(Errors Ahead)
Lumalala ka na;
Hindi na ikaw ang dati kong replika;
Ibang-iba ka na;
Hindi na kita kilala.
Nagpapalamon sa kalungkutan;
Walang ibang ginawa kun'di ang makipag-alitan;
Sa sariling anino'y nakikipagsagupaan.
Sino ka ba?
Hindi ikaw ang nilalang na isinilang ng aking ina;
Ang prinsesa na tinuruang maging matatag ng aking ama;
Ang ateng walang ibang ginawa kun'di gabayan ang kapatid niya.
Sino ka?
Magpakilala ka;
Tatanggapin naman kita basta ay makikisama ka;
Huwag kang lalabas kung saan man ako magpunta;
Hayaan mo akong makipagsalamuha sa iba;
Huwag mo akong kontrolin at ikulong sa hawla;
Hayaan mo ako;
At hahayaan din kita.
Hindi kita pipigilan na sa aking isipa'y manirahan;
Ngunit sana'y batid mo rin kung hanggang saan ka lang;
Sapagkat ako'y lubos ng nahihirapan;
Ako'y nagiging dayuhan sa sarili kong kaisipan;
Patuloy mong kinokontrol ang aking katauhan;
At ngayon ay wala na akong magawa upang ika'y pigilan.
Malala ka na;
Hindi na kita kaya;
Panahon na siguro upang mawala ka;
Puputulin ko na ang pisi na nagdurugtong sa ating dalawa;
Kikitilin ko na ang buhay na pumapatay sa aking paglaya;
Tama na.
Hindi ko na kaya;
Pinapalaya na kita;
Hayaan mo rin sana akong maging masaya;
Tatalikod na sa hawla;
Puputulin na ang tanikala;
Muling lalakad sa tama.
Kakalimutan ang 'noon';
Hahakbang na sa 'ngayon';
Hihintayin ang bukas at muling magpapalakas;
Upang sa marami pang pagsubok ako ay makalagpas.
Wala na;
Ang dating malala ay malaya na; Pinalaya ko na siya;
Ang dating ako na nakakulong sa hawla;
Natagpuan ko na.
Nakita ko na siya. Masaya. Malaya na.
-binibining tunay♡
YOU ARE READING
Pinagsama-samang Akda at Tula ni Binibining Tunay
DiversosIsang aklat na may makulay na pabalat, tagpi-tagping mga pahina, at nakatagong mga kabanata. -binibining tunay♡