15 | Extension

30 3 0
                                    

"Hala, may online class pa ako!" giit ko nang makitang ilang minuto na lang at ito ay magsisimula na.

Agad akong bumangon sa aking kama, nang 'di sinasadiyang masipa ang librong binasa ko kagabi.

"Kasalanan niyo 'to Arellano at Sil, eh. Napuyat ako sa ganda ng kuwento niyo," saad ko at pinulot ang libro mula sa sahig.

Tumakbo ako papuntang banyo para makapaghilamos. Nang matapos ay dumiretso ako sa kusina para makakain ng kaunti.

"Anak, tiis-tiis lang muna sa diyan sa pinaglumaang cellphone ng kuya mo," saad ng aking nanay habang nagsusuklay.

"Ayos lang po. Mabuti na lang din at pwede pa pong mag-dowload ng apps na kailangan kahit lumang model na 'to."

"Hayaan mo 'pag malaki na ang ipon natin, 'yan agad ang bibilhin ko."

Ngumiti lang ako at pinatong ang pinagkainan sa lababo. Mamaya ko na lang 'to huhugasan.

"Sige anak, punta na 'kong trabaho. Nandiyan lang naman ang tita mo 'pag mayroon kang itatanong."

"Sige po."

Agad akong bumalik sa'king kwarto at hinanda ang mga gagamitin ko. Hindi na rin ako nagpalit ng damit. Naalala ko pa no'ng mga unang linggo namin sa online class, todo ayos pa ako. Hindi naman pala required ang naka-open cam lagi.

"Low batt pa," saad ko nang makitang 5% na lang 'tong cellphone.

Kinuha ko ang charger at sinaksak sa extension para maka-join na ako sa meeting room namin. Ngunit hindi pa rin nagch-charge. Paulit-ulit ko na itong sinasaksak at tinatanggal pero wala pa rin talaga!

Napapikit na lang ako at napahiga sa kama. "Bumigay ka na. 'Di ka man lang naghintay sa papalit sa'yo, nasira ka na agad," may halong inis kong sambit. "Paano na ako mag-oonline class nito?"

Binitawan ko ang aking cellphone at idinukdok na lamang ang aking mukha sa unan dahil sa nararamdaman kong luha. Absent na lang muna ako sa first subject, makikihiram na lang siguro ako ng cellphone kay Tita mamaya.

Hanggang sa tuluyan na talaga akong umiyak.

Paano na 'yan? Kahit naman i-record 'yong meeting 'di ko pa rin mada-download dahil 'di kakayanin ng storage. Masaklap niyan ay magla-lag pa kaya wala rin. Medyo nahihiya na rin akong magtanong sa mga kaklase ko at ibang teacher.

Kung magpa-drop out na lang kaya ako? O lumipat sa ibang school na may modular? Scholar lang naman ako kaya ako nakapasok sa private school na 'to.

Patuloy lang ako sa pag-iyak at pag-iisip ng kung anu-ano.

"Oh, 'di ba may online class ka?" Agad akong napapunas ng luha nang biglang magtanong si Tita.

"'Ta, tuluyan nang bumigay cp ko."

"Ha? Patingin nga kung anong nangyari?"

Binigay ko sa kaniya ito at muling nagsalita, "Paulit-ulit ko nang sinaksak pero ayaw mag-charge, mas lalo pang nababawasaan 'yong battery."

Hindi siya sumagot at lumapit lang sa may bandang extension. Muli lang akong napatulala.

"Hay nako kang bata ka," giit niya kaya agad akong napatingin.

"Hindi talaga magch-charge 'yang phone mo, dahil 'di nakasaksak yong mismong extension!"

Nanlaki ang aking mata sa bahagyang pagkahiya at naalala ang mga pinag-iisip kanina.

Ipinakita niya sa'kin ang phone kong nagchacharge. Bahagya niya pa akong pabirong inirapan at natawa rin sa huli.

"May nabasa akong quote kanina sa Facebook," aniya. "Pay attention even in small things."

"Dahil do'n nakasalalay ang malalaking bagay?"

Tumango-tango siya, "Tama. Isipin mo gusto mo nang isuko 'yong pag-aaral mo, dahil lang sa hindi mo nasaksak ang extension?"

"Sorry na 'Ta."

"Hindi lang sa online class, kahit sa anong gagawin mo. Sabihin nga natin na maliit na bagay lang, pero 'yon dapat ang una mong tinitignan." Tumingin siya sa'kin at ngumiti. "Sige na, humabol ka na sa online class mo. Hindi pa naman masiyadong late."

Ngumiti lang ako at nagpasalamat. Nang makaalis siya sa kuwarto ay napailing na lang din sa pinaggagawa ko kanina.

Imagination StationWhere stories live. Discover now