Misteryo

5 0 0
                                    

Ang mundo ay puno talaga ng misteryo. May mga misteryong lugar na mahirap iwanan. Mga misteryong tao na mahirap iwaglit sa isipan. At mga misteryong pangyayari na hindi na maibabalik kung ito ay mangyari man.

Dalawampu’t apat na taong gulang na ako at ulila na sa magulang. Ang ginagawa kong pampalipas oras, dahil nakapagtapos na ng pag-aaral, ay ang pagpunta sa iba’t-ibang panig ng mundo. Puntahan at kilalanin ang misteryo nito.

Palagi kong naiisip, paano kaya kapag kasama ko pa ang mga magulang ko? Ganito rin ba ako kasaya? O mas higit pa ang mararamdaman ko kung sakali mang kapiling ko pa sila?

Mahirap alisin sa aking sistema ang mga alaalang naiwan nila, lalo pa't ito ang naging instrumento ko para ipagpatuloy at magtagumpay sa buhay.

Nakakapanghinayang na magkasama man kami sa aksidenteng iyon, ay bakit sa lahat, ako lang ang iniligtas ng Diyos. Pero aking napagtanto, na may kailangan pa akong gawin sa buhay kong ito.

Nasa Paris ako ngayon, papunta palang sa lugar kung saan nakatayo ang Eiffel Tower. Nakasakay ako ngayon sa isang pampublikong sasakyan, at tinitingnan ang kagandahan ng lugar. Pinagmamasadan ang mga taong may iba’t-ibang storya at hinahangaan ang bawat lugar na nadadaanan. Pagkarating sa destinasyon, walang inhibisyon at ako’y kumuha ng maraming litrato.

"Magandang hapon, binibini. Kay ganda ng mga kuha mong litrato! Parang may kwento at misteryo sa likod ang lahat ng iyon!"

Binalingan ko ang nagsalita at napaigtad nang masaksihan ang  kanyang mala-adonis na mukha! Kay pogi!

"Nagtatagalog ka?" tanong ko na gulat na gulat pa rin.

"Narinig mo naman di ba?" ngumisi pa siya!

Naku! Naku! Marupok ako sa ganyan! Layuan mo ako!

Inirapan ko siya at nagpatuloy sa pagkuha ng litrato gamit ang aking instax, na lumalabas agad ang mga larawan kapag ito ay akin nang nakuhanan.

Napangiti ako sa aking nakuhang litrato, isang kompletong pamilya ang nasa litrato.

Sumilip ang lalaki at tiningnan rin ang kuha ko.

"Ang ganda talaga!" na nakahawak pa sa mga braso ko!

Close kami?

Nang nilingon ko siya ay sa akin siya nakatitig at nakangiti ng maganda pero makikita ang lungkot sa mga mata.

Kinuha ko ang kamay niya sa braso ko at hinawakan iyon.

"Gusto mo ba kuhanan kita ng litrato?"

Ewan ko ba pero hinaplos ng mga matang iyon ang mabait at maalalahanin kong puso. Hindi ako sanay na may makikitang tao na malungkot. Na may dala-dala silang mabigat sa loob at walang mapaglabasan. Ayaw ko ng ganoon. Binigyan ako ng pangalawang buhay kaya dapat magsaya ako, at pasayahin din ang iba.

Tumango siya na parang bata at pumunta agad sa harapan ko.

Tumayo siya ng matindig, ang mga kamay ay nasa bulsa niya at lumingon sa gilid. Ngumiti pa siya habang nakatingin sa direksiyong iyon.

Napailing ako at napangiti. Nagtagumpay ako na mapangiti siya ng sinsero, walang kahit anong lungkot sa mukha, lahat ay totoo.

Kunuhanan ko agad siya at napangiti nang makita ang kuha ko. Nginitian ko siya at patakbong lumapit siya sa akin.

"Tingnan mo! Ang pogi mo!"

Gulat siyang napatingin sa akin at nang mapagtanto ang lumabas sa bibig ay natakpan ko ang aking mukha!

Nakakahiya! Baka akalain niyang ang pogi niya talaga kahit totoo naman! Diyos ko po!

Inilingan ko na lang at tinanggal ang mga kamay sa mukha, alam kong mapula na ang aking mga pisngi! Nararamdaman ko! Binalingan ko siya na ngayon ay nakangiting nakatingin sa akin.

"Oo na! Gwapo ka na! Huwag mo ako ngisihan ng ganyan! Baka..."

"Ano?"

"Baka, jowain kita!"

Pero hindi ko talaga isinigaw iyan!

"Baka sumakit a-ang panga m-mo kakangisi! Iyon!" saka kumuha na lang ulit ng mga litrato habang siya ay naririnig ko pang tumatawa!

Kainis! Iyang bibig mo inday, paki-preno!

Paalis na sana ako nang may maalala.

"Teka, pahiram muna ulit noong larawan mong nakuhanan ko. May isusulat lang ako." mahinang ani ko, nahihiya pa rin.

"Lalagyan mo ng numero mo para matawagan kita? Naku, sige ito oh!"

"Kapal muks mo! Basta, akin na!"

Nilahad niya at kinuha ko naman agad. Nilabas ko ang aking bolpen at sinulatan ang larawan sa likod.

Ginoong pogi,
Ikaw ay ngumiti,
Ngiting abot sa mata,
Upang mga bituwin, ito'y makita.

Magandang dilag,
Mistheria Miracle

Nakangiting inabot ko ulit sa kanya iyon.

Babasahin niya na sana kaso pinigilan ko at sinabing basahin na lang kapag mag-isa na siya.

Tumango siya at ngumiti. Wala nang anumang pagpepeke, pawang totoo lamang. Ganyan, ganyan ang gusto kong masaksihan.

Paalis na sana ako pero siya naman ang pumigil sa akin.

"May ibibigay rin ako sa iyo. Pag-aari mo ito eh." saka siya may kinuha sa bulsa niya.

Pag-aari ko?

Nang mailabas niya ito ay inangat niya ito at nangningning ang mga mata ko nang makitang isa pala itong kwintas! Isang ginintuang kwintas, na ang nakabitay ay isang krus at singsing.

"Sa akin ito?" naguguluhang tanong ko sa kanya.

Tumango lang siya at pumunta sa likuran ko. Naramdaman ko na lang na hinawi niya ang buhok ko sa isang gilid at may malamig na bagay ang humalik sa leeg ko. Nailagay na niya ang kwintas saka pumunta agad sa harap ko at ngumiti.

Ganoon lang at umalis na siya ng walang paalam.

Ang sunod kong binisita ay isang lugar na pinakamaganda para sa aking mga mata. Isang kagubatan, napakasariwa ng hangin. Para itong may binubulong sa akin. Mga insekto o mga hayop na nag-iingay, at napansin kong ako lang mag-isa. Hindi ko alam paano ako napadpad basta’t alam ko dito ako nababagay. Walang inhibisyon at ako’y kumuha ng maraming litrato.

Naging pamilyar sa akin ang nangyayari, isang misteryong pangyayari na pilit kong inaalala. At ako’y nabigla at walang sabi-sabi’y tumulo ang aking mga luha.

Dahil ang kagubatang ito ang saksi ng aking pagka-ulila, ang lugar kung saan namatay ang aking pamilya.

Nahawakan ko ang aking dibdib dahil sa kirot at nahagip ng aking kamay ang kwintas na suot ko. Nang tiningnan ko ulit iyon, lumaki ang mga mata ko at mas humagulgol.

Dahil totoong pag-aari ko ito.

Ang lalaking naka-usap kanina ay pamilyar... dahil siya ay naging biktima rin nang maaksidente ang aking mga magulang... siya'y aming nasagasaan... siya'y namatay.

At bigla ko ulit napagtanto, bakit nakikita niya ako?

Lahat ng nangyari, nakapagtapos, nakapunta sa magagandang lugar sa mundo… iyon ay pawang kasinungalingan, dahil ang katotohanan…

Ako’y namatay na… at dito pa sa lugar kung saan ako nakaramdam ng saya.

Compilation of One Shot Stories and PoemsWhere stories live. Discover now