=CERES ARMELLINI=
Italia, 1900
Kabilugan ng buwan, dilaw na dilaw iyon sa kalangitan at kay liwanag ng tanglaw.
At sa kabila ng pagsasalimbuyo sa aking kaibuturan ay hindi ko maiwasang titigan ang kagandahan at kapayapaan ng kalikasang kabaliktaran naman ng aking kasalukuyang nararamdaman.
Umakma akong inaabot ang buwan. Tila kay lapit niyon, tila abot-kamay lang.
"Magsipaghanda na kayo!"
Kagyat akong napatingin sa bigla na lang sumigaw habang panay ang pagkalampag sa bawat rehas na bakal na madaanan, hudyat na iyon na magsisimula na ang labanan hanggang sa kamatayan. Mas tumindi ang kabang nararamdaman ko, hindi ko na halos magawang kumilos mula sa aking kinatatayuan sa loob ng piitan. Kasali ako sa mga lalaban, kasali ako sa mga magbubuwis ng buhay para sa kasiyahan ng Maiores Letum mayamaya lang.
Pagalit kong kinagat ang ibabang labi ko hanggang sa malasahan ko ang dugo mula roon, hindi naman talaga ako dapat na naririto sa kinaroroonan ko ngayon. Dati ay isa lang akong ordinaryo at pangkaniwang tao ngunit ngayon ay mula na sa mundong kasuklam-suklam at nakakubli sa pangkaraniwan. Dito sa mundong kinabibilangan ko ngayon ay dalawang uri lang ang maaaring kahantungan ng isang Lamia.
Ang Maiores Letum at Servus.
Ang mga Maiores Letum ay may tatlong kategorya. Una ang nag-iisang pinuno na siyang nagtataglay ng gintong mga mata, siya ang pinakamalakas sa lahat. Ikalawa ang sampung miyembro ng Congrego, sila naman ang nagtataglay ng lilac na mga mata, sumunod sa pinakapinuno ang lakas na taglay nila, sila ang tagapagpatupad ng mga mahahalagang utos ng pinuno, sila rin ang tagaprotekta rito. Ang ikatlo ay ang mga pangkaraniwan, nagtataglay sila ng mga pulang mga mata, malalakas din kumpara sa mga Servus at mga tao. Ang mga Maiores Letum ang bumubuo sa mundo ng mga Lamia. Sila ang kataas-taasan. Sila ang pinakamakapangyarihan, mga nagmula sa pinakamayayamang angkan sa buong mundo. At higit sa lahat sila lang ang may karapatang maging imortal.
Ang mga Servus, sila naman ang mga mababang uri ng mga Lamia. Kalahating tao, kalahating Lamia. Aga dugo nila ang nagsisilbing pagkain ng Maiores Letum, wala rin silang kapangyarihan, at ang pagiging imortal nila ay naaayon lang sa panahong itinakda ng pamunuan.
Nakakalungkot isiping ako si Ceres Armellini, isang ordinaryong mamamayan ng Italia ay nabiktima ng isang Maiores Letum at ngayon ay kabilang na sa mga mababang uring Servus na nakatakdang mamatay.
Limampung taon na ang nakalilipas mula ng maging isa akong Servus. Kalimitang limampung taon lang din ang itinatagal ng isang gaya ko sa mundo. Ayon sa mga kuro-kurong naririnig ko mula sa aking mga kasamahan ay nagsisimula na raw kasing magkaroon ng pambihirang lakas ang isang Servus kapag lumagpas na sa limampung taon ang pagiging Lamia nito. Ang kalahating Lamia na nananalaytay sa katauhan ng isang Servus ay kinakain na ang dugo ng pagiging kalahating tao, kasunod niyon ay ang pagiging imortal na sa wakas. At kapag nangyari iyon ay wala ng pakinabang ang isang Servus sa mga Maiores Letum, wala na kasing natitirang dumadaloy na dugong tao sa kanilang mga ugat, iyon na rin ang magiging hudyat ng kanilang kamatayan sa kadahilanang ang pagiging imortal ng mga Servus ay bagay na kinatatakutan ng mataas na pamunuan ng pinuno at Congrego, para sa mga Maiores Letum ay hindi na sila dapat na madagdagan pa, ang bilang nila sa buong mundo ay sapat na. Hindi raw maaaring maging kasing dami ng Lamia ang mga pangkaraniwang tao sa mundo dahil ang pagkaubos ng mga tao ay pagkaubos rin ng dugong bumubuhay sa kanila...
BINABASA MO ANG
Innamorata
Paranormal"In my entire life I only have one goal, it's to avenge everything I've suffered and lost. And then you came, you gave me light from then on. Suddenly nothing else mattered to me, cos I've got you." -Ceres-