ONE SAD DAY

712 14 0
                                    

Nagpapahinga si Mama ng dumating si Tita Penelope. Kapapainom ko pa lang sa kanya ng gamot ng pumasok ang babaeng nasa edad kuwarenta na rin. Malapit silang dalawa sa isa't isa lalo na ngayong maysakit siya. Natuto akong kumilos mag-isa. Natutunan kong magsaing at magluto ng simpleng ulam lalo na kung hindi kaya ni Mama na magluto ng almusal para sa akin bago ako pumasok sa klase tuwing umaga . 




"Wala ka bang balita sa kanya?" Dinig kong tanong ni Mama.

"Wala e. Pero makikibalita ako sa mga katrabaho niya, baka may alam sila. Huwag kang mag-alala." Bigla silang lumingon sa labas at inilapat ni Tita Penelope ang pinto.

"Kumusta na kaya siya?" Halos idikit ko ang tenga ko sa pinto na gawa sa manipis na plywood.

"Ano ka ba, Ate? Isipin mo ang kalagayan mo. Ikaw ang inaalala ko at si Madison." Dinig ko ang ubo ni Mama.

"Paano na nga kaya si Madison?"

"Nakausap mo na ba ang kapatid mo sa Maynila?"




Madalas namin siyang dalhin sa ospital. Mabuti at kasama namin si Tita Penelope, hindi ko siya kailangang bantayan sa ospital. Ayaw din ni Mama na sa ospital ako natutulog . Sinikap ko pa ring alagaan siya bago ako umuwi sa bahay. Sa tabi ng kama niya ako nag-aaral at doon ko na rin sinasagutan ang mga assignments ko.




Malala na raw ang tuberculosis ni Mama. Ayaw nga niya akong palapitin sa kanya at baka daw ako mahawa . Pero ayon sa nabasa ko, hindi naman iyon nakukuha sa basta pakikipag-usap lang. May mask naman si Mama at nag-iingat na hindi ako mahawa. Hindi ko rin naman ginagamit ang kanyang mga kagamitan sa pagkain. Hiwalay ito sa gamit namin. Madalas itong pakuluan bago niya gamitin.




Atsaka, nanay ko siya. Hindi ko siya pandidirihan dahil lang sa ganoong klaseng sakit. Nagagamot na ito ngayon , kaya lang lumala ang kanyang sakit ng hindi na siya makabili ng gamot sa halip ay ipinantutustos na lang ang natitira naming pera sa aking pag-aaral.




Hanggang sa isang araw , masaya akong tumabi sa kanyang kama. Ikinukuwento ko sa kanya na mataas ang nakuha ko sa aming huling pagsusulit. Sinabi ko sa kanya na magpagaling siya para makabawi ng lakas dahil gusto kong isabit niya sa aking ang medalyang ibibigay sa akin sa darting na Marso. Nagulat ako ng hindi na siya kumibo sa tabi ko.




"Mama! Mama!"

"Tita, bakit parang hindi na humihinga si Mama?" Parang nanlalamig na si Mama.

"Mama, huwag po ninyo akong iwan." Niyugyog ko siya ngunit dugo ang umagos sa kanyang bibig kaya tuluyan akong nagsisigaw sa awa kay Mama.

"Mama, gumising ka! Gising, Mama!"




Hindi man lang siya nagpaalam sa akin. Hindi ko mailarawan kung gaano kasakit ang aking naramdaman ng mamatay si Mama. Mas masakit pa 'yung alam mong nagbubulungan ang mga kamag-anak ko at awang-awa sa akin dahil daig ko pa ang ulila. Hindi ko alam kumbakit matagal na panahong hindi umuuwi si Papa. Nagpaalam siya sa amin noong pitong taong gulang ako upang magtrabaho sa Saudi. Masaya naman kami. Umuuwi siya kada tatlong taon pero nagtapos ako sa elementary ng hindi na niya naisabit ang aking medalya. Sabi ko sa kanya noon sa sulat na second honor ako, salutatorian kumbaga. Pero hindi na siya sumagot sa sulat na iyon.




Masayang – masaya noon si Mama ng umakyat sa stage pero syiempre mas masaya sana kung nandoon din si Papa. Simula noon hanggang magkasakit si Mama, tuluyan na kaming nawalan ng balita sa kanya.




Mabuti't solong anak lang ako. Hindi sila mahihirapang kupkupin ako. Sa burol ko unang nakita si Tita Jessica at Tito Andrew. Hindi ako umalis sa tabi ng kabaong ni Mama. Hindi ako umiiyak pero sa araw ng libing, halos gusto ko na ring sumama dahil doon ko naramdamang wala nang nagmamahal sa akin.




"Mama, huwag mo akong iwan... Mama!"




Bumuhos ang luha ng lahat ng nakikiramay. Baka ang ilan ay napaiyak na rin dahil sa aking kalagayan. Anong mangyayari sa akin lalo na ngayong mag-isa ako? Niyakap ako ni Tita Penelope habang inaabot ko ang kabaong na unti-unting ibinaba sa hukay. Nandoon ang mga kaklase ko. Kahit yata crush ko na si Marko ay nandoon pero hindi ko na inisip yun. Wala na akong pakialam kahit tuluyan siyang ma-turn off sa akin. Hinawakan ako ni Tita Jessica at niyakap ako ni Tito Andrew.




"Madison, tahan na iha... nandito kami para sa iyo"

"Mama.... Mama... Mama!" 




Nakaupo ako sa damuhan habang tanaw si Mama sa ibaba. Inihagis ko ang bulaklak sa kanya bilang pamamaalam. Ganoon din ang ginawa ng iba hanggang sa tuluyan ng tabunan ng lupa ang buong hukay. Isa-isa nang nagsipag-uwian ang mga nakipaglibing. Tinapik ako sa balikat at saka pinalakas ang loob ko na maging matatag lalo na sa pagkakataong ito.




Umupo akong muli at hinipo ang lupa. Pumikit ako at saka umusal ng dasal. Tumulong muli ang aking luha. Hindi ko na talaga iyon mapipigilan. Saka ako tumayo at nagpalaam kay Mama.




"Madison, iha. Huwag mong isipin na pinabayaan ka ni Kuya Basti . Sinisikap naming makibalita sa kanyang agency. Hindi kayo pababayaan ni Kuya kaya sana ay huwag sasama ang loob mo sa iyong papa."

"Totoo naman po eh na pinabayaan niya kami..." Nandoon ang galit sa mga binitiwan kong salita .

"Iha, baka kailangan din ng tulong ni Kuya ngayon kaya huwag ka namang ganyan. Intindihin mo din ang kalagayan ng iyong ama."

"Puwede naman po siya ditong magtrabaho pero mas pinili niyang iwan kami ..." Tugon ko.

"Iha, malalaman natin ang dahilan kumbakit matagal siyang nawala kapag nakabalik na ang Papa mo. Kaya walang dahilan para ganyan ang maramdaman mo ngayon." Sabi pa ni Tita Jessica. Tumango naman si Tita Penelope sa tabi ko. Pumasok na ako sa aking kuwarto at hinayaan ko na silang magkuwentuhan

"O siya, Jessica, Andrew... Uuwi na ako. Kayo na muna ang bahala dito kay Madison. " Ngumiti si Tita Jessica. Mukhang malapit na magkaibigan sila ni Tita Penelope. Just like the good old days.

"Oo, kami nang bahala dito. " Nagbulungan pa ang dalawa atsaka nagkatawanan.

"Anong oras ang alis ninyo nina Madison?"

"Kahit siguro bandang alas siyete na lang."

"Dadaan ako dito. Kumusta ang anak mo sa Manila?"

"Dalaga na rin tulad ni Madison. Sige na..." Narinig ko na lang ang pagsara ng pinto.




Nakakabingi ang katahimikan na iyon. Iyon ang unang gabi na wala si Mama. Wala na akong kayakap sa higaan. Wala nang hahaplos sa buhok ko bago ako matulog. Tumulong muli ang luha ko sa unan. Hindi ko alam kung makakatulog ako. Kung nakatulog man ako, hindi ko alam kung anong oras na rin iyon.

THE CHRONICLE OF A MAN HATERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon