"KAIN muna tayo tapos nuod tayong movie," sabi niya ng makapasok na kami sa mall. Kahit may pasok ay marami pa ring tao.
"Ikaw bahala. Share tayo sa bayad ah."
"Kaya ko na, Wayde. Ako nagyaya." Nakangiti nitong sabi.
"Share na lang tayo, Aaron." Pilit ko pa pero umiling lang ito.
"Ako na. Tara na." At hinila niya na ako sa isang pizza house.
Um-order siya ng lasagna, pizza and drinks. Habang hinihintay ay nag-usap lang kami ng kung ano-ano.
"Kumusta ka pala, Wayde? Tagal nating hindi nagkita. Nang magkabungguan tayo no'ng nakaraan saka ko lang nalamang nasa isang university tayo." Masaya niyang sabi habang ang kamay niya ay nasa kanyang baba.
"Ayos naman. Ikaw ba? Kaya nga e. Ngayon ko lang din nalamang nasa iisa tayong university." Masaya ko ring sabi na iniikot naman ang mga mata sa paligid dahil nakatitig ito sa akin. At nakakaramdam ako ng pagkailang dahil doon.
"Ayos din. Magkasama pala kayo ni Jael no. Ngayon ko lang din siya napansin e."
"Oo, sinusundan yata ako no'n e." Natatawa ko pang sabi. "Nalaman ko nga palang sikat ka sa university. G'wapo puhunan e 'no?" Dagdag ko pa.
"Sikat? Hahaha. Hindi ko nga alam kung paano nangyari 'yon e. Dahil siguro sa mga kaklase ko. Pinagkakalat kag'wapuhan ko." Nakakaloko niyang sabi at nagpogi sign pa. Mas natawa naman ako sa kayabangan nito.
"Ang hangin ah," biro ko.
"Nagsasabi lang ng totoo Wayde." Mas lalo pa siyang ngumiti. Dahil singkit siya ay medyo nawala ang kanyang mata.
Dumating ang pagkain namin na puro tawa langs ang ginawa namin. Kung kanina ay medyo naiilang at kinakabahan ako sa kanya, biglang nawala 'yon at naging komportable na ako.
Nagsimula kaming kumain at puro kuwentuhan lang sa nakaraan ang pinag-uusapan namin. Habang inaalala ang nakaraan puro tawa lang ang ginagawa namin. Medyo pilyo kasi siya noon kaya 'yon ang sentro ng usapan namin ngayon.
"Naalala ko ngang lagi kang pinapagalitan ng teacher niyo kasi sobrang kulit mo no'n. Lagi pa kayong naghahabulan no'ng kaibigan mo... Sino nga 'yon?" Pagtatanong ko dahil nakalimutan ko na ang pangalan ng kaibigan niya na lagi niyang nakakasama sa kalokohan.
"Si Vin. Same university lang din natin, business course no'n kaya medyo malayo sa atin. Pero nagkakausap pa naman kami no'n. Sabi nga niya no'ng nakaraan nakita ka niya, e hindi naman ako naniwala kasi hindi naman kita nakikita sa university. Minsan lumalabas kami no'n, sama ka next time. Isama mo si Jael," sambit niya pa at sumubo ng pagkain.
Tumango-tango naman ako. Minsan ko na rin namang nakausap si Vin no'ng highschool kami kaya kilala niya ako. Ako lang talaga 'tong mabilis makalimot sa mga bagay-bagay.
"Sige, sabihin ko kay Jael. Alam ko magkakilala rin 'yung dalawang 'yon e."
"Magkakilala talaga sila. Sobrang close." Nagtaka naman akong napatingin dito.
"Sobrang close? Paano? E, hindi ko naman sila nakikitang nagkakausap yung dalawa." Kunot noo 'kong pagtatanong dito.
"Hindi mo ba alam?" Pagtatanong pa nito kaya umiling ako. "Crush kaya ni Jael si Vin dati."
"Weh? Hindi ako naniniwala," ani ko.
"Maniwala ka. Nagkakausap kaya 'yon sila lagi. Hindi mo lang napapansin, lagi ka kasing nakaharap sa mga drawings mo. Kaya nga medyo close rin kami ni Jael dahil kay Vin e."
"Seryoso talaga? Wala akong alam na crush ni Jael dati. Tapos si Vin pa. Sigurado ka talaga? Buti hindi nagalit si Vin, I mean lalaki si Jael tapos lalaki rin si Vin." Hindi naniniwalang sabi ko.
