Simula

54 5 3
                                    

Nagtataas-baba ang balikat ko habang nakatingin sa tuktok ng simbahang aming dapat pagkakasalan. Habang sinasalubong ng araw ang lupa ay humihigpit ang pagkakahawak ko sa papel. Halos malukot ko ito sa tuwing tumatama ang sinag ng araw sa simbahan. Nagmumukha itong kinakalawang dahil sa kulay kahel na sinag na tumatama rito. Sa likod nito ay ang bulkang may perpektong hugis apa.

Kinagat ko ang ibabang labi ko upang pigilan ang hagulgol subalit bigo akong pigilan ang paglandas ng luha ng kahapon.

Mahirap makihati sa pag-ibig. Subalit may pakikihati na labis kong nais. Iyong pakikihati na alam kong nararadapat. Kung dumating ang araw na muli kaming magkita, handa akong muling makihati sa pag-ibig nya. Palagi kong pipiliin iyon kaysa ano pa man. Iyong pagmamahal na alam kong buo subalit hindi lang sa akin maiaalay. Dahil ang kahati ko sa pag-ibig nya, ay minamahal ko rin.

Nandito na ako. Nasaan ka na, Estanislao?

Umihip ang hangin at biglang umingay ang paligid.

"Nandito ka lang pala."

Gusto kong hukayin ang nakaraan at hagkan sya nang isang boses ang nagpatigil sa akin sa paghinga at pagluha.

Nilingon ko sya nang hindi pinupunasan ang luha. Namilog ang aking mata nang makita ang isang lalaking nakasuot ng itim na polo, may puting hugis kahon sa kanyang kwelyong umaabot sa leeg na pinarisan ng itim na pang-ibaba at sapin sa paa.

"Hinahanap nyo po ako?"

Ngumiti ang ginoo sa akin. Namuo ang laway sa aking lalamunan sa lalim ng kanyang titig. Dumilim ang ekspresyon ng kanyang mukha nang bumaba ang tingin nya sa kamay kong nakakuyom.

Inabot nya ang kamay ko at pilit kinuha ang papel. Pinunit nya iyon sa harap ko na syang nagpatuod sa akin sa kinatatayuan ko.

"Ba-bakit mo ginawa iyon?"

Hindi sya sumagot. Bagkus ay binuksan nyang muli ang palad ko at inilagay ang panibagong nakatuping papel.

"Pinapaalis nyo na po ba ako sa simbahan?"

Umiling sya. "Aalis na ako bukas. Basahin mo na lamang iyan sa makalawa."

Humakbang sya ng dalawang beses palayo habang nakaharap pa rin sa akin.

"Isabel, sa pamamumuhay mo sa nakaraan ay hindi mo napansin na nasa harap mo sa kasalukuyan ang hinahanap mo."

Bumuka ang mga labi ko upang tanungin sya subalit huli na dahil mabilis itong naglakad palayo sa akin.

Isinigaw ko ang pangalan nya subalit walang dulot.

Naglakad sya palayo nang hindi lumilingon sa akin. Isang lalaki ang naalala ko dahilan para lalong malukot ang puso ko gaya ng pagkakalukot ng liham sa kamay ko.

Dumako ang mata ko sa mga letrang nakaukit sa entrada ng lugar.

Welcome to Cagsawa.

Parang kidlat, isang boses ng hinahanap ko ang narinig ko sa aking balintataw.

"Magkita tayo sa Cagsawa, Aking Bella..."

Dalawang daan at anim na taong pangungulila, hanggang ngayon ay hindi ko sya mahanap. Muli kong inikot ang paningin sa lugar.

"Magkita tayo sa Cagsawa, Aking Bella... sa susunod na habangbuhay."

Wala na ang simbahan.

Meet Me in Cagsawa (1814)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon