NAGISING ako sa malamig na hangin na dumadapyo sa balat ko at sa sikat ng araw na tumatama sa mata ko mula sa lumilipad na kurtina na nagsisilbing tabing sa salamin at nagsisilbing harang dito sa kwarto at balkonahe.
Naninigkit pa ang mga mata kong iginala ang tingin sa loob. Wala na akong kasama. Tamad kong ginapang ang gawi ng night table upang kunin ang cellphone at tingnan ang oras doon.
7:20 pa lang pero bakit ang aga nilang bumangon?
Napalingon ako sa balkonahe nang makarinig ng ingay mula sa labas.
Nasapo ko ang ulo nang maalala ang sinabi ko kagabi. "Ano kaya ang iniisip niya? O baka assuming lang ako?"
Hindi ko na hinintay pang makasagot si Noah dahil pumasok na rin akonsa loob. Isa pa, mukhang wala siyang balak umimik. Nakatitig lang siya sa akin.
Ipinilig ko ang ulo sa alaala na iyon kagabi at tuluyang bumangon.
Napaharang ako ng palad sa mata nang tuluyang tumama sa mata ko ang sinag ng araw. Nang ma-adjust ang paningin ay saka ko pa tinunghayan ang nangyayari sa labas. Doon nakita kong nagpapasiklaban ang mga lalaki sa pagpatakbo ng jetski. Isa na roon ang guwapong-guwapo na Noah.
Nakasuot siya ng board short at plain white T-shirt na bakat sa katawan niya dahil nababasa na iyon ng dagat. Tuloy ay parang kuminang ang balat niya sa pang-umagang sikat ng araw. Naniningkit ang mga mata niya dahil sa init at kakatawa. Si Stephen naman ay hambog na nagpapasiklaban ng kung ano-anong stunts habang nagpapatakbo. Nang tingnan ko si Juliana ay hindi ko mawari kung natutuwa o naiinis sa kahambugan ni Stephen.
Palihim naman ang pagsulyap ni Haven sa nangingiti lang na Justin na ngayon ay bumaba na sinasakyang jetski habang tinatanaw sila Noah at Stephen. May miminsang nagkakahulihan sila ng tingin at ang bruha, napapabilang pa sa buhok tuwing nahuhuli siya ni Justin. Hindi nakatakas sa paningin ko ang pamumula ni Justin, marahil ay nafa-flattered ito dahil nahahalata niya ang pasulyap-sulyap sa kanya ni Haven.
Alam ko ang mga tinginan na 'yan, naku.
Gusto ko namang matawa dahil parang may sariling mundo si Finn si Sky na nagpipicture sa tabi ng jet ski. Gwapong-gwapo si Finn sa pagpost, si Sky naman ay dinaig pa si Juliana kung makakuha ng larawan kay Finn at may padapa-dapa pa.
Doon ko nasalubong ang mga mata ni Noah, tumingala sa gawi ko.
Bahagya lang akong nagulat, nang makabawi ay kinawayan ko siya. Nginitian din niya ako pabalik.
Naalala ko na naman ang nangyari kagabi. Bigla, tumigil ang pagiging assumera ko at ayaw kong tanggapin ang ipinapahiwatig ni Noah kagabi, iyon ay kung meron man. Ngayon lang ako naduwag ng ganito. Ang mga mata niya ay may inilalahad na ayaw kong pangalanan. Ayaw kong pansinin.
Klaro na ang kahahantungan mo, Gab. Sinasabi ko sayo.
Napaiwas ako ng tingin at kunwa'y kinawayan ang ngiting-ngiti na Sky na kanina pa pala kumakaway sa akin, sinenyasan akong bumaba.
Wala sa sariling napatingin ulit ako sa gawi ni Noah na agad kong pinagsisihan dahil nasalubong ko ulit ang titig niya, nakapameywang na siya.
Palihim akong humugot ng hininga at nginitian ko siya nang pagkalawak. "Ang gwapo mo, babe!" Sigaw ko na inilagay ko pa ang dalawang kamay sa bibig upang mas marinig niya. Nakita ko kung paano niya akong pinantaasan ng kilay, tila nagtatanong kung bakit nagbago ang mood ko.
Hindi ko na hinintay pa ang ibang reaksyon niya at pumasok ako sa loob upang mag-ayos sa sarili at magpalit ng panligo.
Doon ay hinayaan kong mapadausdos sa hamba ng pinto ng banyo. "This thing is so bitch, Gabby. Ano 'to? Ano 'to?"
BINABASA MO ANG
CHASING NOAH(Bella Series1) Completed
General Fiction"Nothing beats a person with a brave heart. Ako iyon, Noah." -Gabby-