Tumango ako sa kanya at agad na pumunta sa kusina. Naaamoy ko na roon ang kaninang niluto kong eskabetche at kare-kare. Agad kong kinuha ang mga magagandang uri ng plato na nakatago sa isang eskaparate. Sabi ni Mama, ito raw ang mga platong kailangang ilabas lalo na mahalaga ang panauhin ni Papa ngayon.
"Clara, tulungan na kita."
Napatingin ako sa kapatid kong si Kio na bihis na bihis din tulad ng lahat sa pamamahay na ito. Mabilis akong umiling sa kanya bago pa niya makuha ang mga plato sa kamay ko.
"Pumunta ka na sa bukana. Ako na rito sa kusina. Ayokong mapagalitan tayo ni Mama."
Nag-aalinlangan man ay sinunod ako ni Kio at lumabas para daluhan ang mga paparating na bisita nila Mama at Papa.
