001

13 2 0
                                    

"Anak, gising na," naririnig ko ang boses ni Mama mula sa baba. Nasa higaan pa rin ako, nagpapagulong-gulong. Ang lambot ng kutson!



Walang pasok ngayon dahil summer na kaya pwedeng pwede akong gumulong dito buong araw!



"Ay nako Mary Calianna bumangon ka na't alas onse na!" Lumakas ang boses ni Mama kaya napatingin ako sa pintuan. Nakatayo siya, nakapamaywang at nakasimangot.



Bumangon na din ako at kinusot ang aking mga mata, umaasang natanggal ang muta. Nakasimangot akong lumabas sa kwarto at bumaba na din sa hagdan. Napatingin ako sa orasan namin na ang mahabang kamay ay nasa gitna nakatutok habang ang maikling kamay naman ay nasa 6. Di ako marunong magbasa ng orasan kaya di ko din alam kung anong oras na. Basta lang naramdaman ko ang hilab ng aking tiyan. Gutom na ako hehe.



Nakabukas ang telebisyon sa sala na makikita mo pa rin sa hapag kainan dahil nasa likod lang naman ng mga sofa ang mesa. Amoy na amoy ko ang hotdog at fried rice na nasa mesa kaya mas nakaramdam ako ng gutom. Si papa naman ay nakaupo sa kabisera, saktong sakto para makakita sa kung ano ang pinapalabas sa telebisyon.



Hindi naman gaanong malaki ang bahay namin. Sa likod ng pader sa gilid ng sala ay kusina na namin at saka ang CR. Sa taas naman, may dalawang kwarto. Ang isa para sana sa akin pero di ko gustong mag isa sa kwarto no! Baka may mumu pa at hatakin ang pwet ko kaya tumatabi ako kay Mama at Papa gabi-gabi. Ang baba lamang ang sementado sa bahay namin at gawa na sa kahoy ang ikalawang palapag.



"Gising na prinsesa namin!" Ngumiti ako kay Papa at tumakbo na para yakapin siya. Inamoy ko din siya dahil nababanguhan ako sa kaniya. Hinalik-halikan niya ang tuktok ng ulo ko habang isinisiksik ko ang sarili ko sa dibdib niya.



"Kain na tayo," ani Mama na inilagay na ang mainit na gatas sa bahagi ng mesa na kadalasang pwesto ko. Umupo na ako doon, ang paa ko ay nakabitin pa. Maliit pa ako eh, di pa malaki.



Naamoy ko din ang kapeng barako sa hangin. Ang sarap siguro ng kape 'no? Kaya lang bawal daw sabi ni Mama at Papa kasi nga bata pa ako.



"Magdasal muna tayo. Pray ka anak," kinalabit ako ni Papa. Sinunod ko naman siya.



"In the name of the Father, the Son, the Holy Spirit. Amen. Bless us O Lord and these thy gifts which we are about to receive through Christ our Lord, Amen," nakapikit kong dasal. Narinig ko namang maligayang pagsagot ng 'Amen' nila Mama at Papa.



Binuksan ko na ang mga mata ko pagkatapos mag sign of the cross ulit. Nagsimula na kaming kumain. Ang sarap ng kanin sa umaga. Kaya lang, medyo hirap pa akong abutin iyon dahil mataas ang mesa namin. Kaya minsa'y sinusubuan ako ni Mama.

Mary's Song (Flora Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon