Panay ang hagikgik at lingon ng mga kababaihan sa plaza dahil sa dalawang ginoo na kasama namin ni Isidra. May ilang bulong pa akong naririnig tungkol sa tindig at ayos ng dalawa. Para bang mga taga-probinsya ang mga tao na may nakitang bagong dating galing Maynila. Parang ngayon lang nakakita ng tao. Sarap pitikin ng mga mata! Tuwing titignan ko sila ng masama ay napapalunok sila at napapayukod na para bang hiyang-hiya sa ginawa nila. Dapat lang naman! Teka nga, bakit ba inis na inis ako sa kanila?
Pinasadahan ko ng tingin ang magkapatid na Santiago. Ngiting ngiti ang panganay na si Franciso habang bitbit ang basket ng pinamili ni Isidra, parang buntot na nakasunod sa aso. Wala manlang pakialam sa paligid pati si Isidra. Si Estanislao naman ay seryoso lang ang mukha habang nagtitingin-tingin sa mga tindahan na nadadaanan namin.
“Ano ang hanap ninyo mga binibini at ginoo?” narinig kong sabi ng matandang nagtitinda ng mga pang-ipit sa buhok at ilang kasuotan.
Ibinaba ni Isidra ang pamaypay na tumatakip sa kalahati ng mukha nya. Mabilis naman na napaiwas ng tingin si Francisco lalo nang magsalita ang dalaga. “Kailangan namin ng kasuotan na katulad nito,” sabay turo kay Francisco.
Para namang nakainom ng alak ang lalaki dahil sa pamumula ng tainga nya. Naiiling na lang ako sa kanya.
“Halina kayo at pumasok. Marami kaming ganiyan sa loob. Pasok, pasok,” sabi nung tindera. Maliit lang ang tindahan nya na mula sa labas ay maraming naka-display na baro’t saya at amerikana, may mga sumbrero rin, pamaypay at payneta.
“Ginoo, para sa iyo,” narinig kong sabi ng matinis na boses ng babae, parang pilit pinaliit, hindi pa man kami nakakapasok. Napalingon ako at nakitang may inaabot itong libro kay Estanislao. Nakasuot ang babae ng pulang baro’t saya na mukhang sinuot talaga nya para mapansin. “Iniregalo ‘yan sa akin ni Ama noong umuwi sya galing Pransya. Naulinigan kong mahilig ka sa pagbabasa kaya naisip kong ibigay iyan sayo.”
Tumaas ang kilay ko nang ngumiti si Estanislao. Ano ‘yan? Kilig? Bakit ngumingiti?
“Salamat, Binibini. Babasahin ko ito sa panahong magkaroon ako ng oras.” Itinaas pa ni Estanislao ang libro at binigyan ng matamis na ngiti ang babae. Hihilahin ko na sana si Estanislao dahil harap-harapan syang nambabae, sa harap ni Isabela (na ako) nang mauna si Isidra sa paghila sa akin papasok ng tindahan ng damit.
“Sa tingin ko ay magkatulad sila ng katawan ng aking kapatid. Payat lamang iyon at may katakangkaran,” sabi ni Isidra sa tindera. Umalis ang tindera para kunin ang sukat na sinabi ni Isidra.
Kunot-noo ko syang tinignan. “May kapatid kang lalaki? Reregaluhan mo ba sya?” sabi ko habang sinusundan syang maglibot pa sa loob ng tindahan. Nahagip naman ng mata ko si Francisco na tumitingin sa mga pangtali sa buhok o payneta kung tawagin ni Constancia. Marami syang ganyan sa bahay nila. Hindi ako sinagot ni Isidra kaya lumapit na lang ako kay Francisco, pinanatili ko ang isang metrong layo dahil pansin kong ganoon ang ginagawa ni Isidra sa kanya.
Nagtingin-tingin din ako doon ng mga pang-ipit sa buhok. May nagustuhan akong payneta doon na may design na tulad ng mga bituin sa langit tuwing gabi. Para kasing kumikinang nang ganoon ang mga maliliit na kristal doon. Kulay ginto ‘yon at manipis ang parang ngipin pero naibaba ko rin 'yon nang maalalang wala akong dalang pera.
“Narito na ang sukat na hiling mo, Binibini,” dumating ang tindera dala ang Amerikana na itim at iniabot iyon kay Isidra. Itinapat sa akin ni Isidra ‘yon na kinakunot ng noo ko. Saka sya humarap ulit sa tindera at sinabing, “bibilhin ko ito. Salamat.”
“At ito naman ang akin,” sabi ni Francisco habang inaabot ang pamaypay na kulay dilaw ang litaw na kulay at may disenyong bulaklak. “Para iyan sa pinakamagandang babae sa aking paningin.”
BINABASA MO ANG
Meet Me in Cagsawa (1814)
Ficción históricaON GOING. Kinailangang manirahan ni Isabel sa Daraga upang takbuhan ang kasalanang nagawa sa Manila. Sa pinakamatandang simbahan ng Daraga sila nanirahan ng kanyang Lola na matagal nang naglilingkod dito. Isang misteryosong pangyayari ang naganap, n...