(Errors Ahead)
"Zyra gising na, anong oras na, papasok ka pa!" Sigaw ko sa kapatid kong si Zyra. Kahit kailan talaga ay napakatamad nito!
"Oo na, ito na nga e! Ang aga-aga sigaw ng sigaw!" Pagmamaktol nito habang inililigpit ang pinaghigaan.
"Aba'y bakit ikaw pa ang galit? Kapag hindi ka ginising magagalit-galit ka, kapag ginising ka naman magagalit ka rin. Saan ako lulugar aber?" Tanong ko dito.
"Hay nako! Kahit kailan ka talaga kuya! Hindi ka pa nasanay." Natatawang saad nito pagkatapos ay agad na ring naligo at pumasok sa eskwelahan.
Pagkapasok niya ay agad ko namang inihanda ang sarili ko para sa pagkakargador sa palengke. Lunes ngayon kaya maraming tao at paniguradong maraming magpapabit-bit ng tinda at pinamili.
Kaagad natapos ang araw kaya umuwi na ako. Bumungad sa akin ang kapatid kong si Zoe. Kagaya ng nakasanayan, punong-puno nanaman ito ng kolorete sa mukha. Ang batang ito talaga!
"Hi kuya! Kamusta ang araw mo? Marami ka bang kinita ngayon?" Masigla at matinis ang boses na pagbati nito.
"Napakasakit sa tainga ng boses mo! Pwede bang pakihinaan ng kaunti?" Pagrereklamo ko. Agad naman siyang ngumuso at mukhang nagpapaawa.
"Bakit kuya? Nagsasawa ka na ba sa boses ko ha? Hindi mo na ba ako mahal? Iba na ba ang gusto mong maging kapatid?" Maluha-luhang saad nito. Kaagad ko naman siyang pinatahan bago pa siya tuluyang umiyak. Mahirap pa naman siyang patahanin.
Pagkatapos ng hapunan ay kaagad naman na kaming natulog ng aking kapatid. Mahaba-haba pa ang araw bukas kaya kailangan na naming matulog ng maaga.
"Zia, gising na. May pasok ka pa." Mahinahong gising ko sa kaniya. Mainitin kasi ang ulo nito at ayaw ng masyadong maingay.
"Kuya, pwede bang 'di muna ako pumasok ngayon? Nahihiya kasi ako e." Nag-aalangang tanong nito.
"Zia, hindi naman pupwedeng di ka papasok. Sige ka wala kang matututunan niyan." Panghihikayat ko sa kaniya.
"Lagi naman akong walang natututunan e. Di naman kasi ako matalino." Malungkot na saad nito.
"Zia, matalino ka. Nahihiya ka lang. Kaya mo 'yan okay? Sige na, maligo ka na." Pilit ko sa kaniya pero sa halip na sumunod ay nagmaktol pa ito.
"Ayoko ngang pumasok sabi e! Kung gusto mo ikaw na lang!" Tumayo ito at tumapat sa salamin.
"Ano ba 'tong mga nakalagay sa mukha ko? Sa tuwing gigising na lang ako ay lagi na lang akong parang payaso! Nakakainis!" Asar na daing nito habang tinatanggal ang make-up sa mukha.
"Aba'y malay ko kung saan ka nagsususuot kagabi." Sagot ko naman.
"So sinasabi mong lumandi nanaman ako kagabi?" Nagtataray na tanong nito.
"Wala akong sinsabing gan'yan ha? Ikaw ang nagsabi niyan." Asar ko sa kaniya.
"Tss." Tugon nalang nito bago lumabas ng bahay nang 'di man lang nagpapaalam.
Hindi ko na rin siya pinilit pang pumasok para 'di na kami mag-away. Mahirap na at baka saan pa mapunta iyon.
Pumunta na ako sa palengke at nag-umpisa ng magtrabaho. Makalipas ang ilang oras ay dumating na ang oras ng tanghalian. Kakain na sana ako nang matanaw ko ang kapatid kong si Zein.
"Kuya!" Sigaw nito mula sa malayo habang kumakaway.
"Oh, Zein, bakit ka nandito?" Nagtatakang tanong ko.
"Hay nako, kuya! E pa'no kasi hindi mo ako ginising kanina. Ayan tuloy 'di ako nakapasok. Kaya nilutuan na lang kita ng pangtanghalian. Ayos ba 'yon?" Nakangiting tanong niya.
"Ginising kaya kita. Ayaw mo lang pumasok. Nagmaktol ka pa nga e. Pero salamat dito ha?" Tugon ko.
"Walang anuman. Pero kuya hindi naman ako 'yon. Sino ba 'yung ginising mong ayaw pumasok ha? Si Zyra? Si Zoe? O si Zia?" Tanong niyang muli.
"E sino pa ba? Edi si Zia. Aba'y pinagalitan pa ako kanina kasi kung ano-ano daw ang nakalagay sa mukha niya e si Zoe lang naman ang naglagay no'n." Pagkukwento ko.
"Hay nako! Kaya ako nagkakatigyawat e. Tapos yung assignment ko pa di pa nagagawa. Si Zyra kasi hindi pa inasikaso. Si Zia naman ang tamad pumasok. Ano ba naman to!" Reklamo niya.
"Di ka pa nasanay e gano'n naman talaga yung mga kakambal mo." Natatawang sagot ko.
"Di ko naman sila kakambal e. Nakikitira lang sila sa katawan ko." Nakasimangot na daing niya.
Tatlong katauhan ang nasa katawan ng kapatid kong si Zein. Si Zia, si Zoe, at si Zyra. Iba-iba man at nakakalito, pantay-pantay parin ang trato at pagmamahal ko sa kanila. Patuloy ko parin silang itataguyod at poprotektahan hanggang sa kaya ko.
"Kuyaaaaa!" Rinig kong sigaw ni Zein.
"Bitawan niyo ang kapatid ko!" Pilit kong inaagaw sa mga pulis si Zein.
"Itong kapatid mo, Zoren. Nagnakaw nanaman sa tindahan ko kanina!" Reklamo ni aling Nena.
"Ho? Ano pong ninakaw niya? Tsaka nanaman? Ilang beses na po ba siyang nagnanakaw?" Naguguluhang tanong ko.
"Maraming beses na, Zoren. Mabuti na lang at ibinabalik niya agad. Pero ngayon hindi na. Ayan pa yata 'yung ulam mo ngayon." Turo ni aling Nena sa adobong manok na dala ni Zein.
"Zein, totoo ba 'yon ha?" Tanong ko sa kapatid ko.
"Kuya, hindi ko alam. Wala akong ginagawang masama! 'Di ako magnanakaw!" Naiiyak na sagot nito. Kilala ko ang kapatid ko, hindi niya magagawa ang bagay na iyon.
"Babayaran ko na lang po kayo, aling Nena. Magkano po ba iyon?" Tanong ko kay aling Nena.
"Halagang 200 lang naman." Sagot niya. Agad ko namang iniabot ang pera at pinakawalan nila si Zein.
Bago pa kami tuluyang magkayakap ay isang putok ng baril ang pumailang-lang sa buong palengke. Nakita kong bumagsak sa lupa ang kapatid ko at duguan. Kaagad ko siyang nilapitan.
"Zein! Zein gising! Ano po bang kasalanan sa inyo ng kapatid ko ha? Bakit niyo siya binaril?!" Sigaw ko habang buhat-buhat ang katawan niya na naghihingalo na.
"Baliw ang kapatid mo na 'yan! Noong nakaraang gabi ay pinipilit niyang si Zoe siya at gustong maging nobya ng anak ko. Kaninang umaga naman ay nilapitan siya ng anak ko at akmang hahalikan pero hinampas niya ng bato! Kritikal ang anak ko sa hospital ngayon. Alam kong wala kayong pangbayad sa amin kaya papatayin ko nalang siya. Ngayon, wala na akong problema." Mahabang litanya ng mamang iyon at akma ng aalis.
"Walang hiya kayo! Wala kayong alam! Pagbabayaran niyo 'to!" Susugod na sana ako sa kaniya nang makaramdam ako ng pag-anghang sa aking bandang tiyan at kaagad na bumagsak.
Halos sabay tayong ipinanganak sa mundong ito, Zein. Halos sabay din tayong mawawala at papanaw. Natitiyak kong sa paraisong pupuntahan natin ay wala nang mananakit pa sa iyo. Wala na ring ibang katauhang manggugulo pa at makikihati sa katawan mo. Magiging payapa ka na roon, kapatid ko.
-binibining tunay♡
YOU ARE READING
Pinagsama-samang Akda at Tula ni Binibining Tunay
RandomIsang aklat na may makulay na pabalat, tagpi-tagping mga pahina, at nakatagong mga kabanata. -binibining tunay♡