*Prologue*

284 13 13
                                    

"Pagkatapos natin silang pagsilbihan ng limampung taon, sa ganito lang tayo babagsak..."

Napatingin si Ceres sa kasamahan sa piitan na si Guilliana ngunit hindi niya nagawang tumugon sa sinabi nito, bilang isang servus ay alam niya namang sa simula pa lang ay sa kamatayan din mauuwi ang buhay nila sa mundong ibabaw.

"Kahit manalo ang isa sa atin sa labanan ay wala rin namang halaga pa, papatayin din tayo ng maiores sa bandang huli," pahayag naman ni Simona, "ngunit ayoko pang mamatay!"

Nabaghan siya sa dalawang kasamahang pareho nang umiiyak, tiim-bagang na lang na itinutok niya ang paningin sa labas ng rehas habang napapailing, wala talaga silang kawala sa kasamaan nang mataas na pamunuan. Ano pang silbi na lalabanan nila ang isang laban? Ibubuwis ang buhay para lang makaligtas ngunit sa bandang huli ay sa kamatayan lang din naman babagsak ang sino mang mananalo? Nasaan ang kaligtasan doon?

"Bakit hindi ka umiiyak, Ceres?" Tanong ni Giulliana, ang hilam sa luhang mga mata ay nakatuon sa direksiyon niya. "Ang gabing ito na ang huling gabi ng ating paghinga."

"Bakit ko uubusin ang lakas ko sa pag-iyak? Mas na pinag-iisipan ko ngayon kung paano akong tatakas sa kulungang ito, gaya n'yo ay gusto ko pang mabuhay para magantihan ko ang mataas na pamunuan."

"Nahihibang ka na ba?" Palatak ni Simona. "Wala pang nakakatakas na servus dito sa forte."

"Alam ko, kaya nga malamang na baunin ko na lang hanggang sa kamatayan ang paghihiganti ko." Walang kasing dilim ang mukha na sagot niya, totoo naman ang sinabi ni Simona.

Ang kastilyong kinasasadlakan nilang mga servus na nagsisilbi sa pamunuan ng panginoon at congrego ay nagngangalang Forte di Visconti, nakatayo iyon sa mismong itaas ng bundok sa Val Riglio, isang probinsiya sa Piacenza, Italia. Napapalibutan ng matataas na pader ang malawak na nasasakupan niyon, animo isang grandiyosong kulungan ang kastilyo na pag-aari ng panginoon ng mga Maiores Letum, si Salvatore Visconti. Tiyak na sa ilang libong taon na nitong pamumuhay sa mundo, ang kayamanang taglay nito ay hindi maikukumpara sa kayamanan ng lahat ng mga pinakamayayamang maharlikang tao. Ang forte sa Val Riglio ay isa lang sa mga kastilyong pag-aari nito.

Ni sulyap ay hindi pa nakita ni Ceres si Salvatore, ayon sa ibang servus na nakausap niya ay hindi raw talaga nagpapakita sa kahit sino ang panginoon, ang mga miyembro ng congrego lang daw ang hinaharap nito. Ayon pa sa napag-alaman niya ay numero unong si Salvatore rin daw ang mahilig sa labanan hanggang kamatayan, na iyon mismo ang paborito nitong pampalipas oras.

Ang labanan hanggang kamatayan tuwing ika-limampung taon matapos ang paninilbihan ng mga servus ay isang kasiyahang dinadaluhan ng mga Maiores Letum mula sa iba't ibang panig ng mundo. Importante sa kanila ang araw na iyon dahil na rin sa pagsasalo.

"Kung sakaling makakapaghiganti ako, hindi mawawala sa listahan ko si Salvatore." Wala sa loob na nasabi ni Ceres nang malakas ang nasasaisip lang dahilan para ang dalawang kasamahan ay mapasinghap at mapatitig na lang sa kanya sa namamanghang paraan.

"Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Ceres?" Ani Guilliana na unang nakabawi sa pagkabigla, ang ngiting gumihit sa mga labi nito ay sarkastiko. "Hindi mo magagawang makalapit man lang sa panginoon, maliban sa sampung pinakamalalakas na kasapi ng congrego ay nariyan pa ang mga bantay nila."

Napabuntong-hininga si Ceres, kung iisipin ay napaka-imposible naman talagang mangyari ng mga balakin niya. Ano ba kasing paghihiganti ang kanyang iniisip kung sa gabing iyon ay mamatay na siya?

"Nandiyan na ang mga bantay!" Bulalas ni Simona, gayon na lang ang panlalaki ng mga mata nito sa takot at pangamba.

Si Ceres man ay tila itinulos na lang sa kinatatayuan, ang paulit-ulit na pagsigaw niya ng "mamamatay na ako" sa isipan ay nakabibingi.

Innamorata Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon