Tumigil kami sa isang convenience store.
"Gusto mo ba ng alak?" Seryosong tanong niya habang nagtatanggal ng seatbelt.
"Hindi ako umiinom. Tubig na lang or pineapple juice."
Tumango siya bago bumaba ng kotse. Pinagmasdan ko lang siyang maglakad papasok sa store. May problema talaga siya eh. Parang naghahanap lang ng mapagsasabihan. Kung hindi niya binanggit 'yong project nila, iisipin kong may malaki siyang problema at gusto lang niya ng makakausap.
Isinandal ko ang ulo ko sa bintana. Pinagmasdan ang paligid sa labas. Sa hindi maipaliawag na dahilan, ang payapa at kumportable ng madaling araw na 'to. Parang walang makakasakit sa akin. Parang may nakakarinig sa mga hinaing ko sa buhay. Parang may karamay ako.
Nakita kong lumabas siya sa store na may dalang isang paper bag. Seryoso pa rin siya. Pagpasok niya sa kotse, inabot niya sa akin 'yong paper bag bago siya mag-seatbelt. Sinilip ko 'yong paper bag. May chocolates, tinapay, dalawang in can na kape, dalawang tubig, at isang pineapple juice. Tumingin ako sa kaniya.
"Akala ko gusto mong uminom?"
Umiling siya. "Magdri-drive pa nga pala ako mamaya." Pinaandar na niya ang kotse. "Park muna tayo kung saan p'wede."
Dinukot ko ang isang tubig sa paper bag. "Inumin ko na ah? Kanina pa ako uhaw."
Halos maubos ko 'yong laman ng bote. "Sa'yo na lang 'yong isa kung kulang pa sa'yo 'yan." Sabi niya habang nagtra-try na mag-park. Hindi ko alam kung nasaang lugar kami. Hindi ako maalam sa lugar kapag gabi o madilim. Madalas akong maligaw.
Nang makapag-park siya, nagtanggal siya ng seatbelt. Ginaya ko siya.
Pumalakpak ako nang dalawa bago tumuro sa kaniya. "It's your time to shine!"
Naiiling siyang napangiti.
"Curious na ako sa love life mo! 'Wag pa-suspense ah?" Dumukot ako ng chocolate na mamahalin ang brand. "Saka pahingi na rin agad ako nito." Tumango lang naman siya.
Hinihintay ko lang siyang magsalita kung kailan siya kumportable. Kumakain lang ako ng chocolate habang nagmumuni-muni rin. Napatingin ulit ako sa brand ng chocolate. Tatandaan ko dahil baka magustuhan din ng mga kapatid ko. Dadalhan ko sila nito kapag may sahod na ulit ako. Gusto ko makakain sila ng masasarap na pagkain habang lumalaki. Lalo na 'yong mga masasarap na pagkaing natitikman ko rito sa Maynila.
"Siya dapat 'yong kasama ko kanina eh." Nagsalita siya matapos ng napakahabang pananahimik. "Kaso biglang nag-back out. May ibang sinamahan."
"Girlfriend mo?"
"Hindi." Mapait siyang tumawa. Broken hearted yata siya eh. It's a tie pala.
"Ano lang? M.U?" Pang-uusisa ko bago nagsubo ng chocolate.
"I don't know. We don't really talk about our label that much." Inilahad niya ang kamay niya. "Paabot ng kape."
Inabot ko naman. "Pero gusto mo siya?" Hinintay ko ang sagot niya habang binubuksan niya 'yong in can na kape.
"Gustong-gusto." Pag-amin niya bago tunggain 'yong kape. "I can feel that we really like each other but. . . life sucks."
"Life mocks." Itinaas ko ang bote ng tubig bago uminom. "She likes you, tiwala lang. Baka hindi pa oras."
Nakatingin lang siya sa harap. "She. . ." Malungkot siyang ngumisi.
Kumain ulit ako ng chocolate. Nangunot naman ang noo ko nang tumitig ako sa kaniya, sinusubukan siyang basahin dahil parang may kakaiba sa mga mata niya. "Bakit? Hindi ba she-" Napanganga ako. Nanlaki ang mga mata. "Shet." Napatakip ako ng bibig. "Sheeet."