Chapter One

15 9 11
                                    

Alanganin ang mga hakbang ni Loren habang binabagtas ang daan pababa ng bus na sinakyan niya. Pati ang puso niyang abut-abot ang kaba ay parang gustong lumabas ng rib cage niya.

Banyaga ang ugar na haharapin niya. Wala siyang tiyak na patutunguhan at wala ring kamag-anak na mahihingan ng tulong kung kinakailangan. Higit sa lahat, hindi niya alam kung masama o mabuti ang maaari niyang kahinatnan pagkatapos ng ginawa niyang lakas-loob na pag-alis kaninang madaling- araw mula sa tahanang nakagisnan niya.

Sa edad na beinte-tres ay ngayon pa lang siya nakatuntong sa Maynila. At kung hindi pa nangyari ang hindi dapat mangyari, tiyakniyang hindi pa rin siya makakaalis ng hacienda na kinalakihan niya dahil sa sobrang pagkaistrikto ng ama niya pagdating sa kanya.

"Miss, gusto kong ipaalala sa iyong hindi tayo namamasyal sa ilalim ng buwan. Mas lalong hindi ito Luneta. Baka puwedeng pakibilisan mo naman ang lakad mo. Late na ako sa appointment ko." Mataray na wika ng babaeng nasa likuran niya.

Nang lingunin niya ito ay walang kahihiyang pinalobo nito ang nginunguyang chewing gum sa mukha niya. Napaatras siya nang muntik pang pumutok iyon sa mismong ilong niya.

Naka-sunglasses ito, makapal ang kulay-orange na lipstick at modernung-moderno ang pananamit.
Umabot lang sa singit ang maong shorts na suot nito. Pati ang pang-itaas nito ay parang panyong nilagyan lang ng tali sa likod. Kung sana ay maputi ang kulay ngbalat nito, baka sakaling bumagay rito ang pananamit nito. Daig pa nito ang kulay ng nabilasang tilapya.

Para din itong nakamura ng mumurahing pabango mula sa nagpapautang na suki nitong Bumbay. Hindi magiging kalabisan kung sasabihin niyang babara sa sinuses niya ang amoy nito kung magtatagal pa siya sa presensiya nito nang ilan pang segundo. Ngunit masyadong malalim ang itinatakbo ng isip niya kaya hindi niya agad napansin na may masangsang na amoy sa gawing likuran niya. Sana lang, hindi na siya muling makaengkuwentro ng isa pang babaeng katulad nito. Ngayong samut-sari ang takot na namamahay sa dibdib niya ay baka hindi na kayanin ng sistema niya ang shock na maaari pang tanggapin niya.

Binilisan niya ang paglalakad. Sa pagkakataong iyon ay halos takbuhin na niya ang pinto ng sasakyan. Nagpalinga-linga siya nang tuluyan nang makababa ng bus.

Saan na siya pupunta ngayon?

Kakaunti ang dala niyang pera at wala siyang sariling savings sa bangko. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, siya lang sa tatlong magkakapatid ang hindi pinayagang magbukas ng account sa bangko. Ayon sa kanyang ama, walang dahilan para kailanganin niya iyon dahil provided naman ang lahat ng pangangailangan niya sa hacienda. Ang mga kapatid niyang sina Marlon at Adelie ay parehong may malaking pera sa bangko. Mula iyon sa kanilang ama na si Don Rufino Gatchalian. Pinayagan pa ang mga itong makapag-aral sa Maynila sa kursong gusto ng mga ito. Ngayon ay kapwa nakabakasyon ang mga ito sa Amerika bilang
pabuya ng kanılang ama sa umano ay magandang performance ng mga ito sa pagma-manage ng hacienda.

Samantalang siya na bunso ay parang karanggo lang ng mga katulong kung tratuhin ng ama.

High school lang ang natapos niya. Kahit honor student siya, hindi siya nakarinig kahit katiting na papuri mula rito nang magtapos siya. Sina Marlon at Adelie na halos puro pasang-awa ang mga grado sa eskuwela ay ipinag-celebrate pa nito.

Nang sabihin niya rito na gusto rin niyang makapag-aral katulad ng mga kapatid niya ay isang linggong hindi siya nito pinalabas ng kuwarto.

Ilang araw na ang nakalilipas nang makita niyang may kausap itong isang lalaking sa umpisa pa lang ay hindi na niya kursunada ang hilatsa ng mukha. Mukhang kontrabida sa pelikula, tipong hindi maaaring pagkatiwalaan.

Bigotilyo ang lalaking iyon. Malakas manigarilyo katulad ng kanyang ama. Higit sa lahat, nang ipakilala siya rito ng kanyang ama ay para itong gutom na gutom na asong ipinaghain ng masarap na roasted chicken kung tingnan siya.

A Promise of TomorrowWhere stories live. Discover now