"Okay. Let's start." May sinulat siya sa notebook niya. Ang seryoso na rin ng aura niya. Mukhang kailangan talaga niya ng impormasyon para sa gagawin nilang movie. Parang ang bigat ng dahilan kung bakit parang iiyak na siya kanina sa frustrations nang nagbabalak akong umayaw.
"Desperado." Bulong ko bago makiusisa sa sinusulat niya. Hindi ko rin naman maintindihan dahil sulat doktor. "Ang pangit ng sulat kamay mo."
"Anong sinabi mo?" Nakakunot ang noo niya. Napatigil sa pagsusulat.
"Ang pangit ng sulat kamay mo." Bumalik ako sa pagkakasandal sa upuan.
Umiling siya. "'Yong una." Mariing magkalapat ang mga labi niya. Naiinis ba siya?
"Ah, desperado?" Inosenteng tanong ko. Narinig pala niya.
"Paano mo nasabi?" Mapanghamon na tanong niya. Nainis nga siya.
"Hindi ba?" Tinapatan ko rin ang intensity ng tingin niya. In fairness naman ang g'wapo niya kapag sobrang seryoso.
Ilang sandali kaming nagkatitigan bago siya sumuko sa titigan contest namin, ibinalik ang tuon sa sinusulat niya. Napasimsim naman ako sa kape. Awkward.
"Unang tanong," nang sabihin niya 'yon, ipinatong ko ang mga braso sa lamesa at ipinatong ang ulo ko. "Sino ka?"
Nangunot ang noo ko. Anong klaseng tanong 'yon? "Be specific. Masyadong malawak kapag tinanong mo kung sino ako." Baka malito siya sa kwento ko kapag gano'ng tanong agad.
Tumango naman siya bilang pagsang-ayon. "Edi literal na sino ka? Anong pangalan mo?"
Natawa naman ako. "Ayaw kong sabihin." Pero pinukpok niya ako ng ballpen sa noo. "Amputek! Problema mo? Masakit 'yon ah." Napakapa ako sa noo ko.
"Seryoso kasi."
"Seryoso naman ako ah? Hindi ko sasabihin. 'Wag na lang nating alamin ang pangalan ng isa't isa. Strangers na lang, gano'n." Inayos ko ang pagkakapatong ng baba ko sa mga braso ko.
"Strangers pero alam 'yong buong buhay ng isa't isa?" Takang tanong niya.
"Ayaw mo no'n? May thrill."
Nagkibit-balikat siya. "Kahit code name lang. Kaysa naman tawagin kitang 'babaeng pasmado ang bunganga'?"
Inirapan ko siya bago damputin ang tinidor ko at itutok sa kaniya. "Inaano ka ba? Parang papatayin ka naman ng bunganga ko. Pero okay lang. Tawagin kitang scammer o modus o budol-budol." Saka ako kumuwit sa cake ko na kaunti pa lang ang bawas. Ninanamnam ko kasi. "Sarap ng cake nila rito." Ibinalik ko ang tinidor sa platito ng cake habang ngumunguya. Nakatunghay sa kaniya.
"Ano ngang itatawag ko sa'yo?" Nakaabang pala siya kanina pa. Mukhang nainis din siya sa sinabi ko pero hindi na lang pinansin.
"Lay. L.A.Y." Paglilinaw ko. "Anong itatawag ko sa'yo?"
"Ohh. Tunog sablay." Isinulat niya 'yon sa notebook niya.
"Alam ko namang lagi akong sablay. 'Wag mo nang idikdik. Bastos ka rin eh."
Tumawa lang siya.
"Abra." Sambit niya.
"Abra?"
"Abra na lang itawag mo sa'kin."
"Parang abra kadabra?"
Kunot ang noong tumingin siya sa akin. "Avada kedavra kasi 'yon." Pagtatama niya. Ang perfectionist naman. Hindi uso joke?
"Sige abra maestra na lang." Pang-iinis ko sa kaniya. Tumingala naman siya at parang nag-unat ng leeg. Inayos niya 'yong suot niyang jacket na may hood bago iniuntog ang ulo sa notebook niya.
Bahagya naman akong natawa. "Ginagawa mo?"
"May nakapagsabi na ba sa'yong nakakaurat kang kausap?" Namumula siya sa inis pero inosente lang akong tumango at nakatingin sa kaniya. "Nakakataas ka ng dugo." Sabi niya bago siya yumuko.
Malalim ang pinakawalan niyang hininga bago tumingin ulit sa akin. Nakatingin lang naman ako sa kaniya kanina pa habang pinapakalma niya ang sarili niya. Binabasa siya.
"Please? Kahit hanggang 5am or 4am lang, matinong usapan naman oh. Pagbuksan mo naman ako ng pinto riyan sa buhay na tinatago mo sa lahat." Pagmamakaawa niya. Desperado na nga talaga siya. Parang iiyak na siya eh. Akala mo kung sinong matapang, softie naman inside. Aysus!
"Basta ba pagbubuksan mo rin ako ng pinto mo?" Umayos ako ng upo at sumilip sa phone ko. 12:36 am na pala. Halos may apat na oras pa naman. Kasya na siguro 'yon. Pagbalik ng tingin ko sa kaniya, paulit-ulit siyang tumango. "Para kang display figure sa taxi." Ginaya ko ang pagtango-tango niya. Sinimangutan niya ako.
Sarap asarin eh. Pikon.
"Ako na nga ang magpla-plano!" Kinuha ko ang notebook niya. "Sabay tayong magkukwento pero by category. Pangarap, love life, friends, family. Gano'n pagkakasunod-sunod. Writer ka pero parang hindi ka marunong mag outline ng bagay-bagay." Inilista ko 'yong mga sinabi ko. Baka madala kami sa emosyon mamaya, makalimutan namin sa sobrang drama.
"Judgmental ka rin sa mga writer." Pagbibintang niya. Napangisi lang ako.
"Ikaw maunang mag-share." Ibinalik ko sa kaniya 'yong notebook at ballpen saka sumimsim sa kape ko.
"Ikaw dapat. Dinadamay mo lang naman ako eh."
Dinampot ko ulit ang tinidor at idinuro sa kaniya. "Hoy, Abra, ikaw ang nanghihingi ng favor dito. Kung ayaw mo, edi bato pick na lang." Ibinaba ko ang tinidor at ipinuwesto ang nakakuyom kong kamao sa harap niya. "Dali na. Sayang oras."
Kahit labag sa loob niya, nakipagbato pick pa rin siya. Pero malas yata talaga ako dahil ako ang talo. Palagi na lang talo. Para namang kasalanan kong manalo sa buhay na 'to.
"Daya talaga ng buhay." Naiilang kong sabi na hindi niya pinapansin dahil nag-aabang na agad siya ng kuwento ko.
"So anong pangarap mo, Lay?" Excited na tanong niya.
"Marami mga 30." Seryosong sagot ko.
"Seryos kasi. Nangloloko ka na naman eh." Napakamot na naman siya sa ulo.
"Seryoso 'yon. Lahat ng lalabas sa bunganga ko ngayon, malalaman mong seryoso hangga't wala akong sinasabi na joke lang. Maliwanag?"
"Parang joke time ka kasi palagi eh."
"Ayan ang hirap sa inyong mga nilalang eh. Porque mahilig magbiro, akala niyo joke time na lang palagi. Na hindi na namin kayang magseryoso. Hindi niyo ba naisip na baka defense mechanism lang namin 'yon?" Kapag madaling araw talaga, napapahugot ka na lang bigla.
"Sorry." Nakayuko niyang sabi.
"Anong sorry? Ilibre mo ako. Joke!" Natatawa ko siyang tiningnan pero hindi siya natawa. Mukhang guilty pa rin siya. "Wala kang kasalanan. Sadyang hindi niyo lang din ini-expect kasi nasanay kayo sa mga biro. Hindi rin naman namin kasalanan kung hindi namin kayang mag-explain o mag-open up, may mga bagay lang talaga na mahirap ipaliwanag. 'Wag ka nang ma-guilty."
Tumango siya pero hindi pa rin ako kumbinsido na hindi na siya apektado kasi bakas pa rin sa mukha niya na guilty pa rin siya. "Then why defense mechanism?" Inosenteng tanong niya.
"Mamaya na tayo dadako riyan." Sumimsim ako sa kape ko. "Malapit na maging bangkay 'tong kape ko ah?"
"Bangkay?" Nanlaki ang mga mata niya.
"Lumamig. Malamig na ang bangkay 'di ba?"
"Ang morbid naman ng term mo."
Pareho lang kaming natawa. Mukhang gumagaan na ang pakiramdam namin sa isa't isa. Inihahanda na ang sariling buksan ang pinto sa buhay namin na hindi napapasok ng ibang tao.
09092020
