Mabilis na lumipas ang mga araw. Naging napakaabala ni Loren sa trabaho niya sa restaurant. Hindi niya namalayang isang buwan na pala siya sa Maynila. Lalo pang nakadagdag sa kasiyahan niya ang katotohanang walang anumang aberyang nangyari sa loob ng panahong iyon. Kahit paano ay panatag na rin ang kalooban niya. Wala ang akala niyang mga taong bigla na lang susulpot sa restaurant upang pilitin siyang bumalik sa hacienda katulad ng kinatatakutan niya. O kaya ay mga pulis na aaresto sa kanya sa salang hindi niya ginawa upang mapilitan siyang humingi ng saklolo sa kanyang ama. At pagkatapos niyon ay mapilitan ding sumunod sa lahat ng gusto nito kapalit ng pabor na gagawin nito para sa kanya.
Kung nakalimutan man ng mga tao sa hacienda na nag-e-exist pa siya, walang kaso iyon sa kanya. Mas pabor pa nga iyon sa kanya kung tutuusin. Ang mahalaga ay hindi niya kailangang magpakasal kay Brando Paredes nang labag sa kalooban niya.
Sa loob din ng isang buwang iyon, patuloy si Roman Valentino sa pagpapalipad-hangin sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay mas masugid na kaysa dati. May mga pagkakataong nagpapadala pa ito ng mga bulaklak at kung anu-anong regalo sa kanya. Madalas ay ibinabalik niya iyon dahil hindi niya gustong paasahin ito. Hanggang makakaya niya, paninindigan niya ang naunang desisyon tungkol sa pakikitungo rito. Kapag naayos na niya ang buhay niya at handa pa rin itong mag-alok ng pag-ibig sa kanya, saka niya ito bibigyan ng tsansa. Sa ngayon, higit na importanteng maiangat niya ang pagkatao niya.
Noong isang linggo ay nakapag-enroll na siya sa isang computer school na ilang bloke lang ang layo mula sa restaurant ni Mrs. Juco. Dahil sadyang mabuti ang kalooban ng babae, nagprisinta pa itong iadvance ang suweldo niya para sa susunod na buwan nang malaman nitong kukulangin ang perang gagamitin niya sa pag-e-enroll.
Nakonsiyensiya tuloy siya sa paglilihim niya rito ng tunay niyang pagkatao. Sukat doon ay nagdesisyon siyang sa malao't madali ay sasabihin na rin niya rito ang totoo. Hindi niya lubos-maisip ang magiging hinanakit nito sa kanya oras namalaman nito sa ibang tao ang lihim na iniingatan niya. Kaya lang ay wala pa siyang lakas ng loob na isakatuparan iyon.
Nang araw na iyon ang unang gabing papasok siya sa computer school. Bagaman excited siya sa muling pag-aaral, minabuti niyang panatilihing maayos ang trabaho niya. Kagaya ng dati, ayaw niyang may maipintas ang mga kasama niya sa kanya. Hanggang alas-sais ay nakaantabay siya sa mga kumakain.
"Vina, ikaw na ang bahalang umasikaso roon sa kostumer sa table four" aniya kay Divina.
Pagkatapos ng pagtatapat niya rito ay itinuturing na niyang kaibigan ito.
"Papasok ka na ba?" tanong nito.
"Oo. Fifteen minutes na lang at male-late na ako," aniya habang binabagtas ang hagdan papunta sa kuwarto nila.
Nagmadali siya sa pag-aayos sa sarili. Pagpatak ng oras ng unang klase niya ay nasa tapat na siya ng pinto ng classroom.
Basic Shorthand ang unang subject niya. Isang payat at nakasalaming lalaki ang teacher nila roon. Ayon sa mga kaklase niya, nagtatrabaho ang guro nila bilang court stenographer sa isang malapit na trial court. Medyo sumakit ang ulo niya sa walang katapusang oral reading nila ng mga strokes na nakasulat sa white board. Mabuti na lang at bago tuluyang kumirot ang sentido niya ay natapos na ang klase. Dalangin niyang sana ay masanay siya agad sa ganoong sistema upang hindi siya mapilitang i-drop ang subject na iyon kung sakali. Sa pagkakaalam niya ay plus factor para sa mga future secretaries ang pagkakaroon ng kaalaman sa stenography.
Ang isa pang subject niya nang araw na iyon ay ang Beginner's Course in Computer. Gustuhin man niyang dagdagan ang units niya, dalawang subjects lang talaga ang kaya niyang iaccommodate sa bawat gabi.
"Good evening, class. I am Mr. Joseph Alano and I will be handling this subject until the end of the term," nakangiting wika ng isang nakakurbatang lalaking sa tingin niya ay hindi lalayo ang edad kay Roman Valentino. Ipinilig niya ang ulo. Bakit bigla na lang pumasok sa isip niya ang pangalang iyon? Ano bang mayroon ito at hindi niya maalis-alis sa sistema niya kahit anong pagmamatigas ang gawin niya? Kung maya't maya ay para itong kabuteng Sumusulpot sa utak niya, hindi malayong masira ang konsentrasyon niya sa pag-aaral. Atiyon ang kahuli-hulihang bagay na dapat mangyari sa kanya dahilpawis at dugo ang puhunan niya para maipon angperang pantustos sa edukasyon niya.
YOU ARE READING
A Promise of Tomorrow
Romance"Totoo sa loob ko ang pag-aalok ng kasal sa iyo. I have never wanted any woman so badly into my life like I wanted you." [ COMPLETED ]