Kabanata 1

40 5 8
                                    

"Panalangin ng bayan."

Tumingin sa mata ko si Rev. Fr. Rex matapos sabihin iyon. Seryoso ang mukha nya na hindi makikitaan ng emosyon. Nakataas ang noo nya habang pinapasadahan ng tingin ang mga tao. Kagalang-galang sa kanyang magandang tindig ang batang pari. Ngumiti ako sa kanya at inihakbang ang paa papuntang harap, sa gilid nya. Inabot ko ang mic na nandoon sa stand, pinasadahan ng tingin ang mga tao at saka binasa ang panalangin ng bayan. Paminsan-minsan ay tumitingin ako sa mga tao na para bang kinakausap ko sila. Sa bawat tapos ng panalangin ay tumutugon sila ng,

"Panginoon, ipanalangin mo ang iyong bayan."

Bumaba ang tingin ko sa misalette. "Para sa mga yumao nating kapatid, nawa ay matagpuan nila ang kapayapaan sa piling ng Panginoon."

Itinaas kong muli ang tingin sa mga tao.

"Panginoon, ipanalangin mo ang iyong bayan."

Ibinaba ko ang mikropono at pinatay saka patagilid na bumaba at humarap sa altar. Yumukod ako saka nagsalita muli si Father. Napapikit ako nang matantong mali na naman ako! Para hindi mapahiya ay marahan akong naglakad palayo sa altar nang hindi tumatalikod dito. Pagbalik ko sa upuan ko, ang unang upuan malapit sa altar kung saan nauupo ang mga lectors ay agad akong kinurot ni Lola Alice. Napakagat ako ng labi habang nakayuko.

Lagot na naman ako nito! Hindi ko alam kung kanino ako mas dapat na matakot. Kay Lola ba o kay Father na nakatingin sa akin habang sinasabi ang sumunod na panalangin para sa pag-aalay.

Nagpatuloy ang misa na lumulutang ang isip ko. Naiimadyin ko na kung paano na naman ako pagagalitan mamaya. Isang buwan ko nang ginagawa 'to pero lagi pa rin talaga akong namamali. E, ano bang magagawa ko? Hindi naman ako palasimba talaga! Ang hirap kabisaduhin ng pagkakasunod-sunod ng mga kaganapan sa misa!

Natapos ang misa na dinagsa ng mga bata si Fr. Rex para magmano. Iniligpit ko at ng iba pang lectors ang misalette at bibliya na gagamitin ulit sa susunod na misa.

"Mukhang nalito ka na naman kanina, Sabel!"

Siniko ako ni Theo nang magkasabay kaming maglakad papuntang likod ng altar. Bitbit nya ang ilang kagamitan ni Fr. Rex sa misa gaya ng mga kandila, bibliya at ang gown na suot nya kanina.

Umikot lang ang mata ko kay Theo na ikinatawa nya. Sabay naming ibinaba ang mga gamit sa cabinet na pinaglalagyan nito. Paglabas naming doon ay saktong palabas na rin si Father ng simbahan at papuntang multi-purpose hall.

"Sabel, pwede ba kitang makausap?"

Nakangiti naman si Father nang sabihin 'yon pero mabilis na bumalik sa seryoso ang ekpresyon ng mukha nya. Pakiramdam ko tuloy tataningan na ako.

Tumingin ako kay Theo. Tumango lang sya sa akin saka payukong umalis.

"Ano po 'yon, Fr. Rex?"

"Nagkamali ka na naman kanina. Laging mong tatandaan na yuyukod ka sa harap ng altar bago umakyat," panimula nya. Napakagat ako ng labi, pati pala iyon nakalimutan ko kanina! "Sa panalangin ng bayan naman, hihintayin mo munang matapos ang panalangin ng pari bago bumaba. Kapag nagbabasa naman, hindi kailangang palaging tumitingin sa tao. Kung importante lang at dapat bigyang diin saka ka titingin sa kanila na parang kinakausap. Pero tama naman na ang bilis ng pagbabasa mo pati ang tono."

Tumango-tango ako kahit hiyang hiya na. "Opo, Father. Aayusin ko na po 'yon."

"Isang buwan mo nang ginagawa 'yon, di ba? Masasanay ka rin. Naiintindihan kong sa simula ay nakakalito talaga."

Napatitig lang ako n'on kay Father nang sabihin nya 'yon. At napabuntong-hininga dahil para akong nabunutan ng tinik. Sabay kaming naglakad papuntang multi-purpose hall nang tahimik. Sobrang awkward!

Meet Me in Cagsawa (1814)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon