Pahina 6

21 3 4
                                    

"Seryoso nga?" Natatawa niyang tanong habang isinusulat sa notebook niya 'yong sinabi ko.

Inabot ko siya para mahina siyang kotongan. "Nagsabi ba ako ng joke? Seryoso kasi 'yon!"

"Oo na, oo na. Laugh trip pa rin! Buti hindi ka pinalayas?"

"Si ate lang naman nakakita. Buti nga napatay agad niya 'yong apoy. Kasi kung hindi man ako mapalayas, lahat kami mawawalan ng tirahan."

Nakakatawa pa rin talagang maalala. Pinangarap ko kasing maging bombero dati. Hindi ako natatawa sa trabaho dahil marangal naman 'to. Nakakatawa lang talaga 'yong dahilan. Biruin mo na muntik ko na masunog 'yong bahay dahil gusto ko lang naman magluto no'n. Buti napatay ng ate ko 'yong apoy bago kumalat. Tapos sa sobrang gulat at guilty ko, out of nowhere habang naglilinis si ate ng ginawa kong kalat, napasabi ako ng, "gusto ko na lang maging bombero para pagbayaran 'yong kasalanan ko, ate. I-enroll mo ako sa bombero, sige na." Tapos mangiyak-ngiyak akong nagmakaawa kay ate. Pati ate ko tawang-tawa noon.

Saglit kaming natahimik pagkatapos tumawa. Naghihintay lang siya ng sasabihin ko. Ganito kami nang magsimula kanina. Wala masyadong side comments dahil mauubusan kami ng oras. At hindi naman namin kailangan ng advice mula sa isa't isa. O ako lang ang may gusto na 'wag magbigay ng advice dahil hindi ko naman kailangan. Tagal ko nang nabuhay sa mundo. Wala naman akong napala sa mga advice nila.

"Pero pangarap ko talaga maging chef. Pinakapangarap." Mahina kong sabi. Kapag naaalala ko ang dahilan kung bakit, nadudurog ako. Parang lumalabas isa-isa sa baul lahat ng itinago kong rason para manghina. Kahit si Arj, hindi narinig 'to. Masuwerte talaga si Abra at ako ang natadhanang magbahagi ng kuwento sa kaniya. Ako yata 'yong minalas dahil hindi ko alam kung ano makukuha ko pabalik. Bubuti ba ang pakiramdam ko pagkatapos nito? Mailalabas ko ba lahat ng bigat?

Buntong hininga.

"Pinangarap ko maging chef kasi gusto ko magluto ng masasarap na putahe para sa pamilya ko." Mapait akong napangiti habang nakatuon ang tingin sa cake. Tahmik lang siya sa harap ko. Nakikinig. "Kasi palaging hindi masarap ang ulam namin dati or worst, wala kaming makain. Mas mahirap pa yata kami sa daga eh. Kaya sabi ko sa sarili ko, magche-chef ako para masarap ang mga ulam namin someday. At ngayon 'yong someday na 'yon. Nagtatrabaho na sa restaurant pero hindi isang chef. Ako 'yong naglilinis at hindi nagluluto. Sad reality. Alam kong hindi na mangyayari 'yong pangarap ko." Napailing ako at malungkot na tumawa. Hindi naman sana mangyayari 'yon kung hindi lang sila pabaya. "Haaay. Ikaw naman!"

Malungkot siyang nakatingin sa akin. Parang naaawa. Dinuro ko ulit siya ng tinidor. "Hindi ko kailangan ng awa mo. Ikaw naman ang mag-kwento!" Kumuwit ako sa cake at kumain. Kailangan ko ng energy dahil ayaw ko masyadong magdrama. Mas okay talaga na mag-joke na lang palagi.

"Gusto kitang ilibre. Ano pang gusto mo?" Halos mabulunan ako sa tanong niya.

"Baliw!" Humagalpak ako ng tawa kahit nakakahiya sa ilang tao rito. Tawang-tawa lang ako sa kaniya. Para siyang inosenteng bata eh. "Sabing 'wag kang maawa. Hindi ko nga kailangan." Nagising ang diwa ko sa kaniya. Hindi ko in-expect na sasabihin at itatanong niya 'yon.

"Nararamdaman ko eh. Hindi mo mapipigilan 'to." Yumuko siya at nagsulat sa notebook. Siguro outline ng mga sinabi ko kanina. Sumandal naman ako sa upuan kaya lang sumasakit na ang likod ko sa upuan na 'to.

Inilibot ko ang paningin sa buong shop at nakitang may dalawang single couch na magkaharap sa sulok. Parang masarap umupo at magkwentuhan do'n. "Favor,"

Tumunghay siya sa akin nang may pagtatanong sa mukha. "P'wedeng lipat tayo ro'n? Sakit na ng likod ko rito." Pagrereklamo ko habang napapahawak sa likod ko. Tumango naman siya at inayos ang mga gamit niya. Sabay kaming tumayo at binitbit 'yong pagkain namin. Sukbit namin pareho ang bag namin. Nang makarating kami sa puwesto, excited akong naupo. "Ang lambot! Sarap matulog."

Nakita kong napatingin siya sa relo niya bago umupo. "Inaantok ka na ba? Maaga ka ba sa trabaho?"

Umiling ako. "Day off ko bukas." Sumandal ako nang maayos. "Ay ngayon pala. Day off ko ngayon. Madaling araw na nga pala. Ala una na ba?" tumango siya.

Saglit kaming natahimik dahil inayos ulit niya ang notebook niya.

"Ang cute ng notebook mo." Wala sa sarili kong sabi.

"Gusto mo?" Seryosong tanong niya. Ba't parang ang bait niya talagang tao? Parang pinalaki na mapagbigay sa kapwa. Galante.

"Hindi. 'Wag mo na lang pansinin 'yong sinabi ko."

Nakatitig lang ako sa kaniya hanggang sa matapos siya.

"Ako na ba?" Tumango lang ako sa tanong niya. "Ang awkward pala talaga magkwento ng buhay." Tinanggal niya muna ang kung anong bumabara sa lalamunan niya.

"Sinabi mo pa." Nagbigay pa ako ng thumbs up bilang pagsang-ayon. "Kaya hindi ko alam kung bakit ang lakas mong mamilit sa tao na magkwento ng buhay niya. Ako 'yong taong 'yon, by the way. Baka hindi ka aware na pinilit mo ako." Sarkastiko akong ngumiti.

"Sorry talaga." Natawa siya pero 'yong malungkot. "Kagaya nga ng sinabi mo kanina, desperado eh. Desperado na talaga ako." Desperado nga siya. Halata sa mga mata niya.

"Hindi ka mabibigo sa kwento ng buhay ko. Masuwerte ka talaga dahil pinagbigyan ng tadhana 'yang pagiging desperado mo. Sana all 'no? Puro kamalasan kasi sa'kin."

Malungkot lang siyang ngumiti sa akin.

Ilang segundo rin ang nagtagal na nakatingin lang siya sa sahig. Nag-iisip. Tingnan mo 'tong isang 'to. Mukhang p'wede talaga niyang ikwento na lang ang buhay niya kaysa buhay ko pa ang gamitin eh.

"Pangarap ko talaga maging writer at director." Mahinang sabi niya.

Katahimikan kahit may mahinang sound ng music sa loob ng shop. Ilang segundo akong nag-abang pero wala nang kasunod 'yong sinabi niya. Parang pinag-iisipan pa niya kung sasabihin ba niya 'yong karugtong.

"Pero?" Pero dahil wala akong pasensya ngayon, tinanong ko na. Minsan kasi, naghihintay lang din 'yong tao na tanungin siya bago sabihin 'yong nararamdaman niya. "Kasi?" Tanong kong muli nang hindi pa rin siya sumagot.

Bumuntong hininga siya bago napapikit. "Gusto nilang mag-pari ako."

Tumango ako kahit hindi niya nakikita. Hinintay ko lang siya hanggang sa sumandal siya ngunit nakapikit pa rin.

"Naging writer ako kasi pinaglaban ko na may mararating ako. Na hindi walang k'wenta ang pagiging writer at director. Na hindi pera ang habol ko. Gusto ko lang mabuhay nang masaya 'yong ginagawa ko sa bawat paghinga ko. Pero ayaw nilang maniwala. Ayaw nilang makinig. 'Di ba dapat bilang mga magulang, suportahan nila kung saan masaya ang anak nila? Bakit ba ang hirap ipaliwanag sa kanila na may sarili ring buhay ang mga anak nila at hindi nila pagmamay-ari. Just why?"

Sabay kaming napabuntong hininga. Mukhang ang tagal niyang inipon 'yon. Mukhang ngayon niya lang nasabi at nailabas sa sistema niya. Tahimik lang ulit kami. Gusto kong magsalita kaso baka masira moment niya. At saka isa pa, deserve niya 'to dahil hindi madaling magkimkim ng inis o galit. Deserve niyang huminga.

Nakatingin lang ako sa kaniyang nang magbukas siya ng mata at magtama ang paningin namin. Ngumiti ako. Wala akong kailangan sabihin dahil hindi naman kailangan. Ang kailangan niya, isang kaluluwa na handang makinig sa kaniya.

Mahina siyang natawa at nailing.

"Alright, what's next?" He cleared his throat bago tumingin sa notebook niya.

"May tanong muna ako." Nagtaas ako ng kamay.

"Shoot."

"Abraham ba pangalan mo?"

Natigilan siya. Hindi niya yata inaasahan na itatanong ko. Pero base sa reaksyon niya, pangalan nga niya 'yon. Halata naman kasi mula sa Abra. Tapos makaDiyos ang parents niya at pinapag-pari siya. Mukhang natural na magkakaroon siya ng pangalan na galing sa bible.

Umiling ako. "Mas bet ko pa rin na Abra ang itawag sa'yo. Mas bagay."

Ngumiti siya. "Salamat."

"Ehem, ehem! Love life ba sunod?" Tanong ko. Mapang-asar siyang tumango at nakangisi. "Sus! For sure alam mong kagagaling ko lang sa break up. Chismoso ka kanina eh. Kunwari ka pang hindi nakikinig sa phone call namin kanina ng best friend ko."

"Game!" Masigla niyang sabi. Mukhang nakahinga na siya kahit papaano.

09092020 11:41PM

PaghilomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon