Tapos na akong magsulat nang bumalik siya. May dala siyang apat na tubig na malalaki.
"Ngayon naman ang OA mo bumili." Natatawa ako nang abutin ang tubig pero binato niya ako ng tissue.
"Siguraduhin mong maayos sulat kamay mo at naiintindihan ko. Mamaya nagkalat din 'yong ink ah? Feeling ko puro patak ng luha eh." Tinago niya 'yong notebook sa bag niya. Hindi niya sinilip.
"OA mo! Maayos 'to. Duuuh." Pagtataray ko bago suminga.
"Hatid kita?" Nakatingin siya sa akin. Ang laki ng eye bags niya.
"Sa sakayan na lang ng bus. Gusto kong bumiyahe mag-isa pauwi."
Tumango siya bago pinaandar ang kotse patungo sa sakayan ng bus.
Halos maliwanag na. May iilang kotse na rin. Tahimik lang kami buong biyahe papunta sa sakayan. Nang makarating kami, hindi muna kami kumilos.
Pero baka ma-attach na ako bigla kaya nagtanggal na ako ng seatbelt at bumaba ng kotse. Bumaba rin siya.
Hindi kami kumilos. Nasa magkabilaang gilid kami ng kotse. Nakatitig sa isa't isa.
Hanggang sa ngumiti siya, inilahad ang mga braso niya. "P'wedeng payakap?"
Nakangiti akong lumapit at yumakap nang mahigpit.
"Salamat." Bulong ko. "Paghilom."
Naramdaman kong tumango siya. "Maghihilom rin tayo."
Nang bumitaw kami sa yakap, nakangiti kami sa isa't isa.
Sobrang gaan sa dibdib.
"Ingat ka palagi." Tinapik niya ang ulo ko.
"Malaya." Sambit ko.
"Yes, malaya tayo kung palalayain natin ang sarili natin." Pagsang-ayon niya pero kumunot ang noo nang umiling ako.
"Pangalan ko. Malaya ang pangalan ko." Nakangiti kong sabi. "Ang ironic 'no? Malaya ang pangalan ko pero hindi ko mapalaya ang sarili ko sa mga sugat ng kahapon."
"In time." Ngumiti lang siya.
Tumango ako at tumalikod, nagsimulang maglakad. Pero nilingon ulit siya bago ako makalayo nang tuluyan, nandoon pa rin naman siya. Nakatingin.
"May iniwan akong tula. Feel free kung gusto mong gamitin sa project niyo. P'wede rin gawing kanta kung bet mo."
"Salamat. I will give the credits to you as Lay."
Ngumiti ako at kumaway bago tumalikod at nagtungo sa bus.
Dear Abra o Abraham o kung saan ka masaya sige go,
Ayokong pahabain pa 'tong kuwento ko. Bilisan ko na lang para hindi gano'n kasakit.
Galit ako sa mga magulang ko.
Sobra.
Tinaga ko na nga yata sa bato.
Lumaki akong walang magulang. Hindi literal, nandiyan sila pero hindi dama. Si tatay lasinggero. Si nanay, may galit yata sa amin, madalas ding wala. Minsan makikita silang dalawa sa sugalan. Wala kaming maayos na haligi at ilaw ng tahanan. Lumaki kaming walang gabay at nagpro-protekta sa amin.
Lima kaming magkakapatid. Pangalawa ako sa panganay, may tatlong nakababatang kapatid na lalaki. Si ate, maaga kaming iniwan para pumunta rito sa Maynila. Ayaw niya lang sabihin pero gusto niya lang ding tumakas sa mga magulang namin. Naiwan akong inako ang responsibilidad niya maging panganay sa bahay.