UMUWI ako nang araw na 'yon na walang luha pero mugto ang mga mata. Walang nagtanong kahit isa, kahit si Mama na laging strikto ay hindi nagtanong. Pinabayaan nila akong umakyat at dumiretso sa aking kuwarto. Kinatok ako ni Papa no'ng gabing iyon pero wala akong ganang makipag-usap sa kahit na sino.
Lumipas ang buwan na pag-aaral lang ang inasikaso ko ay hindi pinansin ang iba. Nakakausap ako ng mga kaibigan ko pero tango, ngiti at maiikling salita lang ang naririnig nila sa akin. Hindi namin napag-usapan ang nangyari nang araw na 'yon, pati kung bakit sila nando'n ay hindi ko muna inalam. Naiintindihan nila ang pakikitungo ko sa kanila. Lagi nila akong kinakausap para i-cheer ako, si Jael ay lagi akong iniinis pero hindi ko iyon pinapansin.
School at bahay lang ako sa loob ng tatlong buwan. Sa school ay puro pag-aaral ang iniintindi ko para hindi maisip ang nangyari pero pagkauwi ko ay ro'n na pumapasok ulit sa utak ko. Tuwing gabi ay iyak ang maririnig sa buong kuwarto ko, karamay ang unan ay kumot. Minsan ay nakakatulog na lang ako sa sobrang pagod sa kaka-isip at kaka-iyak.
Nasa kuwarto ako ngayon, walang pasok dahil Linggo. Kapag ganitong walang pasok ay lalabas lang ako para kumain at kapag may kailangan sila Mama, pero kapag wala ay nakakulong na lang ako sa kuwarto. Inikot ko ang paningin ko sa buong kuwarto at ang nakikita ko lang ay mga drawing ko kung saan ko nilalabas ang lahat.
Blanko kong tinignan ang buong paligid at unti-unti humiga. Nilulukob na naman ang ng malungkutan at bumabalik na naman ang sakit na naramdaman ko nang malaman ko ang lahat. Kasabay ng pagtulo ng mga luha ko ang katok na nanggaling sa labas.
"Wayde." Boses ni Mama ang narinig ko.
Hindi ako tumayo sa pagkakahiga at patuloy lang sa pag-iyak. Ganito palagi kapag nasa bahay ako pero hindi ko sila pinagbubuksan ng pinto dahil alam ko naman ang kailangan nila. Hindi sila namimilit, kapag tinawag nila ako ng isang beses at hindi ako sumagot ay aalis na lang sila.
"Wayde, buksan mo ang pinto." Rinig ko ulit sa boses ni Mama na may lungkot na sa boses. "Wayde, please." Dagdag nito.
Wala akong magawa kaya tumayo ako, pinunasan ang mga luhang nasa pisngi ko at sinuklay ang buhok gamit ang mga kamay ko. Unang beses nila itong mamilit.
"Bakit po?" Tanong ko pagkabukas ko ng pinto. Kita ko si Mama na nakatayo sa aking harap at si Papa naman ay nasa kan'yang tabi.
"Gusto ka naming makausap, Wayde," sabi ni Mama. Tumabi naman ako sa isang gilid para papasukin sila at naglakad nga sila papasok, umupo sila sa aking kama ng magkatabi kaya tumabi ako kay Mama na may mas malaking puwesto.
"Tungkol po saan?" Tanong ko ng makaupo ako.
Hinawakan ni Mama ang kamay ko at tinignan ako ng malungkot.
"Matagal ka na naming gustong makausap, Wayde. Simula no'ng umuwi kang maga ang mga mata, yung mga gabing naririnig ka naming umiiyak." Nabasag ang boses ni Mama at parang hindi na alam kung itutuloy pa ang sasabihin. Umawang naman ng saglit ang aking labi bago tumulo ang aking mga luha. Nakita ko rin na bumagsak ang mga butil ng luha sa mata ni Mama.
"Gusto ka namin malaman kung ayos ka lang, Wayde. Pero hindi namin magawa, dahil tingin namin ay isa kami ng Papa mo ng may dahilan kung bakit ka nagkaganoon." Lumuluhang sabi ni Mama at mahigpit na hinawakan ang aking kamay. Mas lalo naman akong napahikbi sa sinasabi ni Mama.
"Ma..." Tanging nasambit ko at tinignan siya.
"Anak, pasensya na sa ginawa namin noon ng Mama mo. Hindi namin alam na ganito ang makiking epekto sa 'yo. Mahal na mahal ka namin at ayaw naming makita kang ganito." Madamdaming sabi ni Papa at tumayo sa gilid ko. Hinawakan niya ako sa aking balikat, yumuko siya at bigla akong niyakap.
