Minulat ko ang mata ko at sinalubong ko ang mga bituin. Napakurap-kurap ako at sinubukang i-adjust ang paningin.
“Salamat sa Diyos at gising ka na!” Narinig kong tili ng matinis na boses. Paglingon ko, si Lola Alice sa kanyang nag-aalalang mata ay may hawak na rosary na kulay puti sa kamay nya. “Dyos ko po, salamat! Salamat, amang Dyos.”
Kusang tumulo ang mga luha ko. Parang napakabigat ng katawan ko na hindi ko maigalaw. Mainit ang pakiramdam ko pero malamig ang pawis na nilalabas ng katawan ko. Nanginginig ako at tinutuyuan ng lalamunan. Sa panaginip ko ay hinahabol ako ng mga yabag at alingawngaw ng putok ng baril.
Niyakap ako ni Lola, kahit mabigat ang katawan ay pinilit kong yumakap pabalik. Iyak lang ako nang iyak na para bang napakatagal naming hindi nagkita.
Bumukas ang pinto ng kwarto at niluwa nito si Theo na kaswal sa puti nyang t-shirt at itim na slacks. Sumunod sa kanya ay ang nag-aalalang si Fr. Rex na nakaputi ring t-shirt at pantulog sa pang-ibaba. Agad lumapit sa akin si Fr. Rex at dinampi ang likod ng palad nya sa noo ko. Mabilis na binawi ‘yun ni Fr. nang maramdaman ang init.
“Sister Alice, dalhin natin sa hospital ang apo nyo.”
“Pero Father, alam nyo namang—”
“Ako na ho ang bahala, Sister. Huwag na kayong mag-alala,” sabi nya saka tinignan si Theo. “Theo, sabihin mo kay Tyo Pilo na samahan kami ni Sister Alice sa hospital.”
“Opo, Father.” Mabilis na tumugon si Theo.
“Dyos ko, salamat ho Father. Hindi ko talaga alam ang gagawin sa batang ito. Dyos ko po, Dyos ko.”
“Kumalma ho kayo, Sister Alice.”
Panay ang pasalamat ni Lola kay Father. Ipinikit ko ang mata ko at dinama ang katawan. Mabigat at mainit ang pakiramdam ko, para akong hapong-hapo. Sa pag-aalala ni Lola mukhang ilang oras na akong tulog at mataas ang lagnat. Ang huling naaalala ko ay naglinis ako sa itaas ng simbahan. Hindi ko alam kung paano ako nakarating dito sa kama sa ganitong sitwasyon.
Dali-dali akong binuhat ni Theo pasakay ng sasakyan na regalo kay Father Rex ng kanyang kapatid. Dinala nila ako sa pinakamalapit na hospital. Hindi ko na alam ang sunod na nangyari dahil nakatulog na ako.
Pagmulat ko ulit ay tumambad sa akin ang puting kisame at pader.
“Kumusta ang lagay mo, Sabel?”
Nagulat ako na si Father Rex ang nagbabantay sa akin. Imbis sumagot ay nilibot ko ang paningin sa lugar.
Parang nabasa ang nasa isip ko sumagot sya ng, “pinauwi ko muna ang Lola Alice mo bago ka pa nya palitan dyan sa hospital bed. Masyadong nag-alala ang lola mo, Sabel.”
Tipid akong ngumiti kay Father. Kahit nag-aalala ang boses nya ay matalim pa rin sya kung tumingin, parang galit na naman, seryoso ang mukha. Inayos nya ang suot na antepara saka ako inabutan ng mansanas.
“Thank you po, Father.”
Naupo si Father sa gilid ng kama ko saka bumuntong hininga. Diretso lang syang nakatanaw sa binta sa kabilang gilid ko habang kinakausap ako. “Nakita ka ni Theo sa second floor ng simbahan na nakaupo sa gilid. Yakap-yakap mo raw ang tuhod mo n’on. Akala nya nakatulugan mo ang paglilinis pero nagulat daw sya na hindi ka na magising. Nilalagnat ka na n’on kaya dinala ka nya sa kwarto mo.”
Tumingin sya sa akin saka ulit inayos ang antepara nya. Tipid akong ngumiti. “Hindi ko rin po alam ang nangyari, Father. Ang alam ko lang ay nililinis ko ang parte na ‘yon ng simbahan.” Bahagya akong umupo saka nilapit ang mukha kay Father Rex at pabulong na sinabi, “Father, pa-renovate mo nga talaga yung simbahan saka pa-bless na natin baka may mga kaluluwa pa doon na ligaw—”
BINABASA MO ANG
Meet Me in Cagsawa (1814)
Ficción históricaON GOING. Kinailangang manirahan ni Isabel sa Daraga upang takbuhan ang kasalanang nagawa sa Manila. Sa pinakamatandang simbahan ng Daraga sila nanirahan ng kanyang Lola na matagal nang naglilingkod dito. Isang misteryosong pangyayari ang naganap, n...