"Clarissa! Ito na ba si Clara? Aba, dalagang dalaga na!" sambit ng panauhin na tingin ko'y kasing-edad ni Mama. Lumapit ako at nagmano.
Kasunod niya si Mama na nakataas ang kilay na pinagmamasdan ang hapag na inayos ko kanina.
"Oo, dalaga na sa edad! Pero hindi pa rin pwedeng mag-asawa at marami pang dapat matutunan sa gawaing bahay!" maligayang sambit ni Mama matapos magtapon ng tingin sa kaibigang panauhin at bumaling muli sa hapag.
"Hindi naman na kailangan pang matutunan yan bago makapag-asawa, Clarissa! Ang mahalaga lang ay maging mabuting asawa!" saad ng panauhin na tinanguan naman ni Mama.
Kahit na nakikipagtawanan si Mama ay hindi nakatakas sa paningin ko ang talim ng titig niya sa ulam na naroon. Saglit niyang pinaupo at iniwan ang panauhin at dumalo sa aking tabi.
Kung paanong ngumisi si Mama sa kaibigan niya ay ganoon na lang ang pagtalim at pagtagis ng mga panga niya sa oras na nakalapit sya sa akin.
Kinakabahan man ay pinagsalikop ko ang mga daliri at inihanda ang sarili sa sasabihin niya.
"Clara, palitan mo yung ginamit mong kutsara para sa mga bisita. Hindi iyon ang sinabi ko sayo. Sabi ko yung bago ang gamitin mo. Tanggalan mo ng presyo at hugasan mo. Dalian mo, iyon ang ipagamit mo! Nakakahiya! Sinabi ko na sayo iyan kanina, hindi ka talaga maaasahan! Nako, ikaw na babae ka!"
Yumuko ako agad. Hindi na ako nagsayang pa ng panahon at inalis do'n ang kutsarang ayaw niya at pinalitan ng bago.