Tumigil ako sa pagsunod sa kaniya nang makitang pumasok siya sa mamahaling coffee shop. Wala akong pera. Libre kaya niya?
Pero teka. Hindi ako p'wedeng magpauto. Baka scammer talaga siya. Uso pa naman 'yon ngayon. O kaya 'yong modus na may g'wapong lalapit sa'yo tapos ki-kidnap-in ka. Rapist o ibebenta lamang loob ko. Hindi pa ako p'wedeng mamatay, walang hiya na 'yan!
Binuksan ko ang bag ko at naghanap ng magagamit kung sakaling kidnap-in niya nga ako. May nakita akong nail cutter at ballpen. Nilagay ko sa bulsa ko pareho. Okay na siguro 'to panaksak. Putek para naman akong murderer nito na nagpaplano pero self defense naman ang gagawin ko kung sakali.
Bahala na nga! Lecheng buhay 'to.
Sumilip ako sa loob para hanapin siya. Nakaupo na siya sa isang sulok. Halatang hinihintay ako dahil nagtama ang paningin namin nang sumilip ako. Itinaas niya ang cellphone ko. Tila sinasabi na choice ko kung gusto ko pang makuha ang phone ko o iwan na lang siya. Pero dahil wala akong pera pambili ng bago, isusugal ko na lang ang buhay ko kung sakaling modus nga ito.
"Anak ng tupa talaga." Bulong ko bago pumasok at dumeretso sa puwesto niya. Napangiti siya nang maupo ako sa harap niya. Ganito ba ang itsura ng isang member ng budol-budol? Clean cut. Maputi. Mukhang mabango. Mukhang mamahalin ang damit pati sapatos. Mukha ring mamahalin 'yong bag. Mukhang mayaman pero baka modus nga 'to?
Tinaasan ko siya ng isang kilay. Niyakap ko ang bag ko. Feeling matapang lang ako pero nakakatakot pa rin dahil mas malaki siya sa akin. Iniisip ko na tuloy kung saan siya dapat patamaan. Alam ko okay raw sa mata at leeg. Okay na kaya 'yon para hindi niya ako ma-kidnap?
"Are you scared?" Kunot ang noo nitong nagtanong, sinusuri ang mukha ko.
"Gago." Wala sa sarili kong sagot. Alam ko sa isip lang dapat eh. Pero ang gago kasi talaga. Malamang natatakot ako! Hindi ko naman siya kilala tapos biglang ganito?
Tumawa lang siya. Lalo ko siyang pinaningkitan ng mga mata. Ano bang mayroon sa kaniya? Parang ang gulo ng ugali niya. Kanina mukha siyang mahiyaing bata. Tapos biglang naging walang hiya. Ngayon naman parang feeling close na akala mo 10 years na kaming magkakilala, ni wala pa nga yatang 1 hour.
"Order muna tayo." HIndi nito pinansin ang matapang kong tingin sa kaniya. Tumitingin na siya sa menu na nakapatong sa lamesa. Walang hiya. Napansin na nga niyang kinakabahan ako tapos hindi man lang ako bibigyan ng assurance na hindi siya modus.
Nawawalan na ako ng pasensya. Pinaglalaruan niya ba ako?
"Ano ba talagang kailangan mo?" Matapang kong tanong.
Ngunit hindi niya ako pinansin. Tumayo siya at pumunta sa counter. Napakabastos namang kausap. Padabog kong ipinatong ang kupas kong bag sa lamesa at isinubsob ang mukha rito. Nakakagigil! Hindi ko alam kung gaano katagal akong naghintay. Pakiramdam ko makakatulog na ako. Nakakapagod na talaga lately.
"Parang ang laki ng galit mo sa mundo. Interesting." Napapitlag ako nang marinig ang boses niya. Inis akong umayos ng upo at nagpukol ng masamang tingin sa kaniya. Umupo na rin siya sa harap ko at naglapag ng dalawang kape.
"Bastos ka talaga 'no? Interesado ka pa talaga sa mundo ng ibang tao. Wala kang sariling mundo?" Napairap ako. " Siguro ang payapa ng buhay mo kaya interesting sa'yo ang paghihirap ng iba. Maiinggit na ba ako?"
Kinuha ko ang kape na nakatapat sa akin pero tinitigan ko muna bago tumingin sa kaniya. "May lason ba 'to?"
Napangisi siya. Mukhang naa-amuse. "Mukha ba talaga akong mamamatay tao sa'yo? Hindi ka nga nalason sa piattos at coke kanina eh."
"Malamang paano mo lalagyan ng lason 'yon eh may sariling packaging." Pagtataray ko. Kung mamamatay ako ngayon, mamatay nang lumalaban.
"Walang lason 'yan. Kapag namatay ka, may CCTV dito sa shop. Kaya nilang malaman kung sino ang huli mong kasama."
Pinagkibit-balikat ko na lang ang sinabi niya at sumimsim sa kape. May point naman siya pero handa pa rin akong saksakin siya sa oras na may ginawa siya sa akin.
"So ano ngang kailangan mo sa akin?" Inilapag ko ang kape bago tumingin ulit sa kaniya. Nakatitig lang siya sa kape niya. Anong problema nito? "'Yong cellphone ko akin na. Bulok na nga 'yan aagawin mo pa."
Doon lang siya napatingin sa akin at natawa saglit bago ilabas ang phone ko. Kukuhanin ko na sana kaso nilayo niya ulit.
"Ano bang problema mo?" Inis kong tanong. Nakaka-frustrate hulaan kung anong gusto niyang mangyari.
"I have a favor to ask." Seryosong sambit niya. "I'm a scriptwriter. I need an inspiration para sa project naming movie. Mukhang malaki ang galit mo sa mundo at sakto sa tema namin."
Tumaas ang isang kilay ko.
"Judgmental ka 'no? Bakit hindi ka sumali sa bawal judgmental? Babalakin mo pang gawing istorya 'yong paghihirap ko sa buhay. Humanap ka ng iba!" Padabog akong sumandal sa upuan. Nag-iinit ang ulo ko sa isang 'to. Pakialamero ng buhay.
"Then I guess I have to make an offer?" Nag-aalangan nitong tanong. "I can give you a work. Mataas na sahod with right benefits."
"Anak ng?! Binibili mo ba 'yong istorya ko? Saka judgmental ka talaga! Mukha ba akong walang trabaho?! Saka mukha ba talagang malaki ang galit ko sa mundo? Sige, sabihin nating totoo. Anong pake mo ro'n? Masosolusyunan mo ba? Mabibigyan mo ba ako ng mga kasagutan?" Hingal na hingal ako pagkatapos kong magsalita.
Napayuko siya at napasabunot sa buhok. Mukhang frustrated na siya sa akin. Well, dapat lang. Nakakainis din naman siya kanina pa. Hindi p'wedeng ako lang 'yong puputok ang ugat sa inis.
Mayamaya pa'y tumitig siya sa akin. "P'wede bang kumalma ka muna?"
Napatingin ako sa mga mata niya. Parang. . . mag-isa. Madilim. Malungkot.
Parang mga mata ko.
09092020 1:36PM
