot.
"Ito lang ba talaga solusyon? Wala na bang iba?" Pagtatanong niya habang nakatingin sa akin ng seryoso.
"Ito lang naiisip kong paraan, Aaron. Sana pumayag ka, please."
Sa ilang minutong pagpilit ko sa kan'ya ay pumayag din ito.
"Kung wala na talagang ibang solusyon. Sige, gawin natin 'to. Malapit na rin naman tayong grumaduate, Wayde. Kapag nangyari 'yon magiging malaya ka na at kaya na nating ipaglaban ang isa't-isa." At mahigpit niya akong niyakap at hinalikan pa ang aking pisngi.
Malapit ng matapos ang sem at mag-fo-fourth year na kami. Palapit nang palapit ang pagtatapos ni Aaron ay mas lalo kaming na-e-excite sa mga mangyayari. Mauuna ng isang taon sa akin si Aaron dahil limang taon ang kurso kong Civil Engineering.
"Grabe, ang raming kailangang gawin. Magtatapos na nga lang pasukan ganito." Reklamo ni April habang nag-re-review sa isa naming subject. Malapit na rin kasi ang finals namin.
Busy na kaming lahat dahil nagsabay-sabay rin ang mga exams. Hindi ko na nga nagagawang kausapin si Aaron dahil sa sobrang busy ng schedule. Minsan ay nagtatampo na ito sa akin dahil wala akong oras para sa kan'ya.
"Jusko, April. Puro reklamo, tapusin mo na 'yan para matapos ka na. Paano pa next month? Hell month 'yon. Baka hindi mo na kayanin." Saway ni Nica kay April na inaayos ang mga papel niya ng computations.
"Puro computations naman kasi, sasabog na utak ko," sabi pa ni April at yumuko na nga sa mesa.
Napailing na lang ang iba naming kaibigan. Isa kaso ito sa mareklamo pagdating sa ganitong bagay. Tamad kasi ito mag-aral. Hindi ko nga alam bakit pumapasa pa ito e.
Nakikinig lang ako sa mga usapan nila habang binabasa ang mensahe ni Aaron. Tadtad na kasi ang cellphone ko ng messages niya.
Aaron:
Baby?
Ginagawa mo, baby?
Wala na akong pasok. Akala ko ba pupunta ka rito sa condo?
Baby?
Hey! Mag-reply ka naman.
Kanina pa ako tumatawag at nagte-text. Busy ka na naman.
Punta ako ngayong university. Nando'n daw mga kaibigan ko. Niyayaya ako.
Dahil sa sobrang busy ko ay may mga oras na nagagalit ito. May schedule kasi ang pagpunta ko sa condo niya pero nitong mga nakaraang linggo hindi na ako nakakapunta dahil sa school works. Akala ko no'ng una ay naiintindihan niya. Pero minsan ay sumasabog na lang ito at nasusumbatan ako.
"Aaron, sorry busy lang ako. Intindihin mo naman. College ka rin naman gaya ko," sabi ko sa kabilang linya. Tumawag kasi si Aaron at buti hindi pa ako nakakapagsimula sa mga gawain ko kaya nasagot ko pa.
